And sagot ay OO.
Tuwing nagbabayad sa PhilHealth, para ka na ring nag-iipon dahil ang iyong kontribusyon ay ang iyong medical insurance premium. Dahil dito, naiibsan ang iyong gastusing medikal kapag nagpagamot kapag na-confine sa ospital. Importante na malaman ang mga dokumento na hinihingi ng ospital upang kilalanin nila ang iyong PhilHealth coverage. Siguraduhin rin na isumite agad ang mga dokumento isang araw bago mag-check-out. Kung hindi, maaring matagalan pa bago makapag-check-out. Tandaan na bawat oras na inilagi sa ospital ay nagpapalaki ng gastusin kaya’t siguraduhing makakalabas kaagad sa oras na pumayag ang doktor. Ang kanilang website ay www.philhealth.gov.ph .
Tuwing nagbabayad sa Pag-ibig, binibigyan mo ng pagkakataon ang sarili na magkaroon ng sariling bahay sa mas mababang halaga. Maraming mga real estate developers ang may kasunduan sa Pag-ibig kaya’t ang iyong loan para sa bahay ay agarang ihahain sa Pag-ibig, kung nasa ayos ang iyong mga dokumento. Ang interest rates ng Pag-ibig ay nasa 6% para sa mga loans hanggang P400,000, 7% para sa mga loans sa pagitan ng P400,000 at P750,000, at 10.5% naman para sa mga loans sa pagitan ng P750,000 at 2 milyong piso. Maaring mag-alok ng in-house loan facilities (o sariling sistema ng pautang) ang ilang developers habang ang iyong Pag-ibig loan ay inaayos pa lamang. Intindihin nang maigi ang mga patakaran ng Pag-ibig dahil kapag hindi naaprubahan ang Pag-ibig loan, baka mapilitan kang tumungo sa in-house loan facilities ng mga developer o kaya’y sa mga commercial loan facilities (gaya ng mga bangko)… ngunit parehong mas mahal ang dalawang ito kaysa sa Pag-ibig. Ang website ng Pag-ibig ay www.pagibigfund.gov.ph.
Tuwing nagbabayad ka sa Social Security System o SSS, unti-unti kang naghahanda para sa iyong pagreretiro. Bukod pa riyan, nagbibigay ang SSS ng salary, emergency, calamity loans pati na rin ng loans para sa pabahay at negosyo. Maaari ring makinabang sa mga benepisyo para sa karamdaman, pagbubuntis, kapansanan, kamatayan, at libing. Ang website ng SSS ay www.sss.gov.ph.
Mahalagang kunin ang mga sertipiko o katibayan ng mga kontribusyon sa Philhealth, Pag-ibig, at SSS. Dahil kapag bumitiw ka sa iyong kumpanya, maaring hindi mo ito mapakinabangan sa panahon ng pangangailangan. Nagbibigay ang mga kumpanya ng mga sertipiko at kailangan mo iyong itago kasama ang mga mahahalagang dokumento.