ni; Francisco J. Colayco
*unang lumabas sa Bulgar noong ika-10 ng Enero, 2013
Salamat sa pahintulot ng aming kaibigan na si Ms. Letty Jacinto-Lopez, isang kilalang kolumnista sa ibang pahayagan, maibabahagi ko sa iyo ang kaniyang artikulo. Babanggitin ko nang buo ang maraming bahagi ng kaniyang isinulat, dahil angkop iyon sa isa sa mga prinsipyo na lagi naming itinuturo. Kailangang paghandaan ang iyong pagtanda para hindi umasa sa mga anak. Totoo na hangga’t maaari, dapat magplano para kapag yumao ka na, wala nang matitira sa iyo dahil nagastos mo na lahat o kaya naman ay naipamigay mo na ang mga pag-aari habang nabubuhay ka pa. Sa halimbawa na makukuha mula sa kuwento ni Ms. Letty, masyadong napaaga ang pagbibigay ng pera sa mga tagapagmana.
Tunghayan ang kuwento:
Sa ika-54 na anibersaryo ng kanilang pagsasama, nagdesisyon ang aking mga kaibigan na ipamigay na ang kabuuan ng kanilang mga ari-arian sa mga nabubuhay na tagapagmana. Sabi nila, “Para walang gulo.” Pero my dinagdag silang pakiusap: “Habang buhay pa kami, gamitin pa rin dapat ang kinikita ng mga ari-arian para sustentuhan ang aming kasalukuyang pamumuhay, kasama na ang mga medikal na gastos, paminsan-minsang biyahe, at pagshoshopping.
“Ok lang ito sa amin”, sabi ng mga tagapagmana. “Gagastusin na lang namin ang matitira matapos ikaltas ang mga gastos,” dagdag pa nila.
Nagdaan ang isang taon nang walang problema pero hindi nagtagal, nag-iba rin ang ihip ng hangin. Naghanap ng paraan ang bawat anak para isarili ang pera at pagkaitan ang mga magulang. Dumating sa puntong kailangang magmakaawa ng mag-asawa para sustentuhan sila. Tinanggal sa kanila ang dignidad na pinagsumikapan nila bago magretiro.
Bakit nagkaganoon?
“Maling desisyon,” sabi ng isang kaibigan na binalaan ang mag-asawa na huwag ipamana sa ganoong paraang ang mga pag-aari. “Hindi maaasahan ang mga anak kung mana ang pinag-uusapan.”
Hindi nabibigyan ng tamang pagpapahalaga ang perang tinanggap lang nang hindi inaasahan, at hindi nila pinagsumikapan. Imbes na magpakita ng pagpapasalamat at responsableng paghawak ng mana, nangingibabaw ang kasakiman. Isa pang panganib ang kanya-kaniyang asawa ng mga tagapagmana. Kaya nilang impluwensiyahan ang mga tagapagmana para isawalang-bahala na parang trapo ang tuwid na pag-iisip at katapatan sa mga retiradong magulang. “Sweetheart, mamamatay rin naman sila, kaya bakit pa kilangang magsayang ng pera sa kanila?”
Gaya ng natunghayan mo, akala ng mga kaibigan ni Ms. Letty na sinusunod nila ang prinsipyo na nagsasabing gastusin lahat ng pera habang nabubuhay. Pero kung hindi na ikaw ang may kontrol sa pera mo, hindi mo na iyon matatawag na pera para sa pagreretiro. Binahagi ni Ms. Letty kung ano sa tingin niya ang dapat gawin ng mga retirado. Ibabahagi ko ito sa inyo sa susunod na artikulo.
Sa Enero 23, may webinar tungkol sa One Wealthy Nation, isang samahan ng mga nag-iipon at nag-iinvest na sama-samang natututo upang marating ang kalayaang pinansiyal. Kasama nito ay ang paglabas ng One Wealthy Nation Mutual Fund na pinanghahawakan ng First Metro Asset Management Inc., isa sa mga batikang mutual fund company sa bansa. Para sa karagdagang detalye, bisitahin ang www.onewealthynation.com!