Armand Bengco, ang Colayco Foundation Executive Director ay naging panauhin ni Lyn Ching sa Unang Hirit. Ang interview ay maaaring mapanuod sa http://www.youtube.com/watch?v=-tirSBBPy_8. Ito ang naging usapan nila.
“Ano ang tamang paraan ng pangungutang?”
Kung sa bangko at ibang institusyon na nagpapautang, pormal tayong humaharap. Gumagawa pa nga tayo ng pormal na sulat kung bakit tayo nangungutang at kung ano ang ating kakayanang magbayad. Pauutangin tayo dahil mayroon tayong tunay na kakayanang magbayad at hindi lang dahil may collateral o mayroong guarantor. Kung bago ka sa pangungutang sa bangko, mas mabuting may kilala ka na magpapakilala na ikaw ay marunong sumunod sa kasunduan. Ang kolateral o guarantor ay kalimitan mga tuntunin ng Bangko Sentral.
Kung tayo ay mangungutang sa ating kaibigan or kamag-anak, siyempre bigyan rin natin sila ng kurtesiya. Mas mabuti na personal tayong pumunta at huwag lang mag-text o tumawag. Dapat ipaliwanag natin kung bakit tayo humihiram ng pera at kung paano tayo magbabayad. Dapat handa tayong pumirma ng kasulatan para talagang maniwala siya na may intensyon tayong magbayad.
“Paano mo sasabihing wala kang maipapautang o ayaw mong magpautang?”
Kung kamag-anak or kaibigan ang umuutang siguro pwede tayong makipag-usap ng masinsinan. Mabuting mayroon tayong nakasulat na budget para maipaliwanag natin at makita nila agad kung bakit hindi natin kayang magpa-utang. Kahit wala tayong listahan na maipakikita, dapat maipaliliwanag rin natin na mayroon tayong ibang pinaglalaanan at hindi lang siya ang binubuhay natin.
Maaari rin sabihing diretso lalo na kung tayo ay kinakapos. Sinasabi nga namin sa Colayco Foundation, “we cannot share what we do not have.”
Pwede rin sabihin na sistema natin talaga ang hindi magpautang. Sabi nga ni Armand na sa pamilya niya na anim na magkakapatid mulang pagkabata hanggang ngayong may edad na sila, hinding-hindi sila nag-uutangan sa isa’t isa. Kapag nakita rin naman ng ibang tao na ganoon ang pananaw na pinapahalahagahan at inirerespeto ang ating pananalapi, parang mahihiya silang lumapit. Kung ano ang pinapakita natin sa labas, ganoon din ang pagtanggap at kung paano tayo itatrato. Hindi talaga magandang makita ang mga magkamag-anak na nagkakainisan, nag-aawayan, at nagkakagalit dahil sa pera.
Minsan mayroon tayong kakayanang magpautang pero nagdadalawang isip tayo dahil may reputasyon yong umuutang na hindi nagbabayad. Kung meroon siyang hindi masyadong magandang reputasyon, pangit naman na sabihin natin ng deretso kayat siguro dapat na lang mag “white lie” para makaiwas. Dapat lang hindi tayo manggagalit o magpapahiya. Kung sakaling pautangin pa rin natin siya, handa lang tayo na parang donasyon na lang yon. Huwag na tayong magtaka pa o magalit kung hindi tayo mabayaran.
Ang isang magandang ugali, lalo na sa mag-asawa, ang hindi lang tayo ang nagbibigay desisyon sa pera. Kasama natin ang katuwang natin sa buhay o maski na single, sabihin na kasama ang ating magulang o guardian sa mga desisyon tungkol sa pera, sa paggastos, sa pagpapautang, and pati sa pagiinvest. Kung ayaw natin talagang magpa-utang, pwede nating sabihin sa nanghihiram na “ay sorry, ayaw nang asawa ko eh.”
“Tama ba ang maki-ride sa credit card ng iba?”
Mayroong iba na kapag nasa shopping ay nagsasabing “pwedeng ilagay ko na lang sa credit card ko tong pinamili ko at babayaran kita pagnaningil na?”
Yan ay hinding-hindi dapat gagawin. Ang credit card ay napaka-personal. Pirma natin so talagang nagiging utang na natin kapag pumirma tayo. Wala na tayong habol sa “naki-ride.”
“At pagdating sa pangungutang, sino ang dapat mong utangan? Kaibigan? Boyfriend? BOSS?”
Depende siguro sa sitwasyon. Kung mga pormal na utang tulad ng housing loans, sa mga bangko o mga pormal institusyon na yon. Kung mga emergency siguro, ang unang takbuhan ay kamag-anak. Sa magboyfriend-girlfriend, siguro huwag muna. Baka yon nga ang magdala ng pagkawala ng respeto sa bawat isa. Mayroon ngang mag-girlfriend/boyfriend lang na nag-jojoint account na. Mahirap yon kung naghiwalya kayo hindi niyo alam kung paano ang hatian. Kung ‘yung magasawa nga nagkakaproblema sa paghihiwalay ng properties at assets, lalo na ‘yung magboyfriend-girlfriend.