Mas Maingat sa Pamumuhunan ang Kababaihan

Talaga bang mas konserbatibo ang kababaihan kaysa mga lalaki pagdating sa pamumuhunan?

Ayon sa mga pag-aaral, takot ang mga babae na mamuhunan. Subalit ito ay sa pangkalahatang usapan lamang dahil hindi maitatanggi na may mga babae na handang humarap sa malalaki at mabibigat na panganib. Katunayan, ipinakikita sa mga survey na mas maraming babae ang nabibiktima ng mga scam kaysa kalalakihan.

Konserbatibo man o matapang sumugal ang kababaihan, ang tunay na isyu ay kawalan ng sapat na impormasyon. Ang mga konserbatibo ay karaniwang takot dahil hindi nila alam kung ano ang mga dapat gawin at kung paano nila gagawin ang pamumuhunan. Nagiging kampante na lamang sila sa kung ano ang kanilang nalalaman.Nakakalungkot isipin na itinuturing nilang pinakaligtas na paraan ang pagtatago ng pera sa ilalim ng kama, sa unan, o sa anumang sisidlan na itatabi sa isang sikretong lugar sa bahay. Kung baga, ito ang kanyang alkansiya. Marahil nga ay ligtas ito, hanggang walang nakakadiskubre ng pinagtataguan. Kadalasan pa ay nabibisita lang ang alkansiya kung maghuhulog o magdadagdag ng perang ipon. Kung hindi magiging regular ang pagbilang, posibleng unti-unti na itong nababawasan nang hindi niya namamalayan hanggang sa maging huli na ang lahat. Maaaring isang miyembro ng pamilya o di naman kaya ay katulong sa bahay ang kumuha nito. Sinuman ang gumawa ng ganoon ay hindi tuluyang masisisi dahil nandoon lamang sa paligid ang tukso.

Sa ganitong sitwasyon ng pag-aalkansiya, nawawala ang oportunidad na madagdagan ang pera habang nag-iipon kahit pa sabihing maliit na halaga lamang ang naitatabi. Idagdag pa rito ang posibilidad na mawala o manakaw ang inipong pera. Kailangang baguhin ng kababaihan ang kanilang pananaw tungkol dito.

Ang isa pang pinakaligtas na paraan para sa kababaihan ay ang pagbubukas ng savings account o time deposit account sa bangko. Dito, ligtas ang pera at nakaseguro hanggang sa halagang P500,000 sa ilalim ng Philippine Deposit Insurance Corporation o PDIC. Kumikita pa ito ng kaukulang interes.

Mas nangangailangan ng panahon at lakas para naman matutunan ang iba pang uri ng pamumuhunan gaya ng Mutual Funds, UITFs, Treasury Bills/Bonds, atbp. Marahil, mas mainam kung kapwa maglalaan ng oras ang mag-asawa para mapag-aralan ang tungkol sa mga ito mula mismo sa mga institusyong nagkakaloob ng ganitong klase ng investment. Ako mismo, hindi ko lubusang maipapaliwanag lahat dahil bawat institusyon ay mayroong kani-kaniyang tuntunin. Maaaring mag-email sa akin sa info@colaycofoundation.com kung nais makuha ang kanilang mga address at numero ng telepono.

Samantala, ang mga nag-aalok ng di legal na pamumuhunan o mga scams ay matiyaga at agresibo sa pag-aalok ng kanilang mga produkto. Dahil nga mga babae ang kadalasang naiiwan sa bahay o may panahon, mas naeengganyo silang makinig sa mga ganitong alok. Dala na rin ng di sapat na kaalaman, maraming babae ang naaakit sa ipinapangakong malaking kita at bago pa nila mamalayan ay nabiktima na sila.

Leave a Reply

Your email address will not be published.