ni: Francisco J. Colayco
*unang lumabas sa Bulgar noong Oktubre 20, 2012*
Ang ilan sa mga pinakamayamang tao sa mundo ay ilan din sa pinakamapagbigay. Tinuturing mo ba ang pagsuporta sa charity, pagbibigay donasyon, at pagbabahagi ng biyaya bilang bahagi ng buhay ng mga matagumpay na tao at organisasyon?
Ilan sina Warren Buffet at Bill Gates sa mga kahangahangang mayayamang tao.
Pareho silang nagbibigay ng napakalaking halaga sa charity, kaya nga kahit paano pati mana ng kanilang mga anak ay naaaapektuhan rin. Pinaplano nilang limitahan ang halagang ipapamana sa kanilang mga anak samantalang balak naman nilang ibigay bilang donasyon ang karamihan ng kanilang yaman sa mga charity o kaya’s sa mga pananaliksik na may positibong epekto sa lipunan. Totoong napakalaki ng halagang pwede nilang ipamana sa kanilang mga anak kaya naman hindi mararamdaman ng kanilang mga anak ang nabawas sa kanilang mana kung hindi man nila makuha lahat. Karaniwang pinapamana ng mga napakayaman ang kanilang mga ari-arian sa kanilang mga anak, hindi ba? Pero hindi ganoon sila Warren Buffet at Bill Gates.
Maaaring hindi ko laging pinagtutuunan ng pansin ang espritwal na aspekto
ng pagpapalago ng yaman kapag nagsasalita ako sa publiko, nagbibigay ng seminar, o tuwing nagsusulat ako ng libro at mga artikulo. Kasi naman, naniniwala akong ang 99% ng mga nakikinig sa akin o nagbabasa ng mga isisnulat ko ay hindi lamang nagnanais matuto para sa sarili nilang pakinabang, kung hindi ay para na rin sa kanilang pamilya at mga mahal sa buhay. Naniniwala ako na ang mga taong ganito ang pag-iisip ay mga taong marunong maging mapagbigay. Likas na sa kanila ang magbahagi. Matututo rin balang-araw ang 1% na hindi pa marunong maging mapagbigay. Matibay ang paniniwala ko sa mga kasabihang: “Kapag mas mapagbigay ka, mas lalo kang makakatanggap” at “Mas mabuting magbigay kaysa tumanggap.”
Pero paano ka makakapagbigay ng tulong kung wala ka namang pwedeng ibahagi? Nagtuturo ako na palaguin, pangalagaan, at gamitin nang tama ang pera para MAKAPAGBAHAGI tayo sa iba. Ito mismo ang inspirasyon ng aking adbokasiya.
Kung isa ka sa mga nakakaunawa ng mga simpleng konsepto ng pagtitipid at pag-iipon, masuwerte ka dahil magagamit mo ang nalalaman mo. Pero hindi ito ganoon kadali para sa ibang tao kaya kailangan nila ng oras, suporta at payo. Gayunpaman, obligasyon ng bawat isa na palaguin ang yaman dahil sa mismong dahilan na hindi natin maibabahagi ang mga bagay na wala naman sa atin.
Sana tulungan ng mga kumpanya ang kanilang mga empleyado kung mayroong pagkakataon. Kailangan nilang tulungan ang kanilang mga empleyado na maging maalam sa paghawak ng pera at hindi matutong umasa sa mga credit card and credit union loans.
Ang pagtitipid ay ang PAGBABAYAD MUNA SA SARILI. Kapag binayaran mo ang sarili mo, natitipid mo ang pera sa halip na ipamigay iyon sa tindero o taga-gawa ng produkto. Ang IPON ay gastos na ipinambibili sa magandang kinabukasan. “ON SALE” na ito dahil binibigyan ka ng maraming pagkakataon na matutunan kung paano mapalaki at mapalago ang ipon. Huwag hayaang lumampas ang pagkakataon na “BILHIN” ang iyong magandang kinabukasan!
Magpasyal sa www.colaycofoundation.com o tumawag sa 6373731 o 41 para sa karagdagnang kaalaman.