by: Francisco J. Colayco
unang lumabas sa Bulgar noong Marso 09, 2013
Posibleng iniisip mong wala kang kita kasi hindi ka nagtratrabaho. Hindi naman kailangang ganyan ka mag-isip. Kung may allowance kang tinatanggap o kaya’y ikaw ang humahawak ng budget ng bahay, pwede mo iyong ikonsidera bilang kita mo! Humanap ka ng paraan para 80% lang ang magamit para sa pangangailangan ng pamilya. Pwedeng sa iyo na ang 20% na maitatabi mo. Mas mabuti kung higit sa 20% ang maiipon mo. Kung nag-iipon ka at nag-iinvest gamit ang formula na ito, pwede mo nang isama sa 80% na budget ang mga regalo at tulong mo sa mga mahal sa buhay. O kaya naman, pwede ka ring kumuha ng sideline na makakapagbigay sa iyo ng karagdagang kita.
Kung sinusunod mo ang mga payo sa itaas, maaari ka nang maging masaya at kampante, hindi ba? MALI, HINDI PA!
Hindi pa iyon nagtatapos doon. Kailangan mong i-invest ang ipon mo sa isang uri ng investment na tutubo nang higit sa pagtaas ng mga presyo ng bilihin. Tandaan na kaakibat ng buhay natin ang pagtaas ng mga presyo kaya naman tiyak na lalong kakaunti ang mabibili ng pera natin sa mga darating na taon. Kung itinago mo ang ipon mo sa baul, aparador, unan, o sa isang savings account, tiyak na mas maliit na ang halaga ng pera mo sa kinabukasan. Pagdating ng panahong hindi ka na kumikita, at kulang pala ang ipon mo, magdudusa ka dahil wala kang sapat na kakayahang panindigan ang piniling pamumuhay. Ibig sabihin lang nito, kailangan mong matuto kung paano i-invest nang tama ang ipon.
May dalawang uri ng investment: pagpapahiram (lending) at pagmamay-ari (ownership).
Isang halimbawa ng pagpapahiram ang pagdedeposito sa bangko. Kung tutuusin, pinapautang mo sa bangko ang perang dinideposito mo sa savings account at time deposit account. Dahil ginagamit ng bangko ang pera mo, binabayaran ka nila ng “interes”. Ito ang natatanggap mo mula sa bangko hangga’t hawak pa nila ang pera mo. Ginagarantisa ng bangko ang pagbabayad ng interes at ang prinsipal na halaga ng deposito mo. Dahil sa garantiya na ito, mababa lang ang interes na binabayad nila sa iyo, tutal maliit lang ang panganib na mawala ang pera ng depositor.
Sa kabilang banda, ang pag-iinvest sa pagmamay-ari ay ang pagbili ng mga assets (stocks, mga ari-arian, at iba pa) na inaasahang magdudulot nang kita. Inaasahan ring tataas ang halaga ng mga ito sa pagdaan ng panahon kaya naman lalong lalaki ang tutubuin ng investor. Kapag nag-invest sa mga pag-aari, mapapasa-kamay ang kita o lugi kapag binenta mo na ang mga pag-aari na iyon.
Karaniwang mas mainam ang mga investments sa pag-aari para makamit ang mga pinansiyal na layunin sa mahabang panahon. Ito dapat ang layunin mo para sa iyong pagreretiro. Pero kailangang pag-aralan mabuti at malaki rin ang risko.
Magpasyal sa www.colaycofoundation.com para sa karagdagang impormasyon. O tumawag sa 6373731 o 41