Ang Kuwento ni Eva na Lubog sa Utang (Part 1)

Ang ibabahagi kong kuwento sa inyo mula ngayon hanggang sa mga susunod na tatlong artikulo ay batay sa tunay na sitwasyon. Sa unang tingin ay parang hindi totoo pero inilahad ito sa akin kaya naniniwala akong nangyayari ito sa totoong buhay at nararanasan ng karamihan. Bahagya kong papalitan ang ilang detalye gaya ng uri ng negosyo, lokasyon at pangalan para protektahan ang katauhan ng sumulat. Subalit magiging batayan pa rin ng mga artikulo ang kanyang ipinadalang liham kung saan niya inilahad ang kanyang kuwento. Alam kong makikilala ng mga mambabasa ang kani-kanilang sarili sa ilang bahagi o sa kabuuan ng mga pangyayari. Natitiyak kong lahat tayo ay may mga matututunang aral mula sa kanyang karanasan. Ang gagawin kong paglalahad ay ayon na rin sa kung paano niya ito ikinuwento sa aming pagpapalitan ng email.

Si Eva ay mula sa lungsod ng isang lalawigan. May sarili siyang bahay at lupa at aktibo sa retail distribution business. Maganda ang kanyang kita sa pinasok na negosyo pero ang problema niya ay ang kanyang pagkalubog sa utang. Nagsimula ito nang may mga lumapit sa kanyang tao para humiram ng pera. Dahil nga may hawak naman siyang pera at kumikita ang negosyo, naengganyo si Eva na magpautang sa interes na 5% kada buwan. Naisip niyang tama lamang ang ipinapatong niyang interes sa pautang dahil may mga iba na nagpapahiram nang “five-six.” Naging maganda naman ang takbo ng kanyang pagpapautang dahil nagbabayad sa takdang panahon ang mga humiram. Dahil dito, dinagdagan ni Eva ang pondong ipinapautang. Sa kalaunan, masyado nang malaki ang kanyang naipahiram at hindi na makabayad ang mga nangutang sa kanya.

Sa halip na tanggapin na lamang ang kanyang pagkalugi, naisip ni Eva na mas mainam kung irerekomenda niya sa ibang nagpapautang ang kanyang mga kliyente para makabayad ang mga ito sa kanya. Pumayag naman ang panibagong nagpapautang pero mas mataas kaysa 5% interes ang ipinatong nito at ginawa pang guarantor si Eva.

Bago natin ipagpatuloy ang kuwento ni Eva, pag-aralan natin ang mga naging desisyon ni Eva. Kung maganda ang takbo ng negosyo niya, bakit siya nalubog sa utang? Ang pagkakaroon ng magandang kita sa negosyo ay karaniwang nagreresulta ng mabilisan at tiyak na pagbabayad ng mga pagkakautang. Habang lumalaki ang negosyo, natural lamang na kakailanganin pa ring manghiram ng pondo. Kailangan lang tiyakin na mas malaki ang kinikita ng negosyo kumpara sa interes na binabayaran sa utang.

Mainam ang pagpapahiram ng pera kung nakapagbabayad ang mga pinautang. Sana pinag-aralan muna ni Eva bago siya nagpautang sa unang pagkakataon. Pero posibleng kalaunan ay naging “greedy” at ninais niya ng malakihang kita kaya siya nagpahiram nang malaki na hindi muna inaalam kung may kakayahang magbayad ang mga kliyente. Dapat pag-ingatan ang ganitong pagnanais ng sobrang malakihang kita.

Malaking pagkakamali ang naging pasiya ni Eva na irekomenda sa ibang nagpapautang ang kanyang mga kliyente na alam naman niyang walang kakayahang magbayad. Mas mabigat ang pagpayag niyang maging guarantor ng mga ito. Kabisado ng nagpapautang ang pagpapatakbo ng kanyang negosyo kaya mas mataas ang itinakda niyang interes at ginawa nitong guarantor si Eva ng mga inirekomenda niya.

Ipagpapatuloy ko sa susunod na artikulo ang paglalahad sa kung ano ang nangyari sa mga pinautang ni Eva at ang kinahinatnan ng kanilang hiniram na pera sa bagong nagpautang.

Leave a Reply

Your email address will not be published.