Tag Archives: christmas bonus

Ano ang Dapat Gawin sa Perang Natira sa Bonus?

ni: Francisco J. Colayco

*Unang lumabas sa Bulgar noong Disyembre 1, 2012

Lagi akong tinatanong kung ano ang dapat gawin sa natirang pera mula sa bonus. Suwerte ka nga dahil nabiyayaan ka ng bonus. Kung sa bagay, malamang bunga ito ng iyong kasipagan. Nakatanggap ka ng bonus dahil maganda ang takbo ng kumpanya at sa tingin ng boss mo ay karapatdapat kang bigyan ng bonus. Ang natural na reaksyon ay bilhan ang sarili o ang mga mahal sa buhay ng mga espesyal na bagay. Karaniwang mahal ang mga bagay na ito.

 

O baka naman ang bonus mo ay ang 13th month pay. Wala itong kinalaman sa iyong husay sa trabaho dahil nakasaad sa batas ang 13th month pay. Siyempre karapatdapat mo itong matanggap dahil nagtrabaho ka at nakabase sa 13 na buwan ang suweldo mo. Mahirap sabihin kung nakakabuti o hindi, pero alam nating karaniwang binibigay ang 13th month pay sa Disyembre, panahon ng kapaskuhan. Tradisyon sa maraming bansa ang magbigayan ng regalo tuwing pasko, lalo na sa Amerika. Ang ating nakagawian sa Pilipinas ay isang eksaherasyon ng tradisyon sa Amerika. Nireregaluhan natin lahat, hindi lamang ang ating pamilya at mga kaibigan. Magandang pagkakataon na gamitin ang ating bonus para tulungan at magbahagi sa mga nangangailangan gaya ng mga bahay ampunan, mga batang lansangan, kulungan, at iba pa. Nakagawian din nating magregalo sa mga taong tumutulong sa atin gaya ng mga guwardiya at tagalinis sa opisina o sa bahay para magpasalamat. Sa kasamaang palad, pati ang mga hindi karapatdapat makatanggap ng regalo ay umaasang bibigyan sila tuwing Pasko.

 

Nakakalungot man pero kailangn ko itong paulit-ulitin…Tandaan ang formula: Kita – Ipon = Gastos (o Income – Savings = Expenses). Dapat ituring ang bonus bilang kita o income.  Kung kaya, dapat ihiwalay ang Ipon at ang halagang matitira ang gamitin kung paano mo man gusto. Ipinapayo kong ipunin ang 20% pero kung mas maliit na bahagi lang ang kaya, huwag mag-atubiling ipunin pa rin iyon dahil mas mabuti na ang kaunti kaysa wala. Kung makakaipon ka ng higit sa 20%, mas mapapabilis ang pagkamit sa iyong mga pinansiyal na hangarin.

Kung halos naubos mo na ang iyong bonus bago mo pa man maalalang ihiwalay ang bahagi nito bilang ipon, itabi mo na agad bilang Ipon kung anuman ang natira. Kung naubos mo na ito, subukan mo na lang magtabi ng mas malaking ipon sa susunod mong suweldo.

Pero lahat ng mga ipon na ito ay hindi tunay na mapakikinabangan kung hindi ito mai-invest.

Bumisita sa aming website www.colaycofoundation.com para sa aming mga seminar. May mga kaaya-aya kaming handog na pwedeng iregalo sa pamilya at mga kaibigan.