Pagtatatag ng institusyong pinansiyal

Nagpadala ng e-mail si Andy. Ang sabi niya:

Bakit hindi kayo magtatag ng isang institusyong pinansiyal na magbibigay ng tiyak na 12% kita para magkatotoo ang sinasabi ninyong P1,000 ipon kada buwan na may 12% interes sa loob ng isang taon? Lagyan ninyo na rin ng P2,000 hanggang P5,000 kada buwan na ipon o higit pa. Gawin ninyong totoo ang mga ideya ninyo. Hindi puwedeng puro salita lang. Walang ganitong pamumuhunan sa merkado sa mga panahong ito. Para maengganyo ang mga tao na mag-ipon at nang hindi na maging biktima ng mga scam. Pakikinabangan ito ng mga nasa underground economy tulad ng mga cigarette vendor, jeepney driver, market vendor, construction workers, janitors, messengers, mga katulong at iba pang may mababang kita. Para naman mabigyan sila ng pagkakataong umangat. Sa ngayon kasi, mga may pera lang ang pinagsisilbihan ng mga institusyong pinansiyal. Magiging mahirap ito para sa inyo sa ngayon dahil sa dami ng mga alituntunin, regulasyon at batas na dapat bigyang konsiderasyon, Pero isang malaking hamon ito sa inyo.

Ang sagot ko:

Para magarantiyahan ang anumang tiyak na kita, kailangang magkaroon ng siguradong pagkakakitaan para mabayaran ang ipinapangakong tubo. Tanging ang gobyerno lamang ang puwedeng magbigay ng absolute guarantee dahil ito lang ang may kakayahang magimprenta ng pera. Iyong mga nangangako ng tiyak na kita ay nagbabatay lang sa kung ano ang tiyak na mapagkakakitaan ayon sa kanilang paniniwala. Pero ang ganitong garantiya ay hindi lubusan. Kapag bumagsak ang negosyo, hindi matutupad ang mga ipinangakong tubo. Ito ang delikado sa namumuhunan nang malaki dahil walang katiyakang mananatili siyang may trabaho.

Mayroon ding iba na nagbibigay ng garantiya kahit walang sapat na batayan. Ito ang mga manloloko na karaniwang nagtatagumpay dahil malaki ang iniaalok nilang kita kaya marami ang naeenganyong pasukin ang kanilang pamumuhunan kahit delikado ang mga ito. Ang mga nabibiktima ay mga taong gusto ang biglaan at mabilisang kita. Hindi nila naisip na walang madali sa mundong ito. Kung gustong yumaman, kailangang pag-aralang mabuti kung paano ito gagawin. Nangangahulugan ito ng pagpapatupad ng mga alituntunin para maingatan ang mga risks sa pamamagitan ng panahon, compounding at tamang alokasyon ng mga asset.

Layunin ng aming institusyon na ituro ang kaalamang pinansiyal at ang mga binanggit mo ay natutugan ng mga nalathalang libro.

May mga institusyong pinansiyal para sa malakihang puhunan gaya ng sinasabi mo. Pero wala sa mga ito ang kayang magbigay ng garantisadong kita.

Leave a Reply

Your email address will not be published.