May nagtanong tungkol sa suliranin ng ating mga kababayan tungkol sa pabahay. Ano ang dahilan kung bakit marami ang hindi nakapagbabayad ng buwanang hulog o amortization?
Mayroong ilang kadahilanan na sa aking palagay ay sanhi ng pagkabigo ng iba na maipagpatuloy ang pagbabayad ng hulog sa biniling ari-arian.
Una, hindi talaga nila kayang bayaran ang biniling ari-arian. Hindi nila marahil lubusang naunawaan at pinag-aralan ang kakaharaping pagbabayad na nakapaloob sa pinirmahang kontrata. Posibleng may pera silang pambayad ng downpayment pero hindi nila naisip ang tunay na gastusin para sa mga dokumento, buwis at interes. Anumang pagbabayad nang hulugan o installment ay isang transaksiyon ng pangungutang. At anumang utang ay tiyak na may patong na interes.
Hinayaan nilang makumbinse sila na lubha nilang kailangan ng sariling bahay na kung tutuusin ay hindi pa nila kayang bilhin. Ang totoo, may mga kamag-anak na nagsasamantala para makatira nang libre lalo na kung ang bumili ng bahay ay nagtatrabaho sa ibang bansa.
Maaaring bigla silang nawalan ng hanap-buhay at wala nang regular na kita para maipagpatuloy ang pagbabayad o di kaya ay nagkaroon ng malubhang sakit na kinailangang pagkagastusan ang pagpapagamot.
Umasa silang matapos makabayad ng paunang hulog (downpayment) ay magagawa nilang paupahan ang bahay o ipagbili ito nang may tubo bago pa man dumating ang panahon ng buwanang paghuhulog.
Binili nila ang bahay kahit pa ang kanilang pamilya ay nanatili pa ring nakatira sa kasalukuyang tirahan. Siguro ay nakalimutan nila na ang tinitirhan nilang bahay ay mangangailangan din ng pagkukunpuni at pagmamantine na makakaapekto sa kanilang budget.
Ang isang panghabambuhay na pangarap ang pagkakaroon ng sariling bahay. Tunay ngang maganda ang pagnanais na makamit ito lalo na sa mga wala pang sariling tirahan. Ngunit dapat ay maging responsable ang sinumang nagbabalak na abutin ang pangarap na ito. Mayroon din hindi nakukuntento. May sarili nang bahay ay gusto pa ng mas malaki at mas maganda. Bagama’t walang masama rito, dapat ay masusing pag-aralan ang lahat ng aspeto.
Sinumang hindi makapagbabayad ng buwanang hulog ay mapapatawan ng multa at karagdagang interes maliban pa sa regular na interes nito. Hindi magtatagal ay lolobo ang pagkakautang hanggang sa hindi na ito kayang bayaran.
Sa mga taong nasa ganito nang sitwasyon, huwag agad susuko at pag-aralan ang problema. Kuwentahin kung kaya mong habulin at bayaran ang mga naipong monthly amortization na di nahulugan. Subukang makipagnegosasyon sa developer kung maaari nilang alisin ang ipinataw na multa at dagdag na interes. Humanap din ng mga posibleng bibili ng bahay kahit pa sa mas mababang halaga. Mas mainam na ito kaysa mabalewala ang lahat na naunang ibinayad.