by: Francisco J. Colayco
unang lumabas noong ika-4 ng Mayo, 2013 sa Bulgar
GUSTO kong pag-aralin sa kolehiyo ang girlfriend ko pero wala kaming sapat na pera. Mayroon po ba kayong alam na mapagkukunan ng pera para mabayaran ang tuition sa kolehiyo? Saan kaya puwedeng umutang para sa edukasyon. Mayroon bang nagpapautang nang ganoon?
Bago pa man ang lahat, kailangan mong maunawaan na gaano man kalalim ang pagmamahalan ninyo ngayon, ang relasyon ninyong dalawa ay hindi pa nakataga sa bato. Nariyan ang posibilidad na hindi kayo magkatuluyan. Sa kasamaang palad, maaaring magwakas ang relasyon ng isang tao sa kahit kanino. Naghihiwalay ang mga mag-asawa, nag-aaway ang mga magkapatid, minsan itinatakwil ng mga magulang ang kanilang anak, at iba pa. Pero sa mga relasyon na iyon, nanatili pa rin ang ugnayan bilang magkadugo at magkapamilya; sa kaso ng naghiwalay na mag-asawa, naiiwan ang ugnayang legal. Pero sa kaso niyong dalawa ng “girlfriend” mo, wala kayong matibay na panghahawakang sa isa’t isa.
Kung naghahanap ka ng loan para sa edukasyon ng gilfriend mo, posibleng wala kang sapat na pera. Kaya siguro, mas mainam na ituon mo ang iyong atensyon sa mga pinansiyal na hangarin para sa iyong sariling personal na buhay. Kung angkop ang edukasyon ng iyong girlfriend sa iyong mga personal na hangarin, saka mo pagdesisyunan kung handa kang tustusan ang pag-aaral ng girlfriend mo bagama’t mulat ka na may panganib itong kaakibat.
Malaking obligasyon ang magpaaral sa kolehiyo. Nariyan ang panganib na hindi niya ipagpatuloy ang pag-aaral o kaya ay bumagsak siya. Pero, kung sakaling hindi niya matapos ang pag-aaral, hindi naman masasabing sayang lang ang lahat dahil posibleng may natutunan pa rin siya. Ang hamon sa kanya ay masigurong magagamit niya ang mga natutunan (kahit na maaring kaunti lamang ito) sa kanyang buhay, lalo na sa kanyang kakayahang kumita ng pera. Dahil sa bandang huli, kaya siya nag-aral ng kolehiyo upang magkaroon siya ng pagkakataong kumita nang mas malaki.
Karaniwang may mga scholarship na tumutulong sa pag-aaral. Siyempre, kailangan ng matataas na grado sa High School at kailangan ring pumasa sa mga mahihirap na college entrance exam. Tapos na ang mga ganitong exam para sa parating na Taong Pang-akademiko. Isinagawa ang ganoong mga exam noong mga nakaraang buwan at limitado ang mga scholarship. Malamang, kahit na may scholarship, kailangan pa rin ng karagdagang pera para matustusan lahat ng gastos sa kolehiyo.
Kung mayroon kang pera para sa buong kurso (2 o 4 na taon) at kailangan mong umutang ng halagang kaya mong bayaraan agad, maaari kang lumapit sa Social Security o subukang bumisita sa www.lenddo.com.ph.
Posible rin namang kumuha ang girlfriend mo ng maiksing kurso tungkol sa kanyang mga interes. May mga maiksing kurso na mas mura at makatulong sa kanyang makakuha agad ng trabaho.
Ang aking bagong libro, “Easy Money Para sa Kababaihan” ay nakasulat sa Tagalog. Madali lang itong basahin at nagkakahalaga lang ng Php95. Baka gusto mong regaluhan nito ang iyong girlfriend. Tinitiyak kong marami siya ritong matututunan. Pumunta sa National Bookstore at sa ibang bookstore, o bumisita sa aming webste www.colaycofoundation.com.
Matuto at simulan ang iyong pakikipagsapalaran tungo sa yaman! Bisitahin ang www.onewealthynation.com para sa karagdagang detalye.