ni: Francisco J. Colayco
Unang lumabas sa Bulgar noong Oktubre 6, 2012
Tinanong ako minsan:
“Sa loob ng maraming taon ng pagtuturo, ano ang tatlong pinakamalaking pagkakamali na madalas na dinadanas ng mga Pilipino pagdating sa pera?
1.) Sobrang paggastos. Walang masama sa paggastos lalo na kung para sa mga pangangailangan. Sa kasamaang palad, ang mga luho o “wants” ang umaakit sa ating gumastos tuwing nagshoshopping. Hindi nakakaganang bumili ng mga pangangailangan na gaya ng karaniwang pagkain (halimbawa: simpleng kanin at ulam). Kaya naman ang mga mamahaling pagkain na hindi masyadong natitikman ang binibili kapag nagshoshopping. Maituturing na itong luho. Nakakatuwa ang mga luho pero sa totoo lang, ito ang magdadala sa atin sa kapahamakan.
Hindi ko mapigilang isipin na nagsimula ito sa panahon pa ni Eba at Adan sa Hardin ng Eden. Nasa kanila na lahat ng kailangan nila pero naakit sila sa nag-iisang bagay na hindi pwede sa kanila. Alam nating lahat kung ano ang nangyari sa kuwento. Iwasan ang tukso na gumastos sa mga bagay na hind naman talaga natin kailangan.
2.) Sobrang pag-utang. Hindi naman masama lahat ng utang. Ang importante ay mabayaran ito. Siguruhin na may kakayahang bayaran ang mga utang. Karaniwang mainam lang umutang kung gagamitin ito para sa mga bagay na pagkakakitaan. Mainam din umutang para mabawasan ang regular na gastos; ang natipid naman ang gagamitin para ipangbayad sa utang. Halimbawa nito ang housing loan. Kung may bahay ka na, ang buwanang amortization na ang babayaran imbes na renta.
Posibleng hindi naman talaga mataas ang “mataas na interes”. Halimbawa, kung hindi ka makakuha ng mababang interes kasi wala kang pwedeng gawing collateral, mukhang mapipilitan kang tanggapin ang interes na mas mataas nang kaunti. Siguruhin lang na mababayaran ang amortization. At isa pa, kailangang gamitin ang utang sa mga bagay na pagkakakitaan o para mabawasan ang ibang gastusin at gamitin ang natipid para ipambayad sa mas mataas na interes.
3.) Walang plano para mapalago ang pera. Kaya, wala ipon. Kapag tayo’y bata pa, hindi natin maisip na tatanda tayo. Matagal pa ang retirement. Walang emergency na mangyayari sa atin. Bata pa tayo kaya kayang-kaya ang “panahon ng tag-ulan”. Pero dahil lang sa isang pagkakamali o isang natural na sakuna, biglang makikita ng mga taong ganoon mag-isip na mali pala ang kanilang akala. Sa puntong iyon, baka masyado nang huli ang lahat para maabot ang mga layunin. Mas masaklap kung maisip nila na napakadali sana kung nagsimulang magplano at mag-ipon nang maaga.
Kung mas maaga paghahandaan ang pagtanda, mas madaling maipon ang sapat na halaga. Kailangan lamang ng tamang pag-iisip at disiplina sa murang edad. Importanteng maintindihan ng mga magulang ang kanilang pinagdadaanan habang lumalaki ang mga anak at turuan sila ng tamang pagpapahalaga.
Baka gusto mo ring ikonsidera ang aming KsKCoop. Sa pamamagitan ng KsKCoop, pwede kang mag-invest sa isang real estate project. Makipag-ugnayan kay Joel Cala. Tumawag sa 631-4446 oo tumawag sa KsK website, www.kskcoop.com.
Magpasyal rin sa www.colaycofoundation.com para sa ibang impormasyon tungkol sa investments at seminar. May seminar kami sa Oktubre 26, 2013. Tawag na sa 637-3731 o 637-3741 para magtanong o magparehistro!