Tag Archives: Cash loans philippines

SAVINGS BA ANG SSS, PHILHEALTH AT PAG-IBIG CONTRIBUTIONS MO?

And sagot ay OO.

Tuwing nagbabayad sa PhilHealth, para ka na ring nag-iipon dahil ang iyong kontribusyon ay ang iyong medical insurance premium. Dahil dito, naiibsan ang iyong gastusing medikal kapag nagpagamot kapag na-confine sa ospital. Importante na malaman ang mga dokumento na hinihingi ng ospital upang kilalanin nila ang iyong PhilHealth coverage. Siguraduhin rin na isumite agad ang mga dokumento isang araw bago mag-check-out. Kung hindi, maaring matagalan pa bago makapag-check-out. Tandaan na bawat oras na inilagi sa ospital ay nagpapalaki ng gastusin kaya’t siguraduhing makakalabas kaagad sa oras na pumayag ang doktor. Ang kanilang website ay www.philhealth.gov.ph .

Tuwing nagbabayad sa Pag-ibig, binibigyan mo ng pagkakataon ang sarili na magkaroon ng sariling bahay sa mas mababang halaga. Maraming mga real estate developers ang may kasunduan sa Pag-ibig kaya’t ang iyong loan para sa bahay ay agarang ihahain sa Pag-ibig, kung nasa ayos ang iyong mga dokumento.  Ang interest rates ng Pag-ibig ay nasa 6% para sa mga loans hanggang P400,000, 7% para sa mga loans sa pagitan ng P400,000 at P750,000, at 10.5% naman para sa mga loans sa pagitan ng P750,000 at 2 milyong piso. Maaring mag-alok ng in-house loan facilities (o sariling sistema ng pautang) ang ilang developers habang ang iyong Pag-ibig loan ay inaayos pa lamang. Intindihin nang maigi ang mga patakaran ng Pag-ibig dahil kapag hindi naaprubahan ang Pag-ibig loan, baka mapilitan kang tumungo sa in-house loan facilities ng mga developer o kaya’y sa mga commercial loan facilities (gaya ng mga bangko)… ngunit parehong mas mahal ang dalawang ito kaysa sa Pag-ibig. Ang website ng Pag-ibig ay www.pagibigfund.gov.ph.

Tuwing nagbabayad ka sa Social Security System o SSS, unti-unti kang naghahanda para sa iyong pagreretiro. Bukod pa riyan, nagbibigay ang SSS ng salary, emergency, calamity loans pati na rin ng loans para sa pabahay at negosyo. Maaari ring makinabang sa mga benepisyo para sa karamdaman, pagbubuntis, kapansanan, kamatayan, at libing. Ang website ng SSS ay www.sss.gov.ph.

Mahalagang kunin ang mga sertipiko o katibayan ng mga kontribusyon sa Philhealth, Pag-ibig, at SSS. Dahil kapag bumitiw ka sa iyong kumpanya, maaring hindi mo ito mapakinabangan sa panahon ng pangangailangan. Nagbibigay ang mga kumpanya ng mga sertipiko at kailangan mo iyong itago kasama ang mga mahahalagang dokumento.

Hindi Maipagpatuloy Ang Paghuhulog

May nagtanong tungkol sa suliranin ng ating mga kababayan tungkol sa pabahay. Ano ang dahilan kung bakit marami ang hindi nakapagbabayad ng buwanang hulog o amortization?

Mayroong ilang kadahilanan na sa aking palagay ay sanhi ng pagkabigo ng iba na maipagpatuloy ang pagbabayad ng hulog sa biniling ari-arian.

Una, hindi talaga nila kayang bayaran ang biniling ari-arian. Hindi nila marahil lubusang naunawaan at pinag-aralan ang kakaharaping pagbabayad na nakapaloob sa pinirmahang kontrata. Posibleng may pera silang pambayad ng downpayment pero hindi nila naisip ang tunay na gastusin para sa mga dokumento, buwis at interes. Anumang pagbabayad nang hulugan o installment ay isang transaksiyon ng pangungutang. At anumang utang ay tiyak na may patong na interes.

Hinayaan nilang makumbinse sila na lubha nilang kailangan ng sariling bahay na kung tutuusin ay hindi pa nila kayang bilhin. Ang totoo, may mga kamag-anak na nagsasamantala para makatira nang libre lalo na kung ang bumili ng bahay ay nagtatrabaho sa ibang bansa.

Maaaring bigla silang nawalan ng hanap-buhay at wala nang regular na kita para maipagpatuloy ang pagbabayad o di kaya ay nagkaroon ng malubhang sakit na kinailangang pagkagastusan ang pagpapagamot.

Umasa silang matapos makabayad ng paunang hulog (downpayment) ay magagawa nilang paupahan ang bahay o ipagbili ito nang may tubo bago pa man dumating ang panahon ng buwanang paghuhulog.

Binili nila ang bahay kahit pa ang kanilang pamilya ay nanatili pa ring nakatira sa kasalukuyang tirahan. Siguro ay nakalimutan nila na ang tinitirhan nilang bahay ay mangangailangan din ng pagkukunpuni at pagmamantine na makakaapekto sa kanilang budget.

Ang isang panghabambuhay na pangarap ang pagkakaroon ng sariling bahay. Tunay ngang maganda ang pagnanais na makamit ito lalo na sa mga wala pang sariling tirahan. Ngunit dapat ay maging responsable ang sinumang nagbabalak na abutin ang pangarap na ito. Mayroon din hindi nakukuntento. May sarili nang bahay ay gusto pa ng mas malaki at mas maganda. Bagama’t walang masama rito, dapat ay masusing pag-aralan ang lahat ng aspeto.

Sinumang hindi makapagbabayad ng buwanang hulog ay mapapatawan ng multa at karagdagang interes maliban pa sa regular na interes nito.  Hindi magtatagal ay lolobo ang pagkakautang hanggang sa hindi na ito kayang bayaran.

Sa mga taong nasa ganito nang sitwasyon, huwag agad susuko at pag-aralan ang problema. Kuwentahin kung kaya mong habulin at bayaran ang mga naipong monthly amortization na di nahulugan. Subukang makipagnegosasyon sa developer kung maaari nilang alisin ang ipinataw na multa at dagdag na interes. Humanap din ng mga posibleng bibili ng bahay kahit pa sa mas mababang halaga. Mas mainam na ito kaysa mabalewala ang lahat na naunang ibinayad.

Basics of Investing Webinar for Free

Kapatiran sa Kasaganaan Service & Multi-Purpose Cooperative (KsKCoop) and Colayco Foundation for Education, Inc. (CFE), in partnership with  First Metro Securities Brokerage Corporation (FirstMetroSec) and ProFora Media Solutions, Inc. present BASICS OF INVESTING WEBINAR on October 28, 2011, 6pm to 8pm (Philippine Time). This seminar on the web is for FREE.

Speaker:  Mr. Armand Q. Bengco
Executive Director, Colayco Foundation for Education, Inc. and
General Manager, Kapatiran sa Kasaganaan Service & Multi-Purpose Cooperative

Click here to register:  https://www3.gotomeeting.com/register/885834158

Description:

Investments with fixed and guaranteed returns?
Investments that are insured?
Investments that grew 20% the past 5 years?
Investment that grew over 60% last year, 2010?

In this webinar, we will answer the what, where, when, why and how of investing.  The most common consideration of an individual in investing is the “KITA” (return or yield).  But there are 3 things to consider when you are investing.  Of equal importance to “KITA” are RISK/SAFETY and LIQUIDITY.

We will try to make the concepts simple and easy to understand.  Join this webinar and ask your family and friends to join you in attending this webinar.

Outline of Basics of Investing

– Basic Rules in Investing
– Keys in Investing
– Types of Investments
– Investment Clock
– Different Investment Strategies

Please take note that after you register in this webinar thru https://www3.gotomeeting.com/register/885834158,  you will receive an email with a link.  At least a day before, you will also receive a reminder about the webinar.  To join the webinar, you don’t need a username or a password.  All you need is to click the link and an application will automatically be loaded.  Please make sure you have a fast Internet connection.  Just wait until the application is downloaded completely and it will lead you to a chatbox and another window where you can view the powerpoint presentation.  In case you encounter problems, please email webinar@colaycofoundation.com or you may communicate with us thru Francisco Colayco’s Facebook.  We highly suggest that you enter the room at least 20 minutes before the specified time.

For more information visit http://www.colaycofoundation1.com/free-basics-of-investing-webinar-on-oct-28/.  Or you may email webinar@colaycofoundation.com.

Ang Kuwento ni Eva na Lubog sa Utang (Part 3)

Nang habulin na ng mga bangko si Eva dahil sa kanyang mga utang, hindi siya nangamba dahil alam niya makababayad siya mula sa kita ng kanyang negosyo. Ngunit nagkaroon siya ng panibagong problema. Nagsimula nang maghinala at magsuspetsa ang kanyang asawa kung saan napupunta ang kita ng negosyo. Nagpasiya si Eva na bumili ng lote sa pamamagitang ng pangungutang sa isang kaibigan sa interes na 4% kada buwan. Balak niyang magtayo ng apartment na paupahan ngunit wala na siyang sapat na pondo para ipatayo ito. Pumasok siya sa isang kumplikadong plano sa pagbuo ng pondong kailangan niya. Nanghiram si Eva ng pera mula sa kanyang mga pauupahin sa gagawing apartment. Nagbigay naman ang mga ito nang walang interes sa kasunduang ipauupa niya ang apartment sa kanila nang libre sa loob ng isang taon.

Napag-alaman ng mga nauna nating binanggit na taong nangutang kay Eva ang kanyang ginawa . Kinumbinse siya ang mga ito na muli silang tulungan at nangakong magbabayad sa kanya kapag sila ay kumita. At gaya ng dati, para bang na-hypnotize ng mga ito si Eva at pumayag naman siyang tulungan ang mga ito. Masyadong kumplikado ang kuwento ni Eva at puputulin ko na sa puntong ito dahil ang kasalukuyan niyang problema ay wala nang kaugnayan sa mga tinatalakay nating detalye.

Sumulat sa akin si Eva upang hingin ang aking tulong na makakuha siya ng isang malakihang utang para mabayaran ang lahat ng kanyang pagkakautang nang hindi nalalaman ng kanyang asawa. Ikinalulungkot kong wala akong maisip na paraan para makahiram siya ng pondo kung hindi ipagbibigay-alam sa asawa ang kanyang gagawin. Hindi ko pa rin maunawaan kung paano siya nakakautang sa bangko gamit na kolateral ang kanilang bahay at lupa na hindi hinihingi ang pagsang-ayon ng kanyang mister. Labag ito sa batas. Lahat ng pautang sa mag-asawa ay kailangang pirmahan at aprubahan ng mister at maybahay.

Ano ang mga aral na matututunan sa mahabang kuwentong ito ni Eva?

1). Una, hindi mo maaaring maibahagi ang anumang bagay na wala ka. Gustong makatulong ni Eva sa kanyang mga kaibigan hanggang sa puntong isakripisyo niya ang kinabukasan niya at ng kanyang pamilya.

2). Usapang pangpamilya ang pera. Itinago ni Eva sa kanyang asawa at mga anak ang lahat ng kanyang mga transaksiyon. Hindi ito mainam lalo pa at nalagay sa alanganin ang kanyang pamilya dahil sa kanyang mga desisyon.

3). Ang kasakiman ay nagtutulak sa ating kumilos nang pabigla-bigla at walang pag-iingat. Dapat ay naging kuntento na si Eva sa kanyang kinikita at hindi na pumasok sa mga negosyo at transaksiyong walang katiyakan.

4). Pag-aralang tanggapin ang pagkatalo at humanap ng paraan para makaangat muli. Ang pamumuhunan sa isang hindi kumikitang negosyo ay “pagtatapon at pagsasayang ng salapi.”

5). Pinakahuli, matutunang sumagot ng “HINDI.”

Ang Kuwento ni Eva na Lubog sa Utang (Part 2)

Nagpautang si Eva nang may patong na 5% interes kada buwan sa mga taong hindi nagsipagbayad sa kanya. Ini-refer niya ang mga ito sa isa pang nagpapautang na nagpatong naman ng 6% interes kada buwan at itinalaga pa si Eva bilang guarantor ng mga pautang na ito. Sumang-ayon si Eva sa ganito dahil inakala niyang ito ang paraan para siya mabayaran ng mga nangutang sa kanya. Sa kasamaang palad, walang bumalik para magbayad.

Natural lamang na si Eva ang pagbayarin sa mga pagkakautang dahil siya ang tumatayong guarantor ng mga ito. Dahil isa siyang mabuting tao at ayaw niyang sirain ang kasunduan sa kanyang paggagarantiya sa pautang, binayaran ni Eva ang mga salaping ipinahiram ng mga nagpautang.

Paano siya nakakuha ng pondong magagamit sa pagbabayad? Isinanla ni Eva ang ilan sa kanyang mga ari-arian sa interes na 2.5% kada buwan para lamang makapagbayad sa kompromiso. Napag-isip-isip niya na mas mababa ang 2.5% buwang interes kaysa 6% kada buwan na ipinapataw sa kanya bilang guarantor ng mga pautang.

Di nagtagal, nakaisip ng paraan ang kanyang mga pinautang upang kumita para makapagbayad ng pagkakautang sa kanya. Nakiusap sila kay Eva na kung maaari ay tulungan silang makapagnegosyo nang may tiyak at malakihang kita. Hindi maunawaan ni Eva kung bakit siya nagpadala sa mga pakiusap sa kanya. Sadya sigurong maunawain si Eva, may “pusong mamon” at nakatuon ang pansin sa posibilidad na makapaningil ng kanyang mga pautang sa kahit anong paraan. Dahil dito, hindi nakatanggi si Eva at muling pinahiram ng pera ang mga ito. Nangutang siya sa isang bangko at ginawa pa niyang kolateral ang kanyang bahay. Ayon kay Eva, nagsimula naman siya sa kanyang negosyo sa pamamagitan ng pangungutang sa bangko gamit na kolateral ang bahay niya. Umunlad naman siya sa ganitong paraan at nagawa niyang bayaran ang mga naunang utang niya sa bangko. Umasa siyang magiging ganito rin ang kapalaran ng kanyang mga tinutulungang mangutang.

Ngunit hindi ganito ang nangyari. Hindi naging matagumpay sa distribution business ang kanyang mga pinautang. Hindi kumita ang mga ito at hindi siya magawang bayaran. Nakapanlulumo pang malaman na inilagay niya ang negosyo sa pangalan ng mga nangutang sa kanya kasama na ang isang blankong deed of sale sa kanya. Nasa pangalan ni Eva ang mga utang sa bangko pero ang negosyo ay nasa pangalan ng mga mangungutang. Nakapatong pa sa kanyang balikat ang pagbabayad ng buwanang amortization sa bangko dahil ayaw niyang masira ang kanyang pangalan at credit rating. Malakas ang loob niyang manghiram sa bangko dahil alam niyang kumikita ang kanyang negosyo.

Tama lamang na mapag-isip-isip ni Eva kung saan siya nagkamali – malambot ang kanyang puso at laging gustong makatulong sa ibang tao. Walang masama sa pagtulong. Ngunit dapat din niyang maisip na “hindi mo maibabahagi sa iba ang anumang bagay na wala ka.” Dahil kung magpapatuloy ang ganitong kaluwagan sa pagpapautang, darating ang panahong siya mismo ay babagsak at hindi na niya magagawang makatulong sa iba. Sa pagnanais niyang tumulong, hindi na niya inisip ang sarili niyang kapakanan. Malalaman natin ang mangyayari kay Eva sa susunod pang artikulo.

Ang Kuwento ni Eva na Lubog sa Utang (Part 1)

Ang ibabahagi kong kuwento sa inyo mula ngayon hanggang sa mga susunod na tatlong artikulo ay batay sa tunay na sitwasyon. Sa unang tingin ay parang hindi totoo pero inilahad ito sa akin kaya naniniwala akong nangyayari ito sa totoong buhay at nararanasan ng karamihan. Bahagya kong papalitan ang ilang detalye gaya ng uri ng negosyo, lokasyon at pangalan para protektahan ang katauhan ng sumulat. Subalit magiging batayan pa rin ng mga artikulo ang kanyang ipinadalang liham kung saan niya inilahad ang kanyang kuwento. Alam kong makikilala ng mga mambabasa ang kani-kanilang sarili sa ilang bahagi o sa kabuuan ng mga pangyayari. Natitiyak kong lahat tayo ay may mga matututunang aral mula sa kanyang karanasan. Ang gagawin kong paglalahad ay ayon na rin sa kung paano niya ito ikinuwento sa aming pagpapalitan ng email.

Si Eva ay mula sa lungsod ng isang lalawigan. May sarili siyang bahay at lupa at aktibo sa retail distribution business. Maganda ang kanyang kita sa pinasok na negosyo pero ang problema niya ay ang kanyang pagkalubog sa utang. Nagsimula ito nang may mga lumapit sa kanyang tao para humiram ng pera. Dahil nga may hawak naman siyang pera at kumikita ang negosyo, naengganyo si Eva na magpautang sa interes na 5% kada buwan. Naisip niyang tama lamang ang ipinapatong niyang interes sa pautang dahil may mga iba na nagpapahiram nang “five-six.” Naging maganda naman ang takbo ng kanyang pagpapautang dahil nagbabayad sa takdang panahon ang mga humiram. Dahil dito, dinagdagan ni Eva ang pondong ipinapautang. Sa kalaunan, masyado nang malaki ang kanyang naipahiram at hindi na makabayad ang mga nangutang sa kanya.

Sa halip na tanggapin na lamang ang kanyang pagkalugi, naisip ni Eva na mas mainam kung irerekomenda niya sa ibang nagpapautang ang kanyang mga kliyente para makabayad ang mga ito sa kanya. Pumayag naman ang panibagong nagpapautang pero mas mataas kaysa 5% interes ang ipinatong nito at ginawa pang guarantor si Eva.

Bago natin ipagpatuloy ang kuwento ni Eva, pag-aralan natin ang mga naging desisyon ni Eva. Kung maganda ang takbo ng negosyo niya, bakit siya nalubog sa utang? Ang pagkakaroon ng magandang kita sa negosyo ay karaniwang nagreresulta ng mabilisan at tiyak na pagbabayad ng mga pagkakautang. Habang lumalaki ang negosyo, natural lamang na kakailanganin pa ring manghiram ng pondo. Kailangan lang tiyakin na mas malaki ang kinikita ng negosyo kumpara sa interes na binabayaran sa utang.

Mainam ang pagpapahiram ng pera kung nakapagbabayad ang mga pinautang. Sana pinag-aralan muna ni Eva bago siya nagpautang sa unang pagkakataon. Pero posibleng kalaunan ay naging “greedy” at ninais niya ng malakihang kita kaya siya nagpahiram nang malaki na hindi muna inaalam kung may kakayahang magbayad ang mga kliyente. Dapat pag-ingatan ang ganitong pagnanais ng sobrang malakihang kita.

Malaking pagkakamali ang naging pasiya ni Eva na irekomenda sa ibang nagpapautang ang kanyang mga kliyente na alam naman niyang walang kakayahang magbayad. Mas mabigat ang pagpayag niyang maging guarantor ng mga ito. Kabisado ng nagpapautang ang pagpapatakbo ng kanyang negosyo kaya mas mataas ang itinakda niyang interes at ginawa nitong guarantor si Eva ng mga inirekomenda niya.

Ipagpapatuloy ko sa susunod na artikulo ang paglalahad sa kung ano ang nangyari sa mga pinautang ni Eva at ang kinahinatnan ng kanilang hiniram na pera sa bagong nagpautang.

Addict sa Shopping

Ang pamimili ba o shopping ay isang addiction para sa kababaihan?

Sa aking palagay, masyadong sexist o pabor sa kabilang kasarian ang pananaw na ito dahil kahit kalalakihan ay maaaring maging addict sa pamimili.  Natural lang na ang kababaihan ang mas malimit mamili sa supermarket o kailangang magpunta sa mall para sa ibang bagay kayat sila tuloy ang napagbibintangan.

Sang-ayon na rin sa kaalaman ng aking maybahay tungkol sa kababaihan, may mga babae na:

–           nasa sistema “genes” na mula sa kapanganakan ang pamimili at paggastos

–           natututo sa kanilang nakikita sa TV o babasahin o ibang babae

–           nababagot kaya ginagamit ang shopping bilang outlet

–           sadyang mahilig maghanap ng magagandang mabibili.at “sale”

Mapapansin na may mga bata rin na sa murang edad pa lamang ay mahilig na sa mga magagandang damit, sapatos at iba pang mamahaling bagay. Kadalasan, pipiliin ng mga batang ito hanggang sa kanilang paglaki ang madalsa na pamimili dahil sa ganitong paraan nila natutugunan ang kanilang mga interes o “curiosity”.

Kung mahilig ding mag-shopping ang kanilang mga magulang, mas lalo pa nilang kahihiligan ang ganitong “inborn trait.” Kung walang hilig ang mga magulang sa pamimili, mas malaki ang tsansang hindi makikilala ng mga bata ang gawaing ito.

May mga babae kasi na sa sobrang pagkabagot sa bahay ay nagiging paboritong pampalipas oras ang window-shopping sa mga mall lalo pa ngayong panahon ng tag-init. Katwiran nila, nag-iikot sila sa mga pamilihan para maghanap ng mga mura, bargain sale, atbp.

Hindi ako isang psychiatrist kaya hindi ko alam kung ano ang mga siyentipikong paliwanag sa pagiging “shopaholic” ng isang tao. Pero gagamitin ko ang aking sentido komon (common sense) sa pagbibigay-payo.

Para sa mga babaing gustong itigil ang kanilang pagkaadik sa shopping, pinakamainam na simula ang itigil na ang paggamit ng credit card at magdala lamang ng sapat na halagang cash sa araw-araw. Sa ganitong paraan, hindi matutuksong bumili kahit pa napakalakas ng temptasyon. Ikalawa, kailangang tanggapin ng isang tao sa kanyang sarili na isa na siyang “shopaholic”. Ikatlo, mahalagang maging seryoso ang pagnanais na itigil ito at hangga’t maaari ay magkaroon ng target na panahon. Higit sa lahat, dapat pag-usapan ito ng buong pamilya.

Dapat maging bahagi ang asawa at mga anak na proseso ng pagbabadyet. Mahalagang linawin kung magkano ang kinikita ng pamilya para malaman na hindi kakayaning bumili ng mga bagay na hindi kailangan. Sa ganitong paraan, maiisip ng bawat miyembro na malalagay sa alanganin ang pag-iipon ng pamilya kung hindi susundin ang budget. Gamitin ang pormulang ito: Income minus Savings equals Expenses (Kita bawasan ng Ipon ay Gastusin).  Sana ay may “Vacation Fund” rin na kung saan ang mga extrang naipon ay ilalagay para lahat ay magtutulungan na bawasan ang gastos.

Pagsikapang magdagdag ng kaalaman tungkol sa usaping pinansiyal. Dumalo sa mga seminars ng Colayco Foundation.  Pumunta sa aming website http://www.colaycofoundation1.com/calendar.

Mas Maingat sa Pamumuhunan ang Kababaihan

Talaga bang mas konserbatibo ang kababaihan kaysa mga lalaki pagdating sa pamumuhunan?

Ayon sa mga pag-aaral, takot ang mga babae na mamuhunan. Subalit ito ay sa pangkalahatang usapan lamang dahil hindi maitatanggi na may mga babae na handang humarap sa malalaki at mabibigat na panganib. Katunayan, ipinakikita sa mga survey na mas maraming babae ang nabibiktima ng mga scam kaysa kalalakihan.

Konserbatibo man o matapang sumugal ang kababaihan, ang tunay na isyu ay kawalan ng sapat na impormasyon. Ang mga konserbatibo ay karaniwang takot dahil hindi nila alam kung ano ang mga dapat gawin at kung paano nila gagawin ang pamumuhunan. Nagiging kampante na lamang sila sa kung ano ang kanilang nalalaman.Nakakalungkot isipin na itinuturing nilang pinakaligtas na paraan ang pagtatago ng pera sa ilalim ng kama, sa unan, o sa anumang sisidlan na itatabi sa isang sikretong lugar sa bahay. Kung baga, ito ang kanyang alkansiya. Marahil nga ay ligtas ito, hanggang walang nakakadiskubre ng pinagtataguan. Kadalasan pa ay nabibisita lang ang alkansiya kung maghuhulog o magdadagdag ng perang ipon. Kung hindi magiging regular ang pagbilang, posibleng unti-unti na itong nababawasan nang hindi niya namamalayan hanggang sa maging huli na ang lahat. Maaaring isang miyembro ng pamilya o di naman kaya ay katulong sa bahay ang kumuha nito. Sinuman ang gumawa ng ganoon ay hindi tuluyang masisisi dahil nandoon lamang sa paligid ang tukso.

Sa ganitong sitwasyon ng pag-aalkansiya, nawawala ang oportunidad na madagdagan ang pera habang nag-iipon kahit pa sabihing maliit na halaga lamang ang naitatabi. Idagdag pa rito ang posibilidad na mawala o manakaw ang inipong pera. Kailangang baguhin ng kababaihan ang kanilang pananaw tungkol dito.

Ang isa pang pinakaligtas na paraan para sa kababaihan ay ang pagbubukas ng savings account o time deposit account sa bangko. Dito, ligtas ang pera at nakaseguro hanggang sa halagang P500,000 sa ilalim ng Philippine Deposit Insurance Corporation o PDIC. Kumikita pa ito ng kaukulang interes.

Mas nangangailangan ng panahon at lakas para naman matutunan ang iba pang uri ng pamumuhunan gaya ng Mutual Funds, UITFs, Treasury Bills/Bonds, atbp. Marahil, mas mainam kung kapwa maglalaan ng oras ang mag-asawa para mapag-aralan ang tungkol sa mga ito mula mismo sa mga institusyong nagkakaloob ng ganitong klase ng investment. Ako mismo, hindi ko lubusang maipapaliwanag lahat dahil bawat institusyon ay mayroong kani-kaniyang tuntunin. Maaaring mag-email sa akin sa info@colaycofoundation.com kung nais makuha ang kanilang mga address at numero ng telepono.

Samantala, ang mga nag-aalok ng di legal na pamumuhunan o mga scams ay matiyaga at agresibo sa pag-aalok ng kanilang mga produkto. Dahil nga mga babae ang kadalasang naiiwan sa bahay o may panahon, mas naeengganyo silang makinig sa mga ganitong alok. Dala na rin ng di sapat na kaalaman, maraming babae ang naaakit sa ipinapangakong malaking kita at bago pa nila mamalayan ay nabiktima na sila.

Dalawang Araw na Hindi Tayo Dapat Mangamba

Sa dami ng mga problema sa mundo, gusto kong ibahagi ang isang email na aking natanggap. Isinulat ito ni Swami Avadhutananda sa Ingles.  Mahalagang maunawaan ito hindi lamang dahil sa nakasaad na aral kundi pati na rin sa implikasyon nito sa personal na buhay pinansiyal ng isang tao. Ito ang kanyang sinabi na isinalin sa Tagalog:

“May dalawang araw sa bawat linggo na hindi tayo dapat mangamba,

dalawang araw na dapat ay panatilihing malaya sa pagkatakot at pag-aalala.

Isa sa mga araw na ito ang Kahapon na kalakip ang lahat ng pagkakamali at pag-aalala, mga pagkukulang at pagkadapa, mga kirot at sakit.

Lumipas na ang Kahapong hindi na kayang pigilin habang-panahon.

Lahat ng pera sa mundo ay hindi maibabalik ang Kahapon.

Hindi na mababawi anumang kilos na ginawa;

hindi na mabubura anumang nasabing salita.

Ang Kahapon ay lumipas na magpakailanman.

Isa pang araw na hindi natin dapat pangambahan ay ang Bukas

na maaaring may dalang hirap, mabigat na pasanin,

marangyang pangako at hindi kaaya-ayang gawain.

Hindi rin natin hawak ang Bukas.

Sisikat ang araw ng Bukas, na maaaring maging maningning o di kaya ay natatabunan ng mga ulap, ngunit sisikat pa rin ito.

Hanggat hindi pa dumarating ang Bukas, hindi natin malalaman kung ano ang magaganap.

Ang tanging mayroon tayo ay ang Ngayon,

Sinuman ay kayang makipaglaban at harapin ang isang maghapon.

Kapag minarapat natin pinag-ugnayin ang mga kabigatan ng dalawang malungkot na walang hangganan ng Kahapon at ng Bukas, ay saka tayo malulugmok at babagsak.

Hindi ang karanasan ng Ngayon ang nag-aalis ng katinuan ng isang tao,

kundi ang pagsisisi o kapaitan ng karanasang naganap sa Kahapon at ang pangamba sa kung ano ang hatid ng Bukas.

Kayat tandaan na mabuhay ng NGAYON sa bawat araw.”

“Let us live but one day at a time.”

May katotohanan ang lahat ng sinabi ng awtor. Dapat tayong kumilos nang walang pangamba sa mga bagay na wala na tayong magagawa. Kung susuriin, ang mabuhay sa Ngayon ng bawat araw ay sumusuporta sa aking prinsipyo na ang tao ay kinakailangang paghandaan araw-araw ang kanyang pagreretiro. Kung hindi, habang siya’y tumatanda, hindi maiiwasang katakutan niya ang pagdating ng Bukas na hindi niya napaghandaan. At kapag nasimulan na niyang mangamba dahil sa kawalan ng preparasyon, mararamdaman niya ang pagsisisi na hindi niya nagamit sa paghahanda ang kanyang panahon nung Kahapon na siya ay bata pa.

Ang kailangan lamang ay ang pagtatabi ng maliit na halaga bawat araw at ang pamumuhunan sa long term investment na hindi gagalawin ang naipamuhunan. Kahit pa sabihing mahirap ang kasalukuyang panahon, ituloy ang pag-iimpok ng 20% ng iyong kinikita. Sikaping mabuhay na pinagkakasya ang 80%. Mamuhunan sa mga investment funds na mahusay na pinangangalagaan pero gawin ito kung hindi mo kakailanganin ang inipong pera sa loob ng tatlo hanggang limang taon.

Pagtatatag ng institusyong pinansiyal

Nagpadala ng e-mail si Andy. Ang sabi niya:

Bakit hindi kayo magtatag ng isang institusyong pinansiyal na magbibigay ng tiyak na 12% kita para magkatotoo ang sinasabi ninyong P1,000 ipon kada buwan na may 12% interes sa loob ng isang taon? Lagyan ninyo na rin ng P2,000 hanggang P5,000 kada buwan na ipon o higit pa. Gawin ninyong totoo ang mga ideya ninyo. Hindi puwedeng puro salita lang. Walang ganitong pamumuhunan sa merkado sa mga panahong ito. Para maengganyo ang mga tao na mag-ipon at nang hindi na maging biktima ng mga scam. Pakikinabangan ito ng mga nasa underground economy tulad ng mga cigarette vendor, jeepney driver, market vendor, construction workers, janitors, messengers, mga katulong at iba pang may mababang kita. Para naman mabigyan sila ng pagkakataong umangat. Sa ngayon kasi, mga may pera lang ang pinagsisilbihan ng mga institusyong pinansiyal. Magiging mahirap ito para sa inyo sa ngayon dahil sa dami ng mga alituntunin, regulasyon at batas na dapat bigyang konsiderasyon, Pero isang malaking hamon ito sa inyo.

Ang sagot ko:

Para magarantiyahan ang anumang tiyak na kita, kailangang magkaroon ng siguradong pagkakakitaan para mabayaran ang ipinapangakong tubo. Tanging ang gobyerno lamang ang puwedeng magbigay ng absolute guarantee dahil ito lang ang may kakayahang magimprenta ng pera. Iyong mga nangangako ng tiyak na kita ay nagbabatay lang sa kung ano ang tiyak na mapagkakakitaan ayon sa kanilang paniniwala. Pero ang ganitong garantiya ay hindi lubusan. Kapag bumagsak ang negosyo, hindi matutupad ang mga ipinangakong tubo. Ito ang delikado sa namumuhunan nang malaki dahil walang katiyakang mananatili siyang may trabaho.

Mayroon ding iba na nagbibigay ng garantiya kahit walang sapat na batayan. Ito ang mga manloloko na karaniwang nagtatagumpay dahil malaki ang iniaalok nilang kita kaya marami ang naeenganyong pasukin ang kanilang pamumuhunan kahit delikado ang mga ito. Ang mga nabibiktima ay mga taong gusto ang biglaan at mabilisang kita. Hindi nila naisip na walang madali sa mundong ito. Kung gustong yumaman, kailangang pag-aralang mabuti kung paano ito gagawin. Nangangahulugan ito ng pagpapatupad ng mga alituntunin para maingatan ang mga risks sa pamamagitan ng panahon, compounding at tamang alokasyon ng mga asset.

Layunin ng aming institusyon na ituro ang kaalamang pinansiyal at ang mga binanggit mo ay natutugan ng mga nalathalang libro.

May mga institusyong pinansiyal para sa malakihang puhunan gaya ng sinasabi mo. Pero wala sa mga ito ang kayang magbigay ng garantisadong kita.