Makabuluhang PANGUNGUTANG: Ang Ating Paningga sa Kasaganaan
A guest post by Financial Wellness Advocate Melchor V. Cayabyab
“Give me a lever long enough and I could move the world.” – Archimedes.
Ang “pingga” o lever sa ingles ay mga kasangkapan na nagagawang pagaanin ang anumang bagay, gaano man ito kabigat, na nais nating ilipat, iangat o di kaya ay kuhanin. Dahil sa paggamit nito, mas nagiging mabilis at mas marami ang ating nagagawa.
Sa ating pang-araw-araw na buhay, ang pingga ay ang mga tulong na nakukuha natin mula sa ibang tao, samahan o maski sa pag-unlad ng teknolohiya na nagpapagaan at nagpapataas ng kalidad ng ating pamumuhay. Ito ang ating mga paningga o leverage na ating ginagamit upang pagaanin ang ating buhay.
Sa usaping pinansyal, ang paningga ay ang mga ginagamit natin upang mapabilis ang pagpapalago ng ating salapi. Ito ang makakatulong sa atin para makapagsimula ng negosyo o di kaya ay mamuhunan sa kabila ng kakulangan ng ating impok at ari-arian. The concept of leverage is all about achieving ever more with ever less.
Pangungutang Bilang Paningga
Isa sa mga pwede nating magamit bilang paningga sa ating buhay-pinansyal ay ang pangungutang. Ito ang paghiram ng pera ng ibang tao para ipantugon sa ating ninanais gawin. Sa pamamagitan nito ay nagagawa nating alpasan ang usapin ng kakulangan ng salapi. Ito ang ginagamit ng mga negosyante upang magsimula at/o palawakin ang operasyon/produksyon ng kanilang negosyo upang magkaroon ng mas malaking kita. Ika nga nila “kung wala kang sapat na pondo at may magandang ideyang pagkakakitaan ay gamitin ang pera ng ibang tao.” Subalit …tulad ng iba pang paningga, ito ay “double-edged sword” . Makakatulong ng malaki kung tama ang diskarte subalit ilulugmok tayo nito kung magiging mali ang ating paggamit tulad ng karanasan ng maraming lubog sa kumunoy ng pagkakautang.
Makabuluhang Utang
Upang maiwasan ang panganib ng pangungutang bilang paningga ayon sa personal finance expert na si Francisco Colayco ay mahalagang maunawaan ang konsepto ng GOOD DEBT at BAD DEBT.
Good Debt: Ang pagkakautang kung ito ay ginagamit sa pagtatayo at pagpapalawak ng negosyo, pamumuhunan o anumang gastusin na makapagpapataas ng ating kita. Sa madaling salita, ito ang utang na ginagamit upang palaguin ang ating yaman. Mangyayari lamang ito kung ang kikitain sa paggamit ng pera ay mas mataas kaysa babayarang interes sa inutang na pera.
Bad Debt: Ito naman ang inutang na ginamit sa karaniwan, buwanang gastusin at mga luho ng hindi dahil sa emergency. Pinakamasama rito ang inutang para ipantustos sa luho, pambili ng mga gadgets para makasabay sa uso at iba pang kahalintulad. Hindi na nga nakapag-ambag sa pagpapalago ng ating yaman, ilulugmok pa tayo nito sa pagkakautang na kumakain ng malaking bahagi ng ating kita. Ang dulo, magiging siklo (cycle) sa atin ang pangungutang. Mangungutang para ipantustos sa nawala sa atin bunga ng pagbabayad utang at mangungutang para ipambayad utang.
Mga Paalala sa Pangungutang
1. Piliting magbayad lagi ng cash. Tandaan na ang interes na babayaran ay karagdagang gastos dahil bawat pangungutang ay may kaakibat na bayaring interes. Manghiram lamang kung kailangan.
2. Huwag na huwag mangungutang para sa luho.
Walang masama sa panghihiram ng pera. Nagiging mali lamang ito kapag ito ang hiniram ay hindi nakapaglilikha ng karagdagang kita. Pinakamali kung ipantustos lamang sa luho.
3. Mangutang lamang ng kayang bayaran. Bago mangutang, alamin muna kung kakayaning bayaran ang obligasyon (prinsipal at interes) ng hiniram na pera. Never assume that you will always have your present job. Kapag nalubog kasi tayo sa utang ay malalagay sa alanganin ang ating reputasyon at nagiging masikip ang mundo natin sa kaiiwas sa ating mga inutangan.
4. Huwag paabutin na 30% ng inyong buwanang kita ay mapupunta lamang sa pambayad utang. Ayon sa mga eksperto, sobra na ang pangungutang kung lalagpas sa 30%. Magiging mahirap ng matugunan ang ating mga pangangailangan. Malaki ang panganib na mabilanggo sa siklo ng pangungutang.
5. Piliin ang utang na may pinakamababang “effective interest rate”. Mahalaga na malaman kung paano kinokompyut ang interest ng ating inutang. Posible kasi na hindi pareho ang interest rate na sinasabi sa iyo sa aktwal na interest (effective interest rate) na babayaran. Mas mataas ang effective interest rate kapag ibinawas kaagad ang interest sa matanggap na halaga ng inutang. Piliin din ang interest on amortizing principal – ang interest ay nakabatay sa balanse ng prinsipal sa buwan.
Iilan lamang ito sa mga paalala ko tungkol sa wastong pag-gamit ng utang. Gamitin ang ating mga paningga upang makamit ang kasaganaan! Para sa dagdag na kaalaman, samahan kami sa July 7, 2012 para sa Pisobilities: Wealth Within Your Reach seminar.
Melchor V. Cayabyab is an educator, an entrepreneur, and a Financial Wellness Advocate of Colayco Foundation. He has been teaching economics for more than ten years now. He was awarded the “Most Outstanding Teacher of Manila” in 2003. As an entrepreneur, he is a successful distributor of different food supplements. Last year, he established “AHON SA KAHIRAPAN”, a micro-lending cooperative that aims to lend money with very low interests and at the same time help its members learn how to manage their finances properly.