Mga Uri ng Gastos na Nagdudulot ng Utang (Part 1)

Unang lumabas sa Bulgar noong ika-9 ng Hunyo, 2012

Maraming tao ang gumagastos sa paraang nagdudulot ng utang. Ibabahagi ko sa inyo ang ilang kagawian sa paggastos na nagiging dahilan kaya nagkukulang sa cash ang mga tao at napipilitan silang mamuhay sa credit card o kaya’y mabaon sa utang sa credit card. Sa pag-analisa sa mga kagawiang ito, bibigyang-diin ang mga prinsipyo na matagal ko nang ibinabahagi sa mga nagdaang taon. Basahin ang mga sumusunod at isipin kung paano iwasan ang mga ito.

1.)    Bonus – Sabihin nating nakatanggap ka ng bonus na P10,000.00 Ano ang gagawin mo dito? Maraming tao ang hindi lamang ito uubusin. Sa totoo lang, gagamitin pa nila ito bilang downpayment para sa isang mahal na bagay. Sa kasamaang palad, kadalasan ay higit pa sa kanilang budget ang installment ng bagay na iyon. Karaniwan, sapat lamang dapat sa regular na gastos ang iyong budget . Hindi dapat magdagdag sa iyong regular na gastos kung wala namang permanenteng dagdag sa iyong kita. Hindi regular na kita ang bonus. Pagkatapos mo ito tanggapin, wala nang parating sa hinarap.

Kung gagawa ka ng budget para sa iyong regular na kita at gastusin, lalong dapat na pagplanuhan kung paano gagamitin ang bonus. Tandaan ang unang prinsipyo na Bayaran Muna ang Sarili (“Pay Yourself First”). Hinihikayat ko kayo na sundin ang formula, Kita bawas Ipon = Gastos (“Income minus Savings = Expenses”). Ang bonus ay income din kaya dapat pa ring sundin ang formula. Itabi ang 10-20% ng bonus bilang savings.

Pwede mo ring gamitin ang kaunting bahagi ng bonus para malibang ang iyong sarili at pamilya. Pero siguruhin na hindi ito masyadong mahal at angkop sa antas ng iyong kita.

Kausapin ang iyong asawa at/o pamilya tungkol sa bonus. Ano ang mga priyoridad ninyo na dapat pagtuunan ng pansin para masulit ang bonus? Dahil limitado lang ang halagang ito, huwag magkakamaling isipin na pwede niyong gamitin sa isang uri ng gastos na posibleng humigit pa kaysa sa kaya ninyo. Baka mas makabuti kung gamitin na lang iyon sa mga regular na gastusin, o kaya’y ilagay iyon lahat sa savings.

Ang bonus lamang ang karagdagan income na matatanggap mo. Maliban na lamang kung makakuha ka ng salary increase, wala kang karagdagang pera na ipambabayad sa mga regular na installment payments. Huwag kailanmang bumili ng mga bagay na may regular na installment payments na hindi mo kayang panindigan.

(itutuloy)

Leave a Reply

Your email address will not be published.