Tag Archives: economic conditions

Mga Uri ng Gastos na Nagdudulot ng Utang (Part 1)

Unang lumabas sa Bulgar noong ika-9 ng Hunyo, 2012

Maraming tao ang gumagastos sa paraang nagdudulot ng utang. Ibabahagi ko sa inyo ang ilang kagawian sa paggastos na nagiging dahilan kaya nagkukulang sa cash ang mga tao at napipilitan silang mamuhay sa credit card o kaya’y mabaon sa utang sa credit card. Sa pag-analisa sa mga kagawiang ito, bibigyang-diin ang mga prinsipyo na matagal ko nang ibinabahagi sa mga nagdaang taon. Basahin ang mga sumusunod at isipin kung paano iwasan ang mga ito.

1.)    Bonus – Sabihin nating nakatanggap ka ng bonus na P10,000.00 Ano ang gagawin mo dito? Maraming tao ang hindi lamang ito uubusin. Sa totoo lang, gagamitin pa nila ito bilang downpayment para sa isang mahal na bagay. Sa kasamaang palad, kadalasan ay higit pa sa kanilang budget ang installment ng bagay na iyon. Karaniwan, sapat lamang dapat sa regular na gastos ang iyong budget . Hindi dapat magdagdag sa iyong regular na gastos kung wala namang permanenteng dagdag sa iyong kita. Hindi regular na kita ang bonus. Pagkatapos mo ito tanggapin, wala nang parating sa hinarap.

Kung gagawa ka ng budget para sa iyong regular na kita at gastusin, lalong dapat na pagplanuhan kung paano gagamitin ang bonus. Tandaan ang unang prinsipyo na Bayaran Muna ang Sarili (“Pay Yourself First”). Hinihikayat ko kayo na sundin ang formula, Kita bawas Ipon = Gastos (“Income minus Savings = Expenses”). Ang bonus ay income din kaya dapat pa ring sundin ang formula. Itabi ang 10-20% ng bonus bilang savings.

Pwede mo ring gamitin ang kaunting bahagi ng bonus para malibang ang iyong sarili at pamilya. Pero siguruhin na hindi ito masyadong mahal at angkop sa antas ng iyong kita.

Kausapin ang iyong asawa at/o pamilya tungkol sa bonus. Ano ang mga priyoridad ninyo na dapat pagtuunan ng pansin para masulit ang bonus? Dahil limitado lang ang halagang ito, huwag magkakamaling isipin na pwede niyong gamitin sa isang uri ng gastos na posibleng humigit pa kaysa sa kaya ninyo. Baka mas makabuti kung gamitin na lang iyon sa mga regular na gastusin, o kaya’y ilagay iyon lahat sa savings.

Ang bonus lamang ang karagdagan income na matatanggap mo. Maliban na lamang kung makakuha ka ng salary increase, wala kang karagdagang pera na ipambabayad sa mga regular na installment payments. Huwag kailanmang bumili ng mga bagay na may regular na installment payments na hindi mo kayang panindigan.

(itutuloy)

Kasalukuyang Kalagayan ng Ekonomiya (Ikalawang Bahagi)

* Unang lumabas sa Bulgar, ika-7 ng Hunyo, 2012.

Bilang pagpapatuloy ng nakaraang artikulo, gusto kong ibahagi sa inyo kung paanong kinukumpirma ni PNoy ang mga obserbasyon ni Mr. Pilling. Ayon kay P-Noy, “Noong nakaraang dalawang taon, sino ang nag-akala na may magkakainteres pala sa mga peso-denominated bonds, at hindi lamang yan, magiging doble pa pala kaysa sa inaasahan ang interesadong bumili niyon? Sino ang nag-akala na hindi na kakailanganin ngayon magbigay ng naglalakihang insentibo para hikayatin ang mga kumpanya, negosyante at investor na makipagtunggali sa isa’t-isa para makalahok sa ating mga proyekto? Sino ang nag-akala noon na isang taon na lamang ang bibilangin mula ngayon para tayo’y maging exporter ng bigas, siyempre maliban na lamang kung hindi maganda ang panahon?…”

 “… Gaya ng makikita sa ating karanasan, kapag inalis ang kurapsyon, nagiging kaaya-aya ang kalagayan ng ekonomiya: isang ekonomiya na hindi lang nakakaakit ng mga investor, kung hindi ay nakakatulong rin sa pinakamaraming bilang ng mamamayan. Ngayong natanggal na natin ang baluktot na pulitikal na impluwensya na dating nakaugat sa ating social welfare programs, alam nating ang higit sa 3 milyong sambahayan na tumatanggap ng conditional cash transfer ay talagang ang pinakamahihirap na pamilya, at hindi mga pamilyang may kuneksyon lamang. Ngayon, alam nating tinataguyod natin ang 5.2 milyon na pinakamahihirap na pamilya sa pamamagitan ng Philhealth program – ang ating health insurance program.

“…Ito ang unang pagkakataon na naglaan ang gobyerno ng ganoon kalaking halaga para pagaanin ang buhay ng labis na naghihirap, at nagsusumikap rin tayong magbigay ng trabaho sa mga mamamayan. Ayon sa aming pagsasaliksik, mayroong tatlong sektor na may pinakamalaking epekto tungo sa pag-unlad ng bansa at ng nakararami: Agrikultura, Turismo, at Imprastraktura. Nakatanggap ang agrikultura ang dagdag na 51.3%  na budget sa taong ito. Puspusan din naming sinusulong ang kampanyang “It’s More Fun in the Philippines”, pati na rin ang mas pinaluwang na patakarang panghimpapawid upang mas mapadali ang transportasyon sa bansa para sa ikabubuti ng turismo. Bukod pa sa mga nabanggit kong pagpapaganda ng ating imprastruktura, nakatakda tayong magsagawa ng 10 Publi-Private Partnership projects sa taong ito. Kasama dito ang pagpapatayo ng mga paaralan, at pagpapalawak ng sakop ng ating mga tren.”

 “Dahil sa magandang pamamahala, nagiging posible ang pag-unlad ng nakararami. Ang pagiging matatag sa ating mga prinsipyo, pamumuno sa pamamagitan ng magandang halimbawa, at pagbibigay senyales na hindi kukunsintihin ang korupsyon – nagbibigay ito ng kumpiyansa sa ating bansa. Tapos na ang mga araw kung kelan ang binibigay ninyong pondo ( pondo mula sa ADB) ay tumatagas lang gaya ng tubig sa butas na timba. Patuloy kayong makakakita ng resulta; patuloy ninyong makikita ang Pilipinas bilang bansa na sa wakas ay umuunlad upang makamit ang tunay nitong potensyal. Handa kaming tutukan ang aming mga pangako, at kayo ay inaanyayahan na tingnan kung tumutupad kami sa aming salita…”

Base sa mga impormasyong nabanggit na sinasang-ayunan naman ng maraming negosyante, personal ko pa ring pinipili ang Pilipinas kaysa sa ibang bansa para sa aking mga investments. Mas gusto kong manatili sa mga propesyunal na fund manager kaysa sa gumawa ng personal na analisis dahil wala akong oras na sundan at pag-aralan ang merkado. Magandang opsyon ang mga mahuhusay na mutual fund, pati na rin ang ating KskCoop (www.kskcoop.com).

Pero isang babala: gaya ng lahat ng investment, walang garantisado. Dapat unawain ang inyong personal na sitwasyong pinansiyal at alamin ang panganib at limit ng inyong investment.


 

Kasalukuyang Kalagayan ng Ekonomiya (Unang Bahagi)

ni: Francisco J. Colayco

*Unang lumabas sa  Bulgar, ika- 2 ng Hunyo, 2012

Sa isang TV guesting kasama si Sharon Cuneta kamakailan lang, tinanong niya ako nang diretso.. “Bakit laganap ang matinding kahirapan sa Pilipinas?” Kung iisipin nga naman, nakakapagtaka talaga na nananatiling mahirap ang isang bansa na nag-uumapaw sa likas na yaman at puno ng makapagkalinga at talentadong mamamayan. Ang nakakalungkot na sagot dito ay nakalimutan na ata kasi natin ang ating “pagiging isang bayan”. Sinasabi pa nga ng iba na hindi sapat ang pagmamahal natin sa ating bansa. Sa mga nagdaang dekada, namayani ang pansariling interes kaysa sa ikabubuti ng nakararami at ng buong bansa. Ebidensya nito ang laganap na kurapsyon. Kinulimbat ng iilan ang yaman ng bansa.

 

Panahon na upang mahalin ulit natin ang ating bansa. At mukhang sa ilalim ng halimbawa  ng “Matuwid na Bansa”, mukhang nagsisimula na tayong bumalik sa tamang landas.

 

Habang ipinagdidiwang natin ngayon ang ika-114 na taon ng Kalayaan ng Pilipinas, gusto kong ibahagi sa inyo ang ilang bahagi ng artikulo ni David Pilling na inilathala sa Financial Times noong ika-25 ng April 2012, at ng ilang bahagi rin ng talumpati ni P-Noy noong ika-4 ng Mayo 2012 sa Pambungad na Seremonya ng ika-45 na Taunang Pulong ng Asian Development Bank (ADB Board of Governance). Positibo ang sinasabi ni Mr. Pillings at Pnoy, hindi gaya ng naririnig natin sa mga nakaraang panahon.

 

Malayo-layo na rin ang ating narating at marami nang nangyayaring magandang pagbabago, at positibo ang ating pananaw sa mga investments. Ito ang aking ipinupunto. Kung hindi mo pa sinisimulan ang pag-iipon, baka mapag-iwanan ka at hindi ka makakasabay sa nagaganap na pag-unlad. Siyempre, walang garantiya pero laging mas nakakagaan sa loob ang magandang opinyon kaysa sa masamang opinyon. At isa pa, hindi ko sinasabing ilagay niyo sa isang investment lang ang lahat ng inyong ipon. Laging ikalat ang panganib (spread your risks). Pero, gaya ng lagi kong sinasabi, ilagay ang 10-20% ng kita sa mga investment at sundin ang formula na ito: Income – Savings = Expenses.

 

Sabi ni Mr. Pilling, “Magkano ang utang ng Pilipinas – ang bansang laging napag-iiwanan ang ekonomiya – sa International Monetary Fund? Ang sagot ay wala. Matapos ang ilang taon ng pangungutang, nagpapautang na ngayon ang Manila sa IMF… nakakabangon na ata ang Pilipinas sa wakas. Masyado pang maaga para makasiguro. Pero may mga matibay na ebidensyang ang bansang ito – na may batang populasyon nang halos 100 million, ang ika-12 na pinamalaking populasyon sa daigdig –  ay umuunlad na. May matatag na pahiwatig ang gobyerno na hindi nila kukunsintihin ang kurapsyon. May mga naitatag na public-private partnerships para gumawa ng kalsada, riles, at planta ng kuryente na kinakailangan ng lumalagong populasyon. Medyo mabagal ang pag-unlad pero ginagalang ang legal na rehime sa bansa. Maraming ekonomista ang nagsasabing magkakaroon ng private investment boom dahil sa kaakit-akit na demograpikong sitwasyon ng bansa – kalahati ng mga Pilipino ay mas bata kaysa sa 25 taong gulang, at ang Pilipinas ang may pinakamatatag na mga bangko sa buong Timog-Silangang Asya…”

(Itutuloy)