Hindi ba talaga likas sa ating mga Pilipino ang pag-iipon at pagnenegosyo, lalo na kung ikukumpara sa ibang mga tao gaya ng mga Tsino? O wala bang epekto ang lahi o lugar sa kakayahan ng isang tao sa negosyo?
Naniniwala ako na kung pag-uusapan ang kakayahang magnegosyo, mas may kinalaman ang kinalakhang kapaligiran ng isang tao kaysa sa lahi niya. Totoong may mga bata na pinanganak na may malakas na personalidad, pero ang mga bata naman na mas mahiyain ay naiimpluwensiyahan pa rin ng mga karanasan nila habang bata pa. Sa tingin ko, nagsisimula nang maging mas mahusay magnegosyo ang mga Pilipino.
Napakalaking bagay ng edukasyon. Dahil sa pagpunta sa ibang bansa para mag-aral, nabuksan ang mga mata ng mga kababayan nating naging negosyante na ngayon. Nakita kasi nila kung ano ang mayroon sa ibang bansa at kung ano pa pala ang pwedeng gawing negosyo sa Pilipinas. Mas tumibay ang kanilang tiwala sa sarili at nagkaroon sila ng bagong pananaw sa mga bagay-bagay.
Nakasama sa ating kakayahang magnegosyo ang pagsakop sa atin ng mga Kastila at Amerikano dahil hindi tayo natutong maging mabusisi, mapag-usisa, at handa humarap sa panganib – ilan sa mga mahahalagang katangian ng isang negosyante. Karamihan sa mga Pilipino noon ay masaya nang maging tagasunod at empleyado ng mga mayayamang Kastila at mga kumpanya mula Estados Unidos. Mayroon rin namang mga mas mapag-usisa at matapang sa mga Pilipino noon. Ginamit nila ang mga koneksyon nila para itayo ang sarili nilang mga kumpanya.
Sa maraming kaso, ang mga natutong magnegosyo sa paraan ng mga taga-kanluran ay natuto ring gumastos gaya ng mga taga-kanluran. Halimbawa na rito ang paggamit ng credit cards na nagsimula sa kanluran. Tinuturo ng credit card ang kultura ng “self-gratification” o ang pagbibigay ng kasiyahan sa sarili. Pwede raw nating i-enjoy ang buhay kahit wala pa sa kamay natin ang perang kailangan. Marami tayong “Pay Later Plans”.
Sa kaso ng mga Tsino, sa maraming pagkakataon, hindi sila nagbabago ng paraan ng pamumuhay kahit na lumalaki ang kanilang kita. Ganito pa ang pag-iisip ng mga matandang pinuno(babae man o lalaki) ng mga pamilyang Tsino. Baka iba na ang kaso ng kanilang mga anak at apo na nag-aral sa ilalim ng sistemang kanluran.
Mas mainam pa ang maliliit na halaga na mabilis napapaikot at napapatubo kaysa naman sa malaking pera na hindi mo alam kung kailan dadating. Alam ito ng maraming Tsino dahil nakikita nila ito sa kanilang karanasan.
At syempre, mayroon din tayong mga halimbawa katulad ni Warren Buffet na isa sa mga pinakamayamang tao sa mundo at tiyak na may kakayahang kumita pa ng mga bilyon sa hinaharap dahil sa kanyang husay sa negosyo. Sinasabing hanggang ngayon, nakatira pa rin si Warren Buffet sa kaniyang orihinal na tahanan, nagmamaneho ng ordinaryong kotse, at walang driver o bodyguards. Posibleng hindi tayo sang-ayon sa kaniyang pamamaraan, pero masasabi nating isa siyang espesyal na tao na may prinsipyo. Maganda siyang halimbawa ng kasabihang, “Ang pinakamayamang tao sa mundo ay hindi iyong may pinakamaraming pag-aari, kung hindi, siya iyong may pinakakaunting pangangailangan.”
Pasyalan ang www.colaycofoundation.com para sa karagdagang impormasyon.