Kadalasan ay hindi rin tayo naniniwala na may magagawa tayo at nalalaman na lang natin na mayroon tayong kakayahan dala na rin ng mga halimbawa at sariling karanasan. Sa aking librong “Wealth Within Your Reach”, tinalakay ko ang tungkol sa procrastination o pagpapabukas bilang isa sa mga hadlang sa kalayaang pinansiyal. Ang kawalan ng kakayahang simulan ang isang bagay ay masasabing “sakit” na ng halos lahat ng tao pero dahil mga Pilipino tayo, tingnan na lamang natin ang sarili natin at alamin kung gaano ito kalaganap sa ating kultura.
Isinisisi natin sa mga Kastila ang ating “mañana habit” na karaniwang sinasasabing namana natin sa mga Espanyol pero sila nga ba ang may kasalanan at hindi mismong mga Pilipino? Mahigit 400 taon nang nakaalis sa Pilipinas ang mga Kastila. Paanong sila pa rin ang dapat sisihin sa kasalukuyang kalagayan natin? At kung patuloy man nilang isinasabuhay ang kaugaliang ito, pansariling problema na nila iyon. Ang dapat nating pag-ukulan ng pansin ay kung bakit nagpapatuloy ang ganitong hindi magandang ugali sa mga Pilipino.
Dahil kaya ito sa umiiral na klima sa ating bansa? Mainit at maalinsangan kaya kadalasan ay inaantok at nakakatulog tayo kapag nasandal ang likod. Heto at ibang bagay na naman ang sinisisi sa ating kalagayan sa halip na tingnan ang sarili.
Mapapansing nag-aalinlangan ang isang bata sa kanyang unang paghakbang pero madaling napapalitan ito ng kasiglahang gawin ang anumang bagay dahil wala itong takot. Isa pa, nakakatulong ang panghihikayat ng mga nakatatandang nakapaligid sa kanya. Subalit ang mga nasa hustong gulang ay mayroon nang “takot” na nararamdaman kaya nagiging mahirap magdesisyong sumubok ng isang bagay na hindi nakagawian. Halos araw-araw ay gumagawa tayo ng mga pangako at resolusyon ng pagbabago. Pero balewala ang lahat ng ito kung hindi tayo magsisimulang magbago.
Nakakalungkot isipin na tayo rin ang maaapektuhan kung palagiang ipagpapabukas ang pagsisimula ng isang bagay na sadyang mahalaga. Dahil kung talagang importante ito, palagiang naiisip ang bagay na ito at anumang bagay na bumabagabag ay nakabibigat at nagiging hadlang sa mga kinakailangang pagtuunan ng atensiyon.
Alam na ninyo na ang pangunahing hakbang sa pagpapaangat ng inyong buhay pinansiyal ay ang pagkakaroon ng Personal Financial Plan. Kung may plano, hindi ipagpapabukas ang paggawa ng anumang aksiyon. Ngunit kung mag-aatubili, paano makakakilos? Naniniwala ako na mainam ang pagkakaroon ng bukas na pananaw at pagkilos tungo sa hinaharap. Isipin na lamang ang kapakinabangan kung matitiyak ang kalagayang pinansiyal sa kasalukuyan. Mas magiging buo ang commitment na tuparin ang planong pag-angat kung nakasulat ito. Napag-alaman sa mga pag-aaral na ang mga planong isinusulat ay mas malamang na magtagumpay. Kaya, magsimula nang gawin ito!