*unang lumabas sa Bulgar, Hunyo 21, 2012
Magsawalang-bahala na lang kaya!
Marami ang nagsasabing lalong nagiging mahirap ang buhay habang dumadaan ang panahon. Pero siyempre, marami ring magandang pagbabago ang nanaganap sa paligid natin. Pero nagbubulagbulagan ang ilan sa atin sa mga ito. Puro na lang problema ang nakikita nila sa ating bansa at sa daigdig.
Kahit noon pa man, nariyan na ang pesimismo sa mundo. Nagsimula ito sa ahas na siya mismong demonyo ng Hardin ng Eden. Nilinlang ng ahas si Eve na hindi sila magiging masaya kung hindi nila kakainin ang ipinagbabawal na prutas. Sa madaling sabi, nakumbinse sila ng ahas na magsaya habang pwede pa. At ito ang simula ng totoong kalungkutan.
Ngayon, napakaraming problema sa politika na hindi naaayos. Naglipana rin ang panlilinlang sa kalakalan ng mga bangko at pagpapautang. Parang hinihila pababa ng mga politiko ang ating bansa at ang mundo. Posibleng mawalan ng halaga ang ating pera sa hinaharap. Posibleng maglaho ang savings natin kung biglang magsara ang isang bangko. Posible ring mawala ang investment na nakalaan sa pag-aaral ng mga anak natin dahil sa isang stock market crash o dahil sa biglang pagbabago ng patakaran ng gobyerno. Kung ganito lang din naman… bakit pa tayo mag-aabala na mag-ipon at maghanda para sa kinabukasan? Mabuhay sa kasalukuyan. Pagkagastusan alin man ang gusto natin. Ipagsawalang-bahala natin ang kinabukasan.
Mali ang ganoong pag-iisip! Ganoon tumatakbo ang utak ng taong iresponsable. Kapag natutunan niya ang tama, saka niya malalaman na pagbabayaran niya lahat ng maling kagawian niya. Hindi maganda ang record niya sa mga bangko at credit card. Hindi aaprubahan ang car loans niya, home loan, at kahit anong uri ng loan. Magdudusa ang kaniyang kawawang pamilya, at mapipilitan ang kaniyang pamilya na doblehin ang kayod para kumita ng mas malaki.
Sa totoo lang, may ibang paraan. May nabasa ako tungkol sa isang tao na nagpasyang “bitiwan ang pera.” Nabubuhay siya sa pamamagitan ng mga tira-tira ng ibang tao. Namumulot siya ng mga bagay na pwede pa niyang pakinabangan. Nabubuhay siya para lang ipakita na pwede namang mabuhay kahit walang kahit anong materyal na bagay. Sa madaling salita, isa siyang pulubi.
Kung ayaw natin maging pulubi, kailangan nating tingnan ang ating bansa at ang buong mundo bilang isang kalahating baso na malapit nang mapuno, at hindi isang baso na kalahati na lang ay mauubos na. Parehong kalahati lang ang laman ng baso, pero nagkakaiba lang ng pananaw kung mapupuno ba ito o mauubos na. Ang totoo, napakaraming oportunidad sa ating paligid at balang-araw, may kukuha sa oportunidad na ito. Kapag optimistiko tayo, hahanap tayo ng paraan para paunlarin ang ating buhay. At habang pinapaunlad natin ang ating buhay, nakakatulong tayo sa ating maliit na paraan para lalong mapaunlad ang ating bansa.
Kung napagpasyahan mong maniwala na uunlad ang buhay, siguruhin na hindi ka magkakaroon ng malaki at walang silbing utang. Sundin din ang prinsipyo ng pag-iipon at pagpapalago ng iyong yaman.
(itutuloy)