ni: Francisco J. Colayco
Unang lumabas sa Bulgar noong ika-18 ng Hunyo, 2011
Tunghayan ang mga tanong ni P:
Gusto ko lang pong magtanong tungkol sa mutual funds. May isang kilalang American advisor na hindi inirerekomenda ang mutual funds sa mga seryosong investor. Pero mukhang alam na alam po ninyo ang ikinaganda ng mutual funds, kaya gusto ko pong itanong sa inyo ang mga sumusunod:
1.) Ano ang ikinaganda ng mutual funds kung ikukumpara sa ibang investments?
2.) Ano po ang opinyon ninyo sa American advisor na hindi nagrerekomenda ng mutual funds para sa mga seryosong investor? Sabi niya, para lang daw iyon sa mga investor na walang karanasan at kulang sa kaalaman.
3.) Sinasabing mas ligtas ang mutual funds kumpara sa mga stock investment. Pero ano naman po ang “catch” o kapalit ng pagiging ligtas nito?
Ang ating sagot:
Napakaraming pagpipilian na investments. Maganda ang marami sa mga ito. Pero ang mahalaga ay matukoy mo kung ano ang angkop para sa iyo. Hindi sapat ang maikling sagot para matugunan ang iyong tanong tungkol sa kagandahan ng mutual funds kumpara sa ibang investment options.
Ito ang pangunahing reklamo sa mutual funds ng American advisor na iyon: Hindi raw hamak na mas kikita pa ang mga marurunong na investor kung IPUNIN na lang nila ang 1-2% na management fee na kinokolekta ng mutual funds. Sa ekonomiya ng U.S., ang maliit na porsiyentong ito ay maaaring maging katumbas na ng 25-30% ng tubo ng equities market. Tandaan na mas matanda at sopistikado ang merkado sa U.S. Hindi angkop para sa atin ang kanyang payo dahil karamihan sa ating mga indibidwal na investor ay walang sapat na kakayahan na makamit ang diversification upang bawasan ang panganib ng DIREKTANG pag-i-invest sa stock market. Kung walang sapat na diversification, napakamapanganib ng pag-i-invest!
Isa pa, kaunting-kaunting investors na nagtatrabaho bilang empleyado o may aktibong propesyon ang may oras upang bantayan nang husto ang merkado. Kauting-kaunti lang ang may kakayahan na makakuha ng napapanahong research tungkol sa ekonomiya, ang capital markets, pati na rin ang long term trends. Napakaimportante sa investing ng tama at napapanahong impormasyon.
Marami na akong nasulat na libro at sinadya kong talakayin lamang ang mga basic na impormasyon tungkol sa investments. Ang aking adbokasiya ay turuan ang mga regular na Pilipinong income-earner kung paano humawak ng pera at magpalago ng yaman sa pinakasimpleng paraan na angkop sa kontekstong Pilipino. Para sa karaniwang income-earner na gustong palaguin ang kanyang maliit na ipon, ang pag-iinvest sa pooled fund – na gaya ng mutual fund – lang talaga ang tanging paraan.
Ang mga sopistikadong investor ay puwedeng mas maalam pa sila kaysa sa akin o kaya ay may kakayahan silang piliin ang mga mas komplikadong investment. Pero isang bagay ang tiyak: Kailangan ng mga sopistikadong investor na makatanggap ng de-kalidad na research work upang masiguro at mapanatili ang kanilang tagumpay.
Lagi tayong bukas sa mga katanungan at sasagutin ko kayo sa abot ng aking makakaya.