Sa dami ng mga problema sa mundo, gusto kong ibahagi ang isang email na aking natanggap. Isinulat ito ni Swami Avadhutananda sa Ingles. Mahalagang maunawaan ito hindi lamang dahil sa nakasaad na aral kundi pati na rin sa implikasyon nito sa personal na buhay pinansiyal ng isang tao. Ito ang kanyang sinabi na isinalin sa Tagalog:
“May dalawang araw sa bawat linggo na hindi tayo dapat mangamba,
dalawang araw na dapat ay panatilihing malaya sa pagkatakot at pag-aalala.
Isa sa mga araw na ito ang Kahapon na kalakip ang lahat ng pagkakamali at pag-aalala, mga pagkukulang at pagkadapa, mga kirot at sakit.
Lumipas na ang Kahapong hindi na kayang pigilin habang-panahon.
Lahat ng pera sa mundo ay hindi maibabalik ang Kahapon.
Hindi na mababawi anumang kilos na ginawa;
hindi na mabubura anumang nasabing salita.
Ang Kahapon ay lumipas na magpakailanman.
Isa pang araw na hindi natin dapat pangambahan ay ang Bukas
na maaaring may dalang hirap, mabigat na pasanin,
marangyang pangako at hindi kaaya-ayang gawain.
Hindi rin natin hawak ang Bukas.
Sisikat ang araw ng Bukas, na maaaring maging maningning o di kaya ay natatabunan ng mga ulap, ngunit sisikat pa rin ito.
Hanggat hindi pa dumarating ang Bukas, hindi natin malalaman kung ano ang magaganap.
Ang tanging mayroon tayo ay ang Ngayon,
Sinuman ay kayang makipaglaban at harapin ang isang maghapon.
Kapag minarapat natin pinag-ugnayin ang mga kabigatan ng dalawang malungkot na walang hangganan ng Kahapon at ng Bukas, ay saka tayo malulugmok at babagsak.
Hindi ang karanasan ng Ngayon ang nag-aalis ng katinuan ng isang tao,
kundi ang pagsisisi o kapaitan ng karanasang naganap sa Kahapon at ang pangamba sa kung ano ang hatid ng Bukas.
Kayat tandaan na mabuhay ng NGAYON sa bawat araw.”
“Let us live but one day at a time.”
May katotohanan ang lahat ng sinabi ng awtor. Dapat tayong kumilos nang walang pangamba sa mga bagay na wala na tayong magagawa. Kung susuriin, ang mabuhay sa Ngayon ng bawat araw ay sumusuporta sa aking prinsipyo na ang tao ay kinakailangang paghandaan araw-araw ang kanyang pagreretiro. Kung hindi, habang siya’y tumatanda, hindi maiiwasang katakutan niya ang pagdating ng Bukas na hindi niya napaghandaan. At kapag nasimulan na niyang mangamba dahil sa kawalan ng preparasyon, mararamdaman niya ang pagsisisi na hindi niya nagamit sa paghahanda ang kanyang panahon nung Kahapon na siya ay bata pa.
Ang kailangan lamang ay ang pagtatabi ng maliit na halaga bawat araw at ang pamumuhunan sa long term investment na hindi gagalawin ang naipamuhunan. Kahit pa sabihing mahirap ang kasalukuyang panahon, ituloy ang pag-iimpok ng 20% ng iyong kinikita. Sikaping mabuhay na pinagkakasya ang 80%. Mamuhunan sa mga investment funds na mahusay na pinangangalagaan pero gawin ito kung hindi mo kakailanganin ang inipong pera sa loob ng tatlo hanggang limang taon.