ni: Francisco J. Colayco
*Unang lumabas sa Bulgar noong Nobyembre 24, 2012
Tanong sa akin: Ano ang epekto kapag ginastos ang passive income imbes na hayaan lang iyon na lumago?
Kahangahanga na nagtatanong ka tungkol sa paggastos ng passive income. Ibig sabihin nito, mayroon kang passive income dahil ini-invest mo ang mga savings mo. Ang pag-iinvest ng iyong ipon ang pinakamainam na paraan para palaguin ang iyong yaman basta lamang pinipili mo ang mga tamang investment.
Gaya ng alam mo, pwede mong gastusin ang kinikita mo mula sa iyong mga investment. Ito ang prinsipyo na susundin: gamitin ang active income – ang kita na galing sa dugo’t pawis – para sa mga pangangailangan o needs. Samantalang para sa mga luho o wants, ang pwede lang gamitin ay passive income Pinalago mo ang iyong pera at may karapatan kang gastusin iyon kung gugustuhin mo. Pero kung hahayaan mo lang lumago pa lalo ang iyong passive income o kahit ang ilang bahagi nito, mas mabilis mong makakamit ang inaasam na yaman.
Kapag hindi mo ginagalaw ang passive income at hinahayaan mo lang itong lumago rin gaya ng prinsipal na halaga, napapakinabangan mo ang “compounding”. Kaya naman bukod sa tubo na nagmumula sa prinsipal na halagang na-invest mo, tutubo rin mismo pati ang kinita mo mula sa prinsipal… at patuloy na ganito ang mangyayari. Napakabilis ng paglago ng kita kapag napapakinabangan ang “compounding”.
Mas madali mangyari ang compounding ng iyong passive income kapag pinili mo ang isang investment kung saan automatic na ang compounding. Kung ikaw ang magdedesisyon kung gagalawin ang passive income o hindi, matutukso kang gastusin iyon o baka hindi mo na alam kung saan iyon dapat iinvest uli. O kaya naman, baka makalimutan mo iyong i-invest uli dahil abala ka sa ibang bagay.
Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit gusto ko ang mutual funds para sa investment. Kapag nag-invest ka sa isang mahusay na mutual fund at iniwan mo lang doon ang pera mo, automatic na itong magcocompound para sa iyo.
Kung gagastusin mo ang iyong passive income, iyon na ang katapusan ng perang iyon! Hindi na iyon lalago. Mas nakakalungkot kung gamitin mo ang passive income sa mga luho na hindi naman talaga mahalaga sa iyo. Siguruhin na talagang makakapagpasaya sa iyo ang luho na paggagamitan ng passive income para naman hindi iyon masayang nang lubos.
Bumisita sa ang aming website www.colaycofoundation.com para sa aming mga seminar. Tingnan ang aming mga handog na pwedeng iregalo sa pamilya at mga kaibigan.