Nagpautang si Eva nang may patong na 5% interes kada buwan sa mga taong hindi nagsipagbayad sa kanya. Ini-refer niya ang mga ito sa isa pang nagpapautang na nagpatong naman ng 6% interes kada buwan at itinalaga pa si Eva bilang guarantor ng mga pautang na ito. Sumang-ayon si Eva sa ganito dahil inakala niyang ito ang paraan para siya mabayaran ng mga nangutang sa kanya. Sa kasamaang palad, walang bumalik para magbayad.
Natural lamang na si Eva ang pagbayarin sa mga pagkakautang dahil siya ang tumatayong guarantor ng mga ito. Dahil isa siyang mabuting tao at ayaw niyang sirain ang kasunduan sa kanyang paggagarantiya sa pautang, binayaran ni Eva ang mga salaping ipinahiram ng mga nagpautang.
Paano siya nakakuha ng pondong magagamit sa pagbabayad? Isinanla ni Eva ang ilan sa kanyang mga ari-arian sa interes na 2.5% kada buwan para lamang makapagbayad sa kompromiso. Napag-isip-isip niya na mas mababa ang 2.5% buwang interes kaysa 6% kada buwan na ipinapataw sa kanya bilang guarantor ng mga pautang.
Di nagtagal, nakaisip ng paraan ang kanyang mga pinautang upang kumita para makapagbayad ng pagkakautang sa kanya. Nakiusap sila kay Eva na kung maaari ay tulungan silang makapagnegosyo nang may tiyak at malakihang kita. Hindi maunawaan ni Eva kung bakit siya nagpadala sa mga pakiusap sa kanya. Sadya sigurong maunawain si Eva, may “pusong mamon” at nakatuon ang pansin sa posibilidad na makapaningil ng kanyang mga pautang sa kahit anong paraan. Dahil dito, hindi nakatanggi si Eva at muling pinahiram ng pera ang mga ito. Nangutang siya sa isang bangko at ginawa pa niyang kolateral ang kanyang bahay. Ayon kay Eva, nagsimula naman siya sa kanyang negosyo sa pamamagitan ng pangungutang sa bangko gamit na kolateral ang bahay niya. Umunlad naman siya sa ganitong paraan at nagawa niyang bayaran ang mga naunang utang niya sa bangko. Umasa siyang magiging ganito rin ang kapalaran ng kanyang mga tinutulungang mangutang.
Ngunit hindi ganito ang nangyari. Hindi naging matagumpay sa distribution business ang kanyang mga pinautang. Hindi kumita ang mga ito at hindi siya magawang bayaran. Nakapanlulumo pang malaman na inilagay niya ang negosyo sa pangalan ng mga nangutang sa kanya kasama na ang isang blankong deed of sale sa kanya. Nasa pangalan ni Eva ang mga utang sa bangko pero ang negosyo ay nasa pangalan ng mga mangungutang. Nakapatong pa sa kanyang balikat ang pagbabayad ng buwanang amortization sa bangko dahil ayaw niyang masira ang kanyang pangalan at credit rating. Malakas ang loob niyang manghiram sa bangko dahil alam niyang kumikita ang kanyang negosyo.
Tama lamang na mapag-isip-isip ni Eva kung saan siya nagkamali – malambot ang kanyang puso at laging gustong makatulong sa ibang tao. Walang masama sa pagtulong. Ngunit dapat din niyang maisip na “hindi mo maibabahagi sa iba ang anumang bagay na wala ka.” Dahil kung magpapatuloy ang ganitong kaluwagan sa pagpapautang, darating ang panahong siya mismo ay babagsak at hindi na niya magagawang makatulong sa iba. Sa pagnanais niyang tumulong, hindi na niya inisip ang sarili niyang kapakanan. Malalaman natin ang mangyayari kay Eva sa susunod pang artikulo.