Galing kay EN, isang OFW.
Gusto po naming humingi ng payo tungkol sa Condotels. Mas maganda ba ang mutual funds kaysa sa condotel? Iniisip naming mag-invest sa isang Tagaytay condo-hotel concept. Nag-alala kami kung tama ba na mag-invest sa condotel o mas mabuti pang sa mutual funds na lang.
Ito ang sagot ko kay EN:
Sana’y alam ninyo na bago pa man magdesisyon tungkol sa kahit anong investment, kailangang repasuhin ang inyong Statement of Assets and Liabilities (SAL) at ang inyong personal na planong pinansiyal. Baka kasi halos lahat ng investment ninyo ay nasa real estate na, kaya naman baka hindi na condotel ang tamang investment para sa inyo. Paano na lamang kung lahat ng inyong pera ay nasa real estate, at biglang humina ang buong industriya ng real estate? Mas mainam kung balanse ang inyong portfolio, para balanse rin ang mga panganib.
Posibleng parehong magandang investments and Mutual funds at condotel, depende sa inyong layunin sa pag-iinvest. Kailangang pag-aralan pareho nang mabuti. Pinakamainam ang Mutual Funds para sa mga regular na nag-iipon at nag-iinvest sa loob ng mahabang panahon. Kumikita ang investor kapag binenta ang shares sa halagang mas taas kaysa noong binili niya ang shares. Kapag nag-invest naman sa Condotel, posibleng tumaas din ang halaga ng condo units, pero nakadepende talaga ang kita sa dami ng mangungupahan o gagamit sa mga unit. Sa kasong ito, nakadepende ang tagumpay ng Condotel sa ilang espesipikong bagay gaya ng kalidad ng pagkakagawa sa condotel, serbisyo, lokasyon at dami ng kliyente. Samantalang nakadepende naman ang tagumpay ng mutual fund sa capital market o sa ekonomiya ng buong bansa.
Tatalakayin uli sa mga susunod na artikulo ang maganda at hindi magandang katangian ng pag-iinvest sa condominium, mutual funds, at ang sarili naming condotel project upang bigyan kayo ng ideya sa mga pwedeng pagpilian.
Malaki ang pinagkaiba ng Mutual Fund sa Condominium dahil ang Condominium ay hindi agad pwedeng ibenta anumang oras at gawing cash. Samantalang pwedeng ibenta ang mutual fund kahit kailan. Nakatali ang iyong pera sa condominium sa loob ng mahabang panahon, magtagumpay man ito o hindi. Kahit na maging maganda ang kinalabasan, kailangan ng panahon para maibenta ito gaya ng karaniwang real estate. Sa kabilang banda, madaling gawing cash muli ang mutual fund shares, kahit kumita ka man o hindi. Kung nagmamadali kang matutunan ang mutual fund, may mga seminar kaming pwede mong salihan kung gusto ninyong matutunan iyon sa ganoong paraan.
Kapareho ng aming proyekto sa KskCoop ang nabanggit mong proyekto sa Tagaytay – isang kombinasyon ng Hotel at Condominium. Medyo mas kumplikado ang pag-invest sa condo-hotel kaysa sa karaniwang condominium. Pinapasan mo ang panganib ng pag-iinvest sa condo at sa hotel. Mas mainam na patakbuhin ang hotel ng mga taong may karanasan. Siyempre matuturing din na hotel ang mga maliit na “bed and breakfast inn”. Pwede itong patakbuhin ng kahit sino basta’t maayos ang pamamahala sa bahay. Pero ang binanggit mong hotel ay isang totoong hotel. Sa aking pagkakaintindi, ginagawang hotel ang buong condominium. Kung kaya, ipaparenta ng hotel management ang mga unit na pag-aari ng mga indibidwal na investor. Hindi ako pamilyar sa espesipikong Tagaytay Condotel na nabanggit mo pero may sarili kaming kaparehong proyekto na kasalukuyang isinasagawa na ng KsK Coop.
Bumisita sa www.kskcoop.com, mag-email sa kskcoop@colaycofoundation.com o tumawag sa 631-4446 para sa karagdagang impormasyon