ni: Francisco J. Colayco
*unang lumabas sa Bulgar noong ika-2 ng Marso, 2013
Sanay tayong lahat sa ating paraan ng pamumuhay. Kung may mangyayaring malaking pagbabago, hindi madaling masanay sa bagong kalagayan. Lalo na kung pera ang pag-uusapan.
Kung dati kang mahirap, at nagkaroon ka ng maraming pera, kailangan mong baguhin ang pamumuhay. Magandang pagbabago ito dahil mas marami ka nang pera kaysa dati, pero makakaapekto pa rin ito sa pang-araw-araw na buhay. Halimbawa, baka hindi mo magawang gumastos nang husto kahit may pera ka na. Maganda ito dahil mas malaki na ang maiipon mo kaysa dati. Kailangan mo itong tandaan.
Sa kasamaang palad, ang mga taong nakaranas ng biglang yaman dahil nanalo sa lotto ay hindi sumusunod sa prinsipyong “Kita – Ipon = Gastos.” Kadalasang nauubos agad ang napanalunang pera dahil hindi naman nila iyon pinaghirapan at hindi nila naiintindihan ang halaga niyon.
Mas nakakalungkot kung dati kang may pera ngunit nawala ang lahat ng yaman mo. Tiyak na magiging mas mahirap ang pagbabagong haharapin. Kalimutan na muna ang kaginhawaan at karangyaan ng nakaraan. Kailangan mong harapin ang kasalukuyan at mamuhay nang angkop sa iyong kakayahan.
Kung may mga utang ka na mahirap bayaran gaya ng credit card, kailangan mong harapin ang katotohanan at isipin kung saan kukuha ng perang pambayad. Sa puntong ito, maghanda kang ibenta ang kahit anumang pag-aari mo. Isipin nang mabuti kung ano ang pwede mong ibenta para mabayaran ang utang. Posibleng gustuhin mo na maging optimistiko at maghintay na lang tutal maaayos din ang lahat. Pero sa katunayan, bawat araw na nagdadaan, lumalaki ang utang mo dahil hindi tumitigil ang pagpatong ng interes at mga multa.
Huwag nang mag-atubili at ilista lahat ng mga pag-aari mo. Maghandang ibenta ang mga pag-aari na hindi nagagamit o hindi nagbibigay sa iyo ng kita. Maging pursigido sa pagbenta ng mga pag-aaring ito at gamitin ang cash para bayaran ang utang.
Siyempre, mas mainam kung magagamit mo ang pag-aari para kumita ng pera imbes na ibenta iyon. Halimbawa, kung may kotse ka at may utang ka, pwede mong iparenta ang kotse para bayaran ang utang. Pero kung masyadong malaki ang utang at hindi makakatulong nang husto ang kita mula sa pagpaparenta ng kotse, mas mabuting ibenta na agad ang kotse. Mababawasan na ang utang mo, titigil pa ang deteryorasyon ng kotse.
Bisita na sa www.colaycofoundation.com para sa schedule ng seminars ng Colayco Foundation!