*Unang lumabas sa Bulgar, Hunyo 28, 2012
May ilan sa atin na totoong may pera para bilhin ang gusto nila pero ginagamit nila ang credit cards nila dahil “cool” iyon. Isa pa, may mga points silang nakukuha sa credit card na pwedeng i-redeem para makakuha ng mga nakakatuwang items. Mahusay! Pero kailangan lang siguruhin na isangtabi ang cash para bayaran ang credit card sa tamang petsa at hindi mahuhuli ang bayad. Problema kung makalimutan mo na ginamit mo pala ang credit card at magastos mo ang cash na nakikita mo sa pitaka mo. Kapag nagastos mo ang iyong cash, maghahagilap ka ng pera kapag malapit na ang due date. Ang masama pa, baka lagi mong ginagamit ang credit card mo at hindi mo binabantayan ang iyong mga gastos. Hindi mo mamamalayan na sobra-sobra na ang gastos mo.
Dumadami na ang gumagamit ng credit card para sa automatic na bayad ng mga utility bills, at iba pang buwanang bayarin. Hindi na binabayaran nang cash ang utility bills, at ang cash na naiiwan ay ginagamit sa ibang gastusin. Dahil dito, lumalaki ang panganib na hindi makontrol nang tama ang mga gastos. Magugulat ka na lang kapag dumating na ang credit card bill matapos ang ilang linggo. Kung hindi mo mabayaran ang credit card sa tamang petsa, malalagay ka sa pagkakautang sa credit card at kahindik-hindik ang penalties at interes nito. Mas mainam talaga na gumamit ng cash kung mayroong panganib na hindi mabayaran ang credit card sa tamang araw. Mas malala kung mawalan na ng kontrol sa paggamit ng credit card.
Kailangan mo ba talaga ng Bakasyon?
Mabuti ang pagbabakasyon at nakakatulong din na pasiglahin ang isip at katawan. Pero nakakatawang isipin na minsan, napakaraming ginagawa tuwing bakasyon kaya kailangan mo pa ng isa pang bakasyon para mawala ang pagod.
Mainam na planuhin ang bakasyon, lalo na kung titingnan mula sa aspekto ng pera. Sa kasamaang palad, minsan ginagamit ang bakasyon para takasan ang emosyunal na pasanin na dulot ng isang malaking problema. Dahil sa pagpapairal ng emosyon, nakakalimutan ang pinansiyal na epekto ng bakasyon at nagagamit nang husto ang credit card. Isa itong malaking pagkakamali.
Huwag na huwag gamitin ang credit card para sa isang bakasyon maliban na lang kung mayroon ka talagang cash na ipambabayad pagdating ng takdang petsa. Tuwing bakasyon, dalhin lang ang cash na nakabudget at iiwan sa bahay ang credit card para hindi ka matukso na gamitin ito. Kung kasama mo ang pamilya, siguruhin na alam at susundin ng bawat isa ang budget!
Nais mon bang paghandaan nang maigi ang iyong retirement? Sumali na sa ‘ming mga sa Hulyo 20, 2013: Pisobilities for Retirement at INVESTability: Mutual Funds. Bisitahin lang ang www.colaycofoundation.com para sa karagdagang detalye!