ni: Francisco J. Colayco
Unang lumabas sa Bulgar noong Disyembre 15, 2012
Ngayong malapit na ang Bagong Taon, baka kailangang maging mas maingat ang pamilya pagdating sa budget at bantayan nang mas maigi ang kanilang mga gastos sa parating na taon. Kailangan ninyong patuloy na pagsumikapang makamit ang inyong mga layuning pinansiyal bilang isang pamilya, kaya naman mahalaga ang partisipasyon ng bawat miyembro ng pamilya. Isama sa usapan ang mga anak kung nasa wastong gulang na sila. Dahil kung hindi, hindi kayo magtatagumpay.
Dapat ginawa mo na ang iyong Statement of Asset and Liabilities and Net Worth (SALN) para malaman niyo kung nasaan na ka sa iyong buhay pinansiyal. Kung hindi pa, pwede mong tingnan ang aking mga libro o bumisita sa www.colaycofoundation.com para makatanggap ng patnubay.
Silipin natin uli kung ano dapat ang ginagawa ng mga pamilya para magkaroon ng magandang budget. Bilang unang hakbang, maglista ng mga layunin na pwedeng makamit sa maiksing panahon (short-term goals). Halimbawa, isang bakasyon o pagpapaayos ng bahay sa parating na taon.
Pagplanuhan na rin ang mga layunin para sa hinaharap (long-term goals) kahit gaano ka pa kabata!
Kung marunong kang gumamit ng computer, magiging mas madali ito para sa iyo. Maraming mga computer programs na makakatulong sa pagbabalanse ng checkbook, pagbabantay ng mga utang at investments para malaman mo ang iyong pinansiyal na kalagayan anumang oras mo gustuhin. Agad na maipapakita ng program kung pasok ka pa sa budget o hindi na.
Pero, gaya ng karaniwang computer programs, kailangang tiyagain ang paglalagay ng mga kailangang impormasyon. Kailangan dito ng oras at tiyaga. Matapos mo ilagay ang mga pangunahing impormasyon, kailangan pa rin ng disiplina para mailagay ang kinakailangang impormasyon. Parehong madali at mahirap na gamitin ang computer sa pagbabudget. Baka sa huli, gamitin mo pa rin ang nakasanayang mano-mano na paggawa ng budget.
Narito ang ilang hakbang na makakatulong. Laging mas maganda kung mayroong budget pang arawaraw pero posibleng masyado na itong matrabaho. Kung kaya baka mas madaling gawin ang budget na para sa isang lingo o buwan. Alamin kung magkano lahat ng kita na matatanggap ng pamilya.
Kung empleyado ka, ang cash na kita ang iyong take-home pay. Binabawas na dapat ng kumpanya mula sa iyong suweldo ang lahat ng taxes, SSS, Philhealth, insurance at iba pa. Magtungo sa iyong Personnel Department at unawain lahat ng mga deducations na ito. Kung sakaling wala kang tax deductions, alamin at tiyakin na laging mayroong buwis. Laging mas mainam kung mayroon ka ng SSS, Philhealth, Pag-ibig, at insurance. Magugulat ka kung gaanong kalaking tulong ang mga ito.
(Itutuloy)