ni: Francisco J. Colayco
Unang lumabas sa Bulgar noong Oktubre 11, 2012.
Paano papayuhan ang ang mga lubog sa napakalaking utang (personal man na utang o utang sa negosyo)? Ano ang karaniwang pinakamagandang gawin kung lubog sa utang o mga pinansiyal na obligasyon?
Sa kasamaang palad, napakaraming tao ang lubog sa utang. Napakaraming tao ang sumusulat sa amin para humingi ng tulong. Base sa mga sulat nila, parang iniisip nilang maaayos namin agad ang problema nila. Nakakalimutan nila na hindi sila nalubog sa utang sa isang iglap lang, kaya naman hindi rin mawawala ang problema nila sa isang iglap. Mahirap na proseso ito at kailangan ng tiyaga at determinasyon para makaahon mula sa mga utang at dapat na simulan ito sa lalong madaling panahon.
Ang utang sa credit card ang karaniwang pinakamalaking pabigat, sumunod lang dito ang lubos na pagkalugi sa negosyo. Parehong nakakapanghina ng loob ang dalawang nabanggit na dahilan pero huwag mawalan ng pag-asa dahil hindi kayo nag-iisa sa ganitong problema.
Ang laging unang hakbang ay alamin kung ano ang iyong kalagayang pinansiyal. Kailangang gumawa ng iyong Statemeng of Assets and Liabilities and Net Worth (SALN). Sa mga libro ko, tinawag ko itong SAL pero pareho lang ito sa SALN, na siyang kailangang isumite ng bawat opisyal ng pamahalaan. Naging matunog ang SALN sa publiko noong panahong nililitis ang ating dating Punong Mahistrado.
Maging obhektibo sa pagsusuri ng mga pag-aari mo. Itanong sa sarili kung alin sa mga pag-aari o gamit mo ang hindi mo naman ginagamit o hindi mo naman kailangan. Huwag magpapaapekto sa emosyon. Kapag sinabing “asset” o mga pag-aari, iniisip agad ng ilan ang kanilang unang relo o unang TV at iba pa. Kahit gaano man kaliit, kung may halaga iyon, may kikitain ka pa rin kung ibenta mo. Gumawa ng plano tungkol sa pagbenta. Siguruhin na determinado kang magbenta. May ilan na ibebenta daw ang mga kanilang mga pag-aari pero biglang magbabago ang isip sa huling sandali. Tandaan na ang mga pag-aari na hindi nagagamit o kaya’y hindi napagkakakitaan ay hindi talaga maituturing na “assets”. Hindi sila makakatulong sa iyong lalo na kung kailangan mo ng cash..
Siguruhing itatabi ang pera. Huwag ito gamitin para igastos sa ibang bagay. Nagbenta ka ng assets para may ipambayad sa mga utang mo, hindi ba? Siguruhin na hindi ka lilihis sa plano.
Tandaan ang G.O.O.D. (Grow Out Of Debt) sa pamamagitan ng DOLP (Dead On Last Payment) ni David Bach. Ibig sabihin nito, gagawin mong priyoridad ang pagbayad sa mga utang mo. Angkop na angkop ito para sa mga taong may maraming credit card. Alamin kung ano ang card na pinakamadali at pinakamabilis na kayang bayaran. Unahin ito. Sa ganitong paraan, mababawasan ang credit cards na nagpapahirap sa iyo. Dahil sa naging matagumpay ang pagbayad mo sa unang credit card na iyon, manunumbalik ang lakas ng loob at kumpiyansa sa sarili kaya naman magiging mas ganado kang mabayaran lahat ng iyong natitirang credit card.
Kung galing naman sa naluging negosyo ang mga utang, ibang klaseng paraan ang kailangan. Pag-usapan natin sa susunod na artikulo.
Magpasyal sa www.colaycofoundation.com para sa karagdagang kaalaman.