PAG-IIMPOK: Ang Ating Puhunan sa Kasaganaan

Ni Melchor V. Cayabyab
                   Gaano man kalaki ang kita natin sa ngayon ay mauuwi din ito sa wala kung hindi tayo magiging masinop. Marami ng patunay dito. Mga artista na sumikat na kumita ng milyones na ng malaos ay balik sa paghihikahos. Mga nanalo ng jackpot sa lotto na matapos ang ilang taon ay balik sa isang kahig, isang tukang pamumuhay! Nasaan ang pagkakamali? Ang pagkakamali ay wala sa kung gaano kalaki o kaliit ang ating kinita kundi kung paano pinamamahalaan ang ating buhay pinansyal partikular sa pag-iimpok. Ito ang pagtatabi ng ilang bahagi ng ating kita para sa hinaharap.
 
Bakit kailangang mag-impok?
             May tatlong pangunahing dahilan ayon sa financial expert na si Francisco Colayco. At upang matugunan ito ay kailangang mapunuan ang tatlong sisidlan: proteksyon, hangarin sa buhay at pagreretiro.
             Pag-iimpok para sa proteksyon sa buhay. Walang kasiguruhan ang buhay kaya nga kailangan paghandaan ang mga hindi inaasahan tulad ng kalamidad, sakit, pagkabaldado, pagkamatay o kahit ang simpleng pagkawala ng trabaho. Kabilang na dapat pinag-iipunan ay ang emergency fund na katumbas ng isang buwang kita, cash reserves na katumbas ng anim na buwang kita at iba’t-ibang insurance depende sa pangangailangan . Ilan sa atin ang mayroon nito? Kung wala tayo nito, magiging mahirap sa atin kapag may biglaang pangyayari! Mahihirapan tayong makabawi at makabangon.  
            Pag-iimpok para sa mga hangarin sa buhay. Motibasyon ito ng marami, ang makapag-ipon para sa mga hangarin natin sa buhay tulad ng edukasyon ng ating mga anak,  magandang bahay, kotse, pagbabakasyon at iba pa. Mahalagang matamo ang mga hangaring ito bilang bahagi ng ating fulfillment sa buhay. Ganunpaman ay sekundaryo ito kung ito sa ating protection fund at kung maaari ay manggagaling sa ating passive income.
           Pag-iimpok para sa ating retirement. Habang pinupunuan ang sisidlan ng proteksyon at hangarin sa buhay, mahalagang nagtatabi din para sa ating retirement. Ito ay paghahanda sa panahon na hindi  na natin kakayaning magtrabaho. Tinatayang 85% ng nagreretiro sa Pilipinas gaano man kalaki ang kinita  ay  walang sapat na impok para ipantustos sa kaniyang mga pangangailangan para sa natitira pa niyang buhay. Hindi sapapat ang makukuha sa SSS o GSIS. 
           Mas maagang magawa ito mas maganda! Mas maaga dahil mas mahaba ang panahon na ito ay mapaghahandaan. Mas maaga para mas  maagang makakapagretiro. Masarap naman na sa panahon na malakas pa tayo ay  nag-eenjoy na ng buhay retirado!  Mas mapapadali ito kung kasabay ng pag-iimpok ay maglalagak sa pamumuhunan. (tinalakay na natin sa naunang artikulo)
 Paano makakapag-impok?
               Madaling sabihin na madaling mag-impok pero ang katotohanan na iilan lamang ang tunay na mayroon nito ang magsasabi na hindi ito nagagawa ng marami. Katotohanan din ito,  maging sa mga  napakalaki ng mga kinikita ng mga nagdaang panahon. Bakit nga ba? Paano magsisimula?
               Tratuhin ang pag-iimpok na OBLIGASYON at HINDI OPTIONAL. Gaano man kaliit o kalaki ang kita ay gawin  ang pag-iimpok na obligasyon sa ating sarili. At dahil obligasyon ay bahagi ito ng ating gastusin  na hindi isinasantabi kung kailan lang naisin  o kung may matitira sa ating kinita. Ito ay gastusin na ipinambibili natin ng ating kasaganaan sa hinaharap.
              Unahing bayaran ang sarili. Ang pag-iimpok ay proteksiyon ng ating sarili. At ang ating sarili ang pinakamahalaga nating yaman kaya dapat unahin ang pagtatabi ng impok sa pagpasok ng kita at anumang tira ay siyang pagkakasyahin. Baliktarin ang nakagawiang pormula  na KITA-GASTUSIN= IMPOK. Gawin itong KITA-IMPOK= GASTUSIN, anumang tira matapos itabi ang IMPOK ay siyang pagkakasyahin.
              Mamuhay ayon sa kakayahan. Sa financial wellness, mamuhay ayon sa kita pagkatapos ibawas ang IMPOK. Kung magagawa natin ito ay inilalapit natin ang ating sarili sa kasaganaan. Kung mamuhay naman tayo ng UBOS BIYAYA at lagpas sa ating kakayahan ay ilulubog nito tayo sa KUMUNOY ng UTANG. Maaari naman ang pana-panahong luho tulad ng pagbabakasyon, pagkain sa labas, panonood ng sine at iba pa dahil kailangan natin ito para i-recharge ang ating mga sarili. Basta ito ay hindi galing sa utang at manggagaling kung maaari sa ating passive income.
 
              Delayed Gratiffication. Madalas kapag kumita tayo ay UBOS BIYAYA. Tandaan kapag lumalaki ang kita, ang tendensiya natin ay gumastos din ng malaki. Dapat kasabay ng paglaki ng kita ay ang paglaki din ng itinatabing impok. Kung maaari ay ipagpaliban ang agarang pagsasaya sa pagdating ng malaki-laking kita. Ang ating naitabi mula sa pagsasakripisyong ito at paglalagak nito sa tamang pamumuhunan ang magdadala sa atin sa kasaganaan! Nagtiis tayo ng  maikling panahon para sa pangmatagalang kasaganaan!
             Magplano at Magbadyet. Planuhin ang mga gastusin ayon sa ating kita. Kung maaari ay suriin ang mga gastusin optional. Magugulat tayo na ang laki ng ating gastusin sa mga ito. Kasunod nito ay pagbabadyet at seryosong pagsunod dito.
            Matutong tumanggi sa mga hindi makatwirang hiling ng mga mahal sa buhay. Kapur-puri ang pagmamalasakit sa mga mahal sa buhay subalit dapat ding isipin ang ating sariling kapakanan at kaligayahan. Tandaan na ang pagtanggi sa hindi makatwirang hiling ng mga kamag-anak ay hindi nangangahuluhugang hindi natin sila mahal kundi nais lamang natin na  masiguro ang ating kinabukasan. At ang katotohanan ay makapagbibigay  lamang tayo kung anong mayroon tayo.Paano tayo makapagbibigay kung sinasaid tayo ng kanilang mga kapritso?
           Turuan natin sila magkaroon ng diskarte at pagtrabahuan kung anuman ang nais nilang mabili. Sa ganitong paraan ay nakapag-impok na tayo ay naturuan pa natin silang manindigan sa kanilang buhay pinansyal.
             Palaguin ang ating impok. Padadaliin ang pagtahak  natin sa  landas ng kasaganaan kung mapapalago natin ang ating impok sa pamamagitan ng paglalagak sa “tamang pamumuhunan”. Anumang lagpas sa kinakailangang emergency at cash reserves fund ay dapat ipinamumuhunan at hindi lamang nakalagak sa simpleng savings’ account. Maiuturing itong tulog na pera kapag ito ay pinabayaan nating maburo sa bangko ng mahabang panahon.
                Kailangan nitong kumita ng lagpas sa inflation rate para hindi malugi. Ang risk ng pamumuhunan na papasukin ay depende sa ating sapat na kaalaman sa pamumuhunan at tagal ng pagreretiro. Mas maagang nag-impok, mas mahabang panahon bago magretiro ay may mas malaki ang pagkakataon na harapin ang risk ng anumang pamumuhunan.   
               Mag-umpisa na! Now na! Bawat pagpapaliban ng pag-iimpok ay pagpapataas ng panganib  na hindi natin marating ang  kasaganaan. Bawat piso na bigo nating maitabi ay napakalaki ng oportunidad na nawawala ! Ito ang oportunidad na kumita  at maagang pagreretiro ng masagana!
Melchor V. Cayabyab is an educator, an entrepreneur, and a Financial Wellness Advocate of Colayco Foundation. He has been teaching economics for more than ten years now. He was awarded the “Most Outstanding Teacher of Manila” in 2003. As an entrepreneur, he is a successful distributor of different food supplements. Last year, he established “AHON SA KAHIRAPAN”, a micro-lending cooperative that aims to lend money with very low interests and at the same time help its members learn how to manage their finances properly.

Leave a Reply

Your email address will not be published.