* Unang lumabas sa Bulgar, ika-7 ng Hunyo, 2012.
Bilang pagpapatuloy ng nakaraang artikulo, gusto kong ibahagi sa inyo kung paanong kinukumpirma ni PNoy ang mga obserbasyon ni Mr. Pilling. Ayon kay P-Noy, “Noong nakaraang dalawang taon, sino ang nag-akala na may magkakainteres pala sa mga peso-denominated bonds, at hindi lamang yan, magiging doble pa pala kaysa sa inaasahan ang interesadong bumili niyon? Sino ang nag-akala na hindi na kakailanganin ngayon magbigay ng naglalakihang insentibo para hikayatin ang mga kumpanya, negosyante at investor na makipagtunggali sa isa’t-isa para makalahok sa ating mga proyekto? Sino ang nag-akala noon na isang taon na lamang ang bibilangin mula ngayon para tayo’y maging exporter ng bigas, siyempre maliban na lamang kung hindi maganda ang panahon?…”
“… Gaya ng makikita sa ating karanasan, kapag inalis ang kurapsyon, nagiging kaaya-aya ang kalagayan ng ekonomiya: isang ekonomiya na hindi lang nakakaakit ng mga investor, kung hindi ay nakakatulong rin sa pinakamaraming bilang ng mamamayan. Ngayong natanggal na natin ang baluktot na pulitikal na impluwensya na dating nakaugat sa ating social welfare programs, alam nating ang higit sa 3 milyong sambahayan na tumatanggap ng conditional cash transfer ay talagang ang pinakamahihirap na pamilya, at hindi mga pamilyang may kuneksyon lamang. Ngayon, alam nating tinataguyod natin ang 5.2 milyon na pinakamahihirap na pamilya sa pamamagitan ng Philhealth program – ang ating health insurance program.
“…Ito ang unang pagkakataon na naglaan ang gobyerno ng ganoon kalaking halaga para pagaanin ang buhay ng labis na naghihirap, at nagsusumikap rin tayong magbigay ng trabaho sa mga mamamayan. Ayon sa aming pagsasaliksik, mayroong tatlong sektor na may pinakamalaking epekto tungo sa pag-unlad ng bansa at ng nakararami: Agrikultura, Turismo, at Imprastraktura. Nakatanggap ang agrikultura ang dagdag na 51.3% na budget sa taong ito. Puspusan din naming sinusulong ang kampanyang “It’s More Fun in the Philippines”, pati na rin ang mas pinaluwang na patakarang panghimpapawid upang mas mapadali ang transportasyon sa bansa para sa ikabubuti ng turismo. Bukod pa sa mga nabanggit kong pagpapaganda ng ating imprastruktura, nakatakda tayong magsagawa ng 10 Publi-Private Partnership projects sa taong ito. Kasama dito ang pagpapatayo ng mga paaralan, at pagpapalawak ng sakop ng ating mga tren.”
“Dahil sa magandang pamamahala, nagiging posible ang pag-unlad ng nakararami. Ang pagiging matatag sa ating mga prinsipyo, pamumuno sa pamamagitan ng magandang halimbawa, at pagbibigay senyales na hindi kukunsintihin ang korupsyon – nagbibigay ito ng kumpiyansa sa ating bansa. Tapos na ang mga araw kung kelan ang binibigay ninyong pondo ( pondo mula sa ADB) ay tumatagas lang gaya ng tubig sa butas na timba. Patuloy kayong makakakita ng resulta; patuloy ninyong makikita ang Pilipinas bilang bansa na sa wakas ay umuunlad upang makamit ang tunay nitong potensyal. Handa kaming tutukan ang aming mga pangako, at kayo ay inaanyayahan na tingnan kung tumutupad kami sa aming salita…”
Base sa mga impormasyong nabanggit na sinasang-ayunan naman ng maraming negosyante, personal ko pa ring pinipili ang Pilipinas kaysa sa ibang bansa para sa aking mga investments. Mas gusto kong manatili sa mga propesyunal na fund manager kaysa sa gumawa ng personal na analisis dahil wala akong oras na sundan at pag-aralan ang merkado. Magandang opsyon ang mga mahuhusay na mutual fund, pati na rin ang ating KskCoop (www.kskcoop.com).
Pero isang babala: gaya ng lahat ng investment, walang garantisado. Dapat unawain ang inyong personal na sitwasyong pinansiyal at alamin ang panganib at limit ng inyong investment.