Mga Uri ng Gastos na Nagdudulot ng Utang (Ikalawang Bahagi)

*Unang lumabas sa Bulgar, noong Hunyo 14, 2012

Ang mga tukso na hindi naaayon sa iyong pinansiyal na layunin ay isa pang kagawian na posibleng magdulot ng utang. Tandaan na lagi kong pinapayo na gumawa ng Statement of Assets and Liabilities (SAL) para malaman nang eksakto kung nasaan ka ngayon sa iyong buhay pinansiyal. Lalo ninyong mas maunawaan ang kahalagahan ng SAL kung sabihin ko sa inyong pareho lang ito sa SALN (Statement of Assets, Liabilities and Net Worth) na laging nababanggit noong impeachment hearings ni Chief Justice Corona.

Kailangan mo ring gumawa ng Budget Forecast na nagpapakita ng iyong kita, ipon, at gastos (Income – Savings = Expenses). Kapag alam mo na ang iyong Budget, at iyong SAL, pwede mo nang gawin ang iyong Personal Financial Plan na siyang nagsasabi kung magkano ang perang kailangan mong makamit sa isang espesipikong panahon sa hinaharap. Kasama rin dapat sa iyong plano kung paano mo ii-invest ang iyong savings para lumago ang iyong SAL. Kapag regular mong ginawa ang iyong SAL nang hindi bababa sa 2 beses kada taon, maiintindihan mo kung lumalago ba ang iyong kayamanan o hindi.

Napakaraming tukso na magiging dahilan para makalimutan mo ang iyong mga layuning pinansiyal. Karamihan sa mga tuksong ito ay galing sa iyong mga kamag-anak, kaibigan, at kapitbahay na hindi nagplaplano para sa kanilang pinansiyal na kinabukasan. O kaya naman, mas malaki ang kita nila kaysa sa iyo kaya kumpara sa iyo, mas malaki ang ang natitira nilang pera para sa mga regular na gastusin.

Ang binyag ay isa pang halimbawa kung saan nagkakaiba ang pananaw ng mga tao. May ilang nagsasabi na dapat malaking pagdiriwang ang binyag dahil isang beses lang ito nangyayari sa buhay ng binibinyagan. Mas ipinagdidiwang ito lalo na para sa panganay na anak. Kapag nagpasya kayo ng malaking pagdiriwang, magbibigay ng suhestiyon ang mga kamag-anak at kaibigan tungkol sa espesyal na damit pang binyag, lugar na paggaganapan, at iba pa. May kaakibat na gastos ang lahat ng ito, at makakabawas pa sa ipon mo. Hindi man lang mag-eenjoy o malalaman ng iyong baby kung ano ang nangyayari, baka nga hindi pa siya maging kumportable sa kaguluhan. Imbes na gumastos nang malaki sa binyag, ang perang matitipid ay pwedeng gamitin na lamang para magbukas ng savings plan para sa inyong anak. Mas mag-eenjoy pa siya dito sa panahanong kailangan niya ito.

Pipillin ng mga taong may disiplinadong pananaw ang isang simple at tahimik na binyag. Hindi kailangang sumunod sa gusto ng mga kamag-anak at kaibigan. Kahit na magbigay sila ng pera para sa binyag, pwede mo na lang itabi ang pera bilang ipon para sa bata. Pero siyempre, baka hindi sila magbigay ng kontribusyon kung walang pagdiriwang. Kung gayon, ikumpara kung magkano ang pagkakaiba ng isang simpleng pagdiriwang laban sa malaking pagdiriwang. Sapat ba o higit pa ang kontribusyon ng mga kakilala para bayaran ang diperensyang ito? Siguro kung tiyak ka na sapat o higit pa ang kontribusyon para pondohan ang karagdagang gastusin ng isang malaking handaan, hindi ka nila matutukso na gumastos nang higit sa iyong budget.

Sumali sa aming mga seminars. Para sa detalye, pasyalan ang www.colaycofoundation.com o tumawag sa 6373731 o 6373741

(Itutuloy)

Leave a Reply

Your email address will not be published.