by: Francisco J. Colayco
*Unang lumabas sa Bulgar noong ika-6 ng Agosto, 2009
Sir, puwede ho ba na i-explain n’yo ang differences between uitf at mutual fund? Saka anu-ano bang companies under mutual fund ang maire-recommend n’yo na puwedeng pagpilian na subok na? At paano ang proseso nito gaya nang minimum amount na puwedeng i-place? Paano kami mag-a-apply at paano kikita ‘yung pera namin?
Ang sagot ko:
May dalawang taon nang nakaraan nang ipinaliwanag ko ang Mutual Fund (MF) at Unit Investment Trust Fund (UITF) dito sa Bulgar. Bumaba, umakyat, bumaba muli, akyat-baba at ngayon tumataas na naman ang halaga nang mga ito.
Ang MF at UITF ay mga kumpanyang nagbebenta ng kanilang mga parte or shares sa mga namumuhunan. Ang perang napagbentahan ng mga ito ay ipinambibili muli ng piling-piling mga seguridad, stocks at iba pang ari-arian ng mga fund manager o tagapamahala ng pondong may sapat na karanasan sa pamumuhunan. Binibigyan ng mga MF at UITF ang mga maliliit na namumuhunan ng pagkakataon na mailagak ang pera nila sa mga negosyong nagbibigay ng mas malaking tubo o ‘di kaya interes. Sa ganitong paraan, napadadali para sa mga kaunti lang ang kapital na mamuhunan sa mga merkadong pinansiyal, sa mas maraming uri ng negosyo imbes na sa iilan lang.
Halimbawa, kung P5,000 lang ang kapital at ikaw mismo ang mamimili sa stock market, malamang ay kakaunting parte o shares lang ng isang kumpanya ang mabibili mo. Pero kung sa MF o UITF ilalagak ang pera, maikakalat ito sa maraming kumpanyang pinamumuhunanan ng MF o UITF. Ito ay naisasagawa dahil ang iyong limang libong piso ay nakaangkas sa malaking pondo na bumubuo ng MF o UITF.
Ang ganitong magandang kombinasyon ng maraming pinamumuhunanan, na tinatawag na diversified portfolio, ay isang epektibong paraan para mabawasan ang panganib ng pagkalugi. Parang inilalagay ang mga itlog sa maraming basket imbes na sa iisa. ‘Yun nga lang, dapat ingatan ang pagpili ng MF o UITF na paglalagakan ng pera. Siguraduhing maayos ang pagpapalakad nito, dahil hindi pa rin garantisadong mababawi ang kapital sa ganitong klaseng pamumuhunan.
Sali na sa aming Investability: Mutual Fund seminars. Para sa schedule ng mga seminars, mag-click lang dito!