Itinatakda ng tradisyon na ang sistema ng pamilyang Pilipino ay nakasentro sa ina (matriarchal). Nakapagtataka kung bakit kahit pa ang ama na sinasabing haligi ng tahanan ang siyang inaasahang kumayod upang buhayin ang pamilya, karaniwang ang desisyon pa rin ng ina ang sinusunod. Ilang henerasyon na ang kumikilala sa ganitong kalakaran. Marahil ay dahil ito sa paniniwalang mas matagal ang buhay ng mga babae kaya ang nakikita ng mga anak ay ang pagsusumikap ng ina na buhayin sila matapos mamayapa ang ama. Maaari ring ang ina ang mas madalas na namamahala sa tahanan dahil ang ama ay nasa labas at naghahanap-buhay. Katuwiran nga, tutal ay panggastos sa bahay ang malaking bahagi ng kinikita ng lalaki, kalimitang babae naman ang bahalang magbadyet nito para sa mga pangangailangan ng buong pamilya.
Nakasanayan na sa maraming lugar sa mundo na ang mga magulang na nagretiro na ay namumuhay nang sarili gamit ang kanilang mga pensiyon. Pero sa Pilipinas maging sa ilang bansa sa Asya, umiiral ang extended family system kung saan pinapayagang umasa sa mga anak ang mga magulang na wala nang kapasidad magkaroon ng sarili nilang kita. Ang totoo, ang ganitong sistema ay mabigat para sa anak na babae lalo na sa manugang na babae. Bukod sa pakikisama, mas mahirap para sa kanila na balansehin ang kinikita at ang mga gastusin ng pamilya.
Naniniwala ako na hindi dapat balikating mag-isa ng mga maybahay ang ganitong responsibilidad. Dapat ay maging kabahagi nito ang asawa, mga magulang, mga anak at lahat ng naninirahan sa iisang bubong. Ang ama ang dapat na magtakda ng alituntunin na “Sangkot ang buong pamilya sa usaping pinansiyal.”.
Bago pa man ang paghaharap-harap at pag-uusap na ito, kailangang ayusin ng mag-asawa ang badyet ng pamilya sa isang paraan na mauunawaan ng lahat. Ipakita na ang KITA bawasan ng IPON ay mag-iiwan ng PANGGASTOS. Sa madaling salita, mahalagang malaman ng lahat kung magkano ang dapat itabi bago gumastos. Ngunit gawing malinaw lalo na sa mga anak na ang itinatabi o iniipon ay para sa pagreretiro ng mag-asawa at hindi para gastahin ng sinuman. Nasa pagpapasiya ng mag-asawa kung hindi nila idedeklara ang lahat na aktuwal nilang kinikita. Pero kailangang maging maliwanag na pinaglalaanan ng mag-asawa ang kanilang pagreretiro para hindi sila umasa sa mga anak sa kanilang pagtanda. Maging maingat lamang sa mga sasabihin lalo na kung kaharap sa pag-uusap ang mga biyenan na kasama sa bahay. Tiyaking alam nila na tinatanggap ninyo ang kanilang pagtira sa bahay at kailangan ninyo ang kanilang tulong bilang miyembro ng pamilya.
Hangga’t maaari, gawing detalyado ang badyet at ihiwalay ang mga PANGANGAILANGAN sa listahan ng mga luho o DI KAILANGAN sa mga gastusin. Isama sa talaan ang mga hindi buwanang gastusin gaya ng edukasyon, buwis o amilyar, bayad sa mga hinuhulugan, alokasyon sa emergency, pagmamantine ng bahay at sasakyan, atbp. Kailangang makibahagi ang bawat isa sa paggagawa ng badyet. Dapat magbigay ng kontribusyon sa panggastos (Cash In) ang sinumang may kinikita. Ang mga walang trabaho ay kailangang magsabi kung paano sila magtitipid para mabawasan ang mga gastusin (Cash Out).