Isa sa pinakamadalas itanong sa akin ay, “Magkano ba ang dapat kong itabi?” Para sa akin, dapat ay 20 porsiyento. Kung matatandaan ninyo, ang financial equation na parating itinuturo sa atin dati ay:
ANG KINITA MO – MGA GASTUSIN = PERANG DAPAT ITABI
Mali ito! Kaya nga ngayo’y pinalitan na ng:
MGA GASTUSIN – KINITA MO = UTANG MO!
Mas lalo pang lumala!
Ang TAMANG EQUATION ay:
ANG KINITA MO – PERANG DAPAT ITABI = MGA GASTUSIN
Dapat kang magtabi ng 20 porsiyento ng iyong buwanang kita bago mo ito gastusin. Malamang sasabihin mong hindi mo kaya, na kulang ang iyong kinikita. Ngunit ‘di mo ba napapansin na kapag kumikita ka nang malaki-laki — halimbawa, P15,000 sa isang buwan — kadalasa’y nagagastos mong lahat, ngunit kapag mas maliit ang iyong kinita — halimbawa, P10,000 lamang — napipilitan kang pagkasyahin ito sa iyong mga pangangailangan? Ang ibig sabihin, kaya mo naman talagang magtabi ng 20 porsiyento (o higit pa) at pagkasyahin ang natitirang 80 porsiyento. Sa ganitong paraan, mapipilitan kang mamuhay nang nakabagay sa iyong kinikita — mapipilitan kang bawasan ang mga gastusing hindi naman talaga kailangan. Ituring mo na lang ang 20 porsiyentong ’yan na bayad sa iyong sarili, na gagamitin mo para mapaghandaan ang iyong kinabukasan.
Ang kalahati ng 20 porsiyentong itinatabi mo (10 porsiyento) ay dapat mong ipunin hanggang umabot sa halagang katumbas ng anim na buwan mong sahod. Ito’y dapat mong ilagak sa mga financial instrument gaya halimbawa ng government bonds na wala ganoong risks at kumikita nang higit sa ating inflation rate na 7 porsiyento. Ang natitirang 10 porsiyento nama’y pambayad sa life at medical insurance premiums at long-term savings plans gaya ng pension plans.
Kapag nakasanayan mo nang mag-ipon, masasabing sinusunod mo na ang “Unang Kautusan” para makamit ang “Kalayaan sa Kakapusan”: “Bayaran mo muna ang sarili mo!” Sa kalaunan, ang 20 porsiyentong itinatabi mo ay lalago. Kapag nangyari ’yan, mas mabilis mo nang maaabot ang iyong mga pangarap. Mahirap ngang simulan, pero kapag nagawa mo, magugulat ka kung gaano kabilis lumaki ang pera mo. Basta’t huwag na huwag mong gagalawin ang iyong ipon at mga ipinamuhunan.
Ang naitatabi mong P10 kada araw o P300 kada buwan ay maaaring kumita sa annual rate na 12 porsiyento, basta’t nai-invest mo ito nang maayos. Kung hindi mo ito gagalawin at hahayaan mo lang lumago, magkakaroon ka ng P66,600 sa loob lamang ng sampung taon. Sa halagang ‘yun, P36,000 lang talaga ang iyong naipon. Ang ibig sabihin, halos dodoble ang pera mo.
Kung maipagpapatuloy mo ito ng sampu pang taon, o makapag-iipon ka pa ng P36,000 sa loob ng 120 na buwan, magkakaroon ka ng P273,400. Ang ibig sabihin, ang naipon mong P72,000 sa loob ng dalawampung taon ay lalaki ng halos apat na beses.
E, paano kaya kung kumita ang naipon mo ng 20 porsiyento kada taon, imbes na 12 porsiyento lang? Kung gayon, ang P300 na naitatabi mo buwan-buwan ay lalago at magiging P101,700 sa loob ng sampung taon, P731,700 sa loob ng dalawampung taon, P4.6 milyon sa loob ng tatlumpung taon, at P28.8 milyon sa loob ng apatnapung taon. At ano nga ulit ang kailangan mong gawin para makamit ang ganito kalaking kayamanan? MAG-IPON AT MAG-INVEST NG P300 LANG KADA BUWAN!
___________________________________________
Inaanyayahan ng Colayco Foundation ang lahat na makisado sa mga sumusunod na seminar:
PISObilities: Wealth Within Your Reach
July 7, 9am-12nn, Pasig City
INVESTability: Mutual Funds
July 7, 2pm-5pm, Pasig City
Contact 6373731, 5024590, 09178088857 or email renzie@colaycofoundation.com for inquiries and to avail of our early bird discount.
Very well said!
thanks for the tips . . .
OK and Thanks,
email me for your other valid concerns
tata.cfe@gmail.com