ni: Francisco J. Colayco
*Unang lumabas sa Bulgar, ika- 2 ng Hunyo, 2012
Sa isang TV guesting kasama si Sharon Cuneta kamakailan lang, tinanong niya ako nang diretso.. “Bakit laganap ang matinding kahirapan sa Pilipinas?” Kung iisipin nga naman, nakakapagtaka talaga na nananatiling mahirap ang isang bansa na nag-uumapaw sa likas na yaman at puno ng makapagkalinga at talentadong mamamayan. Ang nakakalungkot na sagot dito ay nakalimutan na ata kasi natin ang ating “pagiging isang bayan”. Sinasabi pa nga ng iba na hindi sapat ang pagmamahal natin sa ating bansa. Sa mga nagdaang dekada, namayani ang pansariling interes kaysa sa ikabubuti ng nakararami at ng buong bansa. Ebidensya nito ang laganap na kurapsyon. Kinulimbat ng iilan ang yaman ng bansa.
Panahon na upang mahalin ulit natin ang ating bansa. At mukhang sa ilalim ng halimbawa ng “Matuwid na Bansa”, mukhang nagsisimula na tayong bumalik sa tamang landas.
Habang ipinagdidiwang natin ngayon ang ika-114 na taon ng Kalayaan ng Pilipinas, gusto kong ibahagi sa inyo ang ilang bahagi ng artikulo ni David Pilling na inilathala sa Financial Times noong ika-25 ng April 2012, at ng ilang bahagi rin ng talumpati ni P-Noy noong ika-4 ng Mayo 2012 sa Pambungad na Seremonya ng ika-45 na Taunang Pulong ng Asian Development Bank (ADB Board of Governance). Positibo ang sinasabi ni Mr. Pillings at Pnoy, hindi gaya ng naririnig natin sa mga nakaraang panahon.
Malayo-layo na rin ang ating narating at marami nang nangyayaring magandang pagbabago, at positibo ang ating pananaw sa mga investments. Ito ang aking ipinupunto. Kung hindi mo pa sinisimulan ang pag-iipon, baka mapag-iwanan ka at hindi ka makakasabay sa nagaganap na pag-unlad. Siyempre, walang garantiya pero laging mas nakakagaan sa loob ang magandang opinyon kaysa sa masamang opinyon. At isa pa, hindi ko sinasabing ilagay niyo sa isang investment lang ang lahat ng inyong ipon. Laging ikalat ang panganib (spread your risks). Pero, gaya ng lagi kong sinasabi, ilagay ang 10-20% ng kita sa mga investment at sundin ang formula na ito: Income – Savings = Expenses.
Sabi ni Mr. Pilling, “Magkano ang utang ng Pilipinas – ang bansang laging napag-iiwanan ang ekonomiya – sa International Monetary Fund? Ang sagot ay wala. Matapos ang ilang taon ng pangungutang, nagpapautang na ngayon ang Manila sa IMF… nakakabangon na ata ang Pilipinas sa wakas. Masyado pang maaga para makasiguro. Pero may mga matibay na ebidensyang ang bansang ito – na may batang populasyon nang halos 100 million, ang ika-12 na pinamalaking populasyon sa daigdig – ay umuunlad na. May matatag na pahiwatig ang gobyerno na hindi nila kukunsintihin ang kurapsyon. May mga naitatag na public-private partnerships para gumawa ng kalsada, riles, at planta ng kuryente na kinakailangan ng lumalagong populasyon. Medyo mabagal ang pag-unlad pero ginagalang ang legal na rehime sa bansa. Maraming ekonomista ang nagsasabing magkakaroon ng private investment boom dahil sa kaakit-akit na demograpikong sitwasyon ng bansa – kalahati ng mga Pilipino ay mas bata kaysa sa 25 taong gulang, at ang Pilipinas ang may pinakamatatag na mga bangko sa buong Timog-Silangang Asya…”
(Itutuloy)