Peronal na Prinsipyong Pamamahalang Pinansiyal
Mayroong isang batayang prinsipyo sa pamamahalang pinansiyal: huwag gagamitin ang perang inutang para ipuhunan sa capital market. Ito ang paglalagay ng puhunan sa securities gaya ng stocks at lahat ng uri ng mutual funds. Tandaan na kapag nangutang, obligadong bayaran nang regular ang takdang interes at prinsipal kumita man ang puhunan o hindi.
Sa kabilang banda, kapag namuhunan sa merkadong pinansiyal, umaasang kikita sa pamamagitan ng mga dibidendo o dagdag na halaga ng puhunan kapag ibinenta ito. Pinakamahalagang usapin sa pangungutang ang cash flow o daloy ng pera. Anumang loan ay pinapatungan ng interes batay sa termino ng pangungutang.
Tandaan na walang garantiya sa pamumuhunan sa financial market partikular na sa stocks dahil palagiang gumagalaw ang pagpepresyo. Mahirap sa kaso mo lalo pa at kailangang gawing kolateral ang iyong bahay. Ang totoo, malalagay sa peligro ang iyong bahay dahil walang katiyakan ang pamumuhunan.
Bagama’t mayroong liquidity sa mutual funds, walang nakatitiyak kung kailan at gaano ang pagtaas at pagbaba ng Net Asset Value (NAV) ng iyong puhunan. Kung mababa ang halaga sa panahong lubhang kailangan ang pera upang makabayad ng utang, mapipilitang ibenta ang puhunan sa mas mababang presyo.
Tamang Pangungutang
Bumababa ang interes sa pautang sa kasalukuyan kaya ito ang tamang panahon para mangutang kung mayroong magandang proyektong paggagamitan nito. Kapag ginamit sa magandang pamumuhunan ang perang hiniram, kikita ito at makadaragdag sa iyong net worth o halaga.
Kung pag-aaralang mabuti ang mga dapat pag-ingatan, maaaring mas malaki nga ang kikitain kaysa perang mahihiram sa bangko na may 9% interes kada taon. Sa aking palagay, tinimbang mo na ang mga posibleng risk at reward. Dapat ay mayroon kang personal na Statement of Assets and Liabilities o SAL. Makatutulong ito para tantiyahin kung ano ang mga dapat paghandaan at kung ano ang pinanghahawakan sakaling magkaroon ng biglaang pangangailangang pinansiyal.