Ang Kuwento ni Eva na Lubog sa Utang (Part 3)

Nang habulin na ng mga bangko si Eva dahil sa kanyang mga utang, hindi siya nangamba dahil alam niya makababayad siya mula sa kita ng kanyang negosyo. Ngunit nagkaroon siya ng panibagong problema. Nagsimula nang maghinala at magsuspetsa ang kanyang asawa kung saan napupunta ang kita ng negosyo. Nagpasiya si Eva na bumili ng lote sa pamamagitang ng pangungutang sa isang kaibigan sa interes na 4% kada buwan. Balak niyang magtayo ng apartment na paupahan ngunit wala na siyang sapat na pondo para ipatayo ito. Pumasok siya sa isang kumplikadong plano sa pagbuo ng pondong kailangan niya. Nanghiram si Eva ng pera mula sa kanyang mga pauupahin sa gagawing apartment. Nagbigay naman ang mga ito nang walang interes sa kasunduang ipauupa niya ang apartment sa kanila nang libre sa loob ng isang taon.

Napag-alaman ng mga nauna nating binanggit na taong nangutang kay Eva ang kanyang ginawa . Kinumbinse siya ang mga ito na muli silang tulungan at nangakong magbabayad sa kanya kapag sila ay kumita. At gaya ng dati, para bang na-hypnotize ng mga ito si Eva at pumayag naman siyang tulungan ang mga ito. Masyadong kumplikado ang kuwento ni Eva at puputulin ko na sa puntong ito dahil ang kasalukuyan niyang problema ay wala nang kaugnayan sa mga tinatalakay nating detalye.

Sumulat sa akin si Eva upang hingin ang aking tulong na makakuha siya ng isang malakihang utang para mabayaran ang lahat ng kanyang pagkakautang nang hindi nalalaman ng kanyang asawa. Ikinalulungkot kong wala akong maisip na paraan para makahiram siya ng pondo kung hindi ipagbibigay-alam sa asawa ang kanyang gagawin. Hindi ko pa rin maunawaan kung paano siya nakakautang sa bangko gamit na kolateral ang kanilang bahay at lupa na hindi hinihingi ang pagsang-ayon ng kanyang mister. Labag ito sa batas. Lahat ng pautang sa mag-asawa ay kailangang pirmahan at aprubahan ng mister at maybahay.

Ano ang mga aral na matututunan sa mahabang kuwentong ito ni Eva?

1). Una, hindi mo maaaring maibahagi ang anumang bagay na wala ka. Gustong makatulong ni Eva sa kanyang mga kaibigan hanggang sa puntong isakripisyo niya ang kinabukasan niya at ng kanyang pamilya.

2). Usapang pangpamilya ang pera. Itinago ni Eva sa kanyang asawa at mga anak ang lahat ng kanyang mga transaksiyon. Hindi ito mainam lalo pa at nalagay sa alanganin ang kanyang pamilya dahil sa kanyang mga desisyon.

3). Ang kasakiman ay nagtutulak sa ating kumilos nang pabigla-bigla at walang pag-iingat. Dapat ay naging kuntento na si Eva sa kanyang kinikita at hindi na pumasok sa mga negosyo at transaksiyong walang katiyakan.

4). Pag-aralang tanggapin ang pagkatalo at humanap ng paraan para makaangat muli. Ang pamumuhunan sa isang hindi kumikitang negosyo ay “pagtatapon at pagsasayang ng salapi.”

5). Pinakahuli, matutunang sumagot ng “HINDI.”

Leave a Reply

Your email address will not be published.