ni: Francisco J. Colayco
Unang lumabas sa Bulgar noong Oktubre 13, 2012.
Kung panaghihinaan ka na ng loob dahil nalulugi na ang negosyo mo, kailangan mong suriin nang maingat kung ano ang pinakamainam na estratehiya na susundin mo. Uulitin ko na hindi ka humantong sa sitwasyong iyan sa isang iglap lang kaya naman kailangan ang panahon, pasensya, at determinasyon para maitama ito.
Para sa artikulong ito, ipagpalagay nating personal na negosyo ang pinag-uusapan, o sa ibang salita, isang negosyo na pinaglaanan mo ng sariling pera. Malamang ikaw rin ang nagpapatakbo nito gaya ng maraming may personal na negosyo. Malamang hindi hiwalay ang pagtrato mo sa iyong pera at sa pera ng negosyo mo. Malamang hindi mo rin binabayaran ng suweldo ang sarili mo. Ang mga nabanggit ko siguro ang dahilan kaya naman personal kang nasa peligro dahil lamang sa nasa peligro ang iyong negosyo.
Ang unang pwede mong gawin ay gumawa ng dalawang hiwalay na Statement of Assets and Liabilities and Net Worth (SALN) – isa para sa iyong negosyo at isa para sa iyong personal na pag-aari at pera. Sa paggawa ng SALN ng negosyo mo, kailangan mong alamin kung magkanong personal na pera ang nilagay mo sa negosyong iyon. Ang perang ito ay dapat maisama sa bahagi ng Liabilities o Net Worth ng SALN ng negosyo mo.
Suriin kung may kinabukasan pa ang negosyo o wala na. Tingnan ang iyong produkto, and tubo, and lokasyon, ang mga kakumpitensya, at personal na dedikasyon sa negosyo mo. Kung mukhang hindi maganda ang kinabukasan ng ilan sa mga nabanggit kong aspekto ng negosyo mo, ikonsidera na ibenta na lamang ang negosyo o kaya’y isara ang negosyo sa lalong madaling panahon. Sa maraming pagkakataon, ang personal na dedikasyon ng nagpapatakbo ng negosyo ang dahilan kung bakit hindi nagtatagumpay ang negosyo. Baka hindi mo naman talaga alam ang negosyo na pinasok mo, o kaya naman, part-time mo lang ito inaasikaso, at iniiwan mo lang ito sa ibang tao na wala namang malasakit sa negosyo mo. Baka naman hindi ka kumikita kasi masyadong maliit ang tubo mo.
Sa pagsusuri sa SALN ng negosyo mo, tingnan kung alin sa mga pag-aari nito ang pwede mong ibenta. Subukang kunin ang pinakamagandang presyo sa mga iyon, kahit na magbenta ka nang medyo palugi. Siyempre, hindi priyoridad na mabayaran ang utang na “ipinahiram mo” sa iyong sariling negosyo.
Kung hindi sapat ang perang kikitain mula sa pagbebenta ng mga pag-aari ng negosyo, tingnan rin ang iyong personal na SALN at idaan din ito sa parehong proseso.
Kung magpasya ka ulit na magtayo ng negosyo, siguruhin na ihiwalay ang pera ng iyong negosyo at personal mong pera. Mas mainam na magbayad ang negosyo ng regular na suweldo sa lahat ng nagtratrabaho dito. Nakakatulong ito para malaman kung magkano talaga ang kinikita ng negosyo. Kung kukulangin ng pera ang negosyo kung sakaling bayaran ang mga nagtrabaho dito, senyales na ito na hindi maganda ang takbo ng negosyo.
Magpasyal sa www.colaycofoundation.com para sa karagdagang kaalaman.