Ano ang Liabilities?

ni: Francisco J. Colayco

*Unang lumabas sa Bulgar noong Nobyembre 22,2012

Itinanong ito sa akin ng  isang tagasubaybay: “Hanggang magkano lang dapat ang mga utang ko?”

Gusto mong malaman kung hanggang magkano ang pwede mong utangin. Bago pa man ang lahat, dapat naiintindihan mong nagdudulot ang utang ng obligasyon na magbayad ka ngayon at sa hinaharap. Kung kaya, huwag na huwag mangungutang kung wala kang tiyak na mapagkukunan ng bayad.

Dahil hindi ko alam ang iyong Statement of Assets and Liabilities (SALN), magbibigay na lamang ako ng ilang paalala tungkol sa utang. Pero talagang kailangan mo pa ring gumawa ng SALN, kung hindi mo pa ito nagagawa.

Posibleng may iba pang uri ng utang na nagagamit mo o kaya’y kailangan mo, depende sa sitwasyon mo. Pero ito ang mga karaniwang uri ng utang na makabuluhan sa iyo:

1.      “Lista” – kung suki ka ng isang tindahan at may bibilhin ka pero wala kang dalang pera, makukuha mo pa rin ang paninda pero “ililista” ito ng tindera. “Lista” rin ang tawag sa mga utang mula sa mga kakilala na babayaran sa loob ng maiksing panahon.

2.      Installment loans (karaniwang para sa mga appliances at kooperatibang nagpapautang)

3.      Utang para sa bahay or sa pagpapa-ayos nito (karaniwang galing sa Pag-ibig o mga pinansiyal na institusyon)

4.      Utang sa Kotse (posibleng galing sa isang pinansiyal na institusyon o sa sarili mong kumpanya)

5.      Credit Card (hindi ito magandang utang at dapat itong iwasan kasi ang interes nito ang pinakamataas sa lahat)

Mahahati ang utang sa dalawang uri: iyong mga utang na kailangang bayaran nang buo sa isang espesipikong petsa o iyong mga utang na installment na dapat bayaran nang ilang ulit sa hinaharap ayon sa kasunduan.

Iba ang uri ng utang para sa kumpanya o negosyo. Nakabase ang mga utang na ito depende sa kakayahan ng negosyo na magbayad. Hindi nagpapautang ang mga pinansiyal na institusyon nang hindi pinag-aaralan ang kakayahan ng kumpanya, kung saan gagamitin ang utang, at paano babayaran ng kumpanya ang utang sa takdang panahon.

Bilang patakaran, mainam na ikonsidera ang bawat personal loan na parang company loan. Isipin ang sarili bilang isang kumpanya. Suriin kung bakit ka mangungutang  at umutang lang ng halagang kaya mong bayaran nang hindi naabala ang iyong mga pang-araw-araw na gastusin. Siyempre, para malaman kung hanggang magkano ang kaya mong ipambayad sa utang, kailangan mong gumawa ng budget.

Kailangan mo pa ring sundin ang patakaran na: Income – Savings = Gastos (o Income – Savings = Expenses).

Kung ang iyong utang ay para sa bahay o kotse, posibleng ikonsidera ang buong halaga o ang bahagi ng installment bilang bahagi ng iyong “Saving”. Pansinin na sinabi kong posibleng ang ilang bahaging lang ng ibinabayad sa housing loan ang maituturing na investment. Dahil kung sakaling tumaas ang halaga ng bahay sa hinaharap, maituturing mong investment ang perang ibinayad mo sa installment. Siguruhing may karapatan kang ibenta ang bahay ayon sa titulo ng bahay. Pag-aralan ito nang mabuti. Dahil kung hindi, ang house installment mo ay para lang gastusin gaya ng pambayad sa renta.

Sumali sa aming mga seminar at tingnan ang aming mga pampaskong handog sa www.colaycofoundation.com. Sa pamamagitan ng CFE, matutulungan ninyo ang inyong mga kamag-anak at kaibigan na magkaroon ng edukasyon tungkol sa tamang paghawak ng pera.

Leave a Reply

Your email address will not be published.