Sir:
Tumatanggap ako ng Php10,000.00 kada buwan pero laging akong nagkaka-deficit.
Paano ako makakapagsimula ng magandang negosyo? Sana po’y mapayuhan ninyo ako.
Salamat,
Jojo
Ang aking sagot:
Si Jojo ay may planong umaasa sa himala. Mukhang iniisip ni Jojo na maiiwasan ang deficit kapag nagkaroon na ng magandang hanapbuhay. Pero sa totoo lang, hindi ka makakagawa ng magandang negosyo kung may deficit spending ka. Kaya, ang unang hakbang ay wakasan ang deficit spending at magsimulang mag-ipon. Tandaan and unang Utos tungo sa pinansiyal na kalayaan: “Bayaran mo muna ang sarili mo” (“Pay yourself first”). Ang formula nito ay: INCOME – SAVINGS = EXPENSES. Hindi ka magkakaroon ng deficit kung susundin mo ang formula na ito, dahil ang gagastusin mo lamang ay ang perang matitira matapos mong itabi ang iyong SAVINGS… ang siyang mismong binayad mo para sa iyong kinabukasan.
Nakakasabik isipin na magsisimula ka ng bagong negosyo. Mainam na manatiling positibo ang pananaw, at hugutan ng inspirasyon ang mga kuwento ng mga matatagumpay na negosyo. Naiisip mong ikaw rin ay tiyak na magtatagumpay. Siyempre, maaari kang magtagumpay. Pero kailangang maunawaan mong may panganib ang pagsisimula ng negosyo. Ayon sa statistics, mas konti pa sa 20% ang nagtatagumpay matapos ang limang taon. Kailangang maging handa na dumanas ng maraming pagsubok bago magtagumpay. Bukod pa riyan, hindi ka maaaring magnegosyo nang walang kapital.
Habang pinag-iipunan mo ang iyong kapital, maaaring may mga nabili kang bagay sa pamamagitan ng cash o credit. Kailangan mong malaman ang tumpak na halaga ng iyong assets at liabilities (SAL and PIES). Kumonsulta sa Pera Palaguin Workbook. Pagkatapos nito, gumawa ng ng financial plan. Kung may utang ka, lalo na iyong utang sa credit card, gumawa ng paraan na makaalis sa pagkakautang. Ngunit maaaring huwag munang bayaran ang utang na iyon kung ginagamit ang mga utang na iyon sa mga kabuhayan na kumikita ng mas mataas sa halaga ng interes ng mga utang.
Isang mahalagang paalala: Upang tumaas ang chansa ng tagumpay, pagtuunan ang mga negosyong talagang nauunawaan mo. Ituon ang negosyo sa iyong interes, kakayahan at talento. Huwag umasa sa kakayahan ng iba. Kung may ideya ka na ng isang negosyo, pag-aralan iyon sa lalong madaling panahon. Maaari kang pumasok sa mga pormal na klase, o di kaya’y matuto sa ilalim ng isang eksperto sa isang katulad na negosyo. Kung mas bata ka, mas malaki ang chansang mahanap mo ang direksyon na angkop sa iyo.
Samantala, maaari kang mag-invest upang lumago ang iyong pera. Sumulat sa info@colaycofoundation.com upang makakuha ng mga pagpipilian.