Tag Archives: magastos

Mga Uri ng Gastos na Nagdudulot ng Utang (Ikatlong Bahagi)

* Unang lumabas sa Bulgar, Hunyo 16, 2012

Ang pagiging “spoiled brat” ang ikatlong kagawian na posibleng magdulot ng mga utang na hindi naman kailangan.

Hindi ako psychologist pero tinitingnan ko lang ang mga praktikal na sitwasyon. Tingnan ang reaksyon ng mga bata habang sila’y lumalaki. Sa simula, kailangan nilang makuha ang kailangan nila sa panahong kailangan nila. Hindi hihinto ang gutom na sanggol sa pag-iyak hangga’t hindi ito pinapakain. Habang lumalaki ang sanggol, hindi siya titigil hangga’t hindi niya nakukuha ang gusto niya; parang isip-sarili ang ganitong pag-uugali at tinatawag lang natin itong “asal-bata”. Tungkulin ng mga magulang na turuan ang bata na hindi pwedeng lagi na lang niyang makukuha lahat ng gusto niya, lalo na kung ang gusto niya ay hindi nakabubuti sa kaniya o sa mga tao sa paligid. Ang batang walang disiplina ay tinatawag na “spoiled brat”. Sa kasamaang palad, maraming bata ang tumatanda nang hindi natututunan ang disiplina at pasensya. Kahit matanda na, gusto pa rin nilang makuha agad lahat ng gusto nila. Patuloy silang nag-aasal-bata, patuloy silang nagiging “spoiled brats”.

Ang mga matatandang spoiled brats ay asal-bata rin pagdating sa kanilang paghawak ng pera at paggastos. Nagiging shopaholic ang ilan. Iniisip ng isang shopaholic na kailangan niyang magshopping upang maging masaya. Mabuti sana kung napakayaman niya at kaya niyang magshopping nang magshopping. Pero para sa karamihan, nagdudulot ang sobrang pagshoshoping ng kakulangan ng pera at mas masama pa… utang sa credit card. Katulad ng isang alkoholiko, may mga pagkakataon na maiisip niyang parang hinuhukay na niya ang sariling libingan, pero mahihirapan na siyang pigilan ang paghuhukay. Kailangan talaga niyang magbago. Dapat niyang maintindihan na hindi siya kayang pasayahin ng pagshoshopping dahil nagdudulot na ito ng napakaraming problema. Sinumang kinukulang sa pera o kaya’y may utang sa credit card ay hindi magiging masaya. Napakaraming tao ang hahabol sa kaniya para maningil. May tao bang pwedeng maging masaya kung alam niyang napakaraming tao ang naghahabol sa kaniya para maningil?

Kailangang maghanap ang shopaholic ng ibang paraan para maging masaya. Kahit na kailanganin niyang kumonsulta sa isang psychiatrist, dapat niyang gawin ito agad bago siya magdulot ng napakalaking problema para sa kaniyang sarili at sa kaniyang pamilya. Kung hindi, matutunan niya ang kaniyang leksyon sa mahirap na paraan. Karaniwan, nagiging miserable ang buhay ang shopaholic na may limitadong budget dahil tutugisin siya ng mga credit card companies. Mapipilitan siyang bayaran ang mga bagay na hindi na kapakipakinabang at ang masama pa riyan, wala na siyang per o credit para magshopping.

Sumali sa aming mga seminars.  Para sa detalye, pasyalan ang www.colaycofoundation.com o tumawag sa 6373731 o 6373741.

(Itutuloy)