ni: Francisco J. Colayco
Bilang paggunita sa Buwan ng Wika, inimbita akong magbigay ng talumpati sa Kongreso ng Wikang Filipino sa Pamantasang Ateneo de Manila noong ika-20 ng Agosto. Ang aking paksa ay tungkol sa papel ng wikang Filipino para sa maunlad na negosyo. Nasa baba ang nilalaman ng aking talumpati. Nandito rin ang mga slides na ginamit ko: Pambansang Kongreso Ng Wika 82013
Lahat ng mga matagumpay na negosyo ay may tinatawag na ‘Elegant Solution,’ isang panukalang pang-negosyo na masasabing natatangi at makabago kayat mahirap kopyahin o gayahin. Tinutugunan nito ang isang problema o pangangailangan (maliit man o malaki) upang maging matatag ang aspektong pinansyal ng isang negosyo. Ang ‘Elegant Solution’ ay dapat maging simple at madaling maipahayag o mai-communicate – sa investors, mga kasosyo sa negosyo, mga manggagawa, at mga kliyente. Nakasalalay ito sa tiyak at malinaw na paggamit sa wika at sa kahulugang nais ipabatid nito. Ngunit narito rin ang hamon.
Sa loob ng 10 taon, marami nang mga Filipino mula sa iba’t ibang antas ng buhay ang lumapit sa Colayco Foundation upang humingi ng payo at tulong tungkol sa kanilang mga pinansyal na problema at layunin. Sa aming karanasan, napakarami sa mga lumalapit ang hirap magpahayag ng kanilang iniisip o nais sabihin, sa anyong pasulat man o pasalita.
Heto ang isang halimbawa kamakailan lamang: “dmami po ang lending q,nagng 3..isang 35taw,isang 20taw at 18taw arw arw q po hnhulugan un 10odys puwera p s co0p 30o,5,6 q po umb0t s 4,2 5otaw at 2 15taw,kumha po q ng hulgang m0t0r 2870 hul0g a m0nth n2ng oct.12 2o12,e2 pong jan 2013 my nagal0k dn po ng 1m0nth 2 pay pero mas mbba ung interes”
Ang nasa taas ay sipi lamang mula sa isang buong sulat na ginamitan ng ‘text shorthand’ o pagpapaikli gamit ang istilo ng pagsusulat ng SMS. Hindi ito nagtataglay ng istruktura o pagtatangkang isaayos ang mga ideya na gustong sabihin. Mahirap din intindihin at nakalilito ang mga terminong ginamit. Ang mas nakalulungkot, karaniwan ito kahit sa anyong pasalita sa aming mga seminar at iba pang event.
Kung ang mga Filipino, na natural na masipag at masigasig, ay makapagpapahayag lamang ng kanilang saloobin nang mas tiyak at malinaw, siguradong mas maraming oportunidad ang magbubukas. Malaki ang magiging pagkakaiba kung gagamitin ang mga konkretong salita sa pagpapahayag at hindi ang mga hindi malilinaw na salita tulad ng ‘kwan’, ‘yon’, ‘ganyan’, ‘yung ano’, at iba pa. Kung makakaugalian ng mga Filipino ang paggamit ng tiyak na wika at mapanuring pag-iisip, siguradong hindi lamang komunikasyon ang uunlad, kundi pati na ang paraan ng paggawa sa trabaho at pagtupad sa mga tungkulin. Mawawala na ang mga pahayag na, ‘konti lang’ upang sabihin na isang kutsarita lang ang kailangan, ‘malayo pa’ upang magbigay ng direksyon sa isang tindahang 10 kilometro ang layo, o ‘sandali lang’ upang sabihing tatagal lang ng limang minuto ang paghihintay.
Tanggalin na natin ang mga terminong ‘puwede na’, ‘medyo’ – mga pahayag na walang katiyakan na maaaring tanda ng hindi mapanuring pag-iisip at hindi pagpapahalaga sa pisikal na nangyayari. Kung magtatanong ng direksyon sa kalye, makakarinig ng mga “Banda doon sa dulo ng kantong ‘yon, tapos kumanan ka.” Di tulad sa ibang lugar, kapag nagtanong ng direksyon, may tutugon ng “Dumiretso ka ng 200 metro, kumanan ka, dumiretso muli ng dalawang kilometro (mga 25 minutong lakad o dalawa hanggang tatlong minuto kung naka-kotse). Siguradong marami pang ibang halimbawa.
Himukin natin ang mga Filipino na sanayin din ang kanyang paggamit sa wika, hindi lamang hanggang sa antas upang makaraos sa pang-araw-araw na pamumuhay, kundi para rin maging epektibo sa lipunan ang kakayahang niyang ito. Higit pa sa ordinaryong salita, anyo, o pagbikas – hayaan natin ang wika upang maging daan sa mapanuring pag-iisip, malinaw na pagpapahayag, at organisadong paggawa. Sa kalauna’y siguradong hindi magiging mahirap ang pagbabahagi sa ‘Elegant Solution’ at lalaki ang posibilidad na makakuha ng suportang pinansyal, teknikal, at pangangasiwa, upang makamit ang mga mithiin at pangarap para sa isang maunlad na negosyo.