Pag-Diversify

ni: Francisco J. Colayco

*Unang lumabas sa Bulgar noong Nobyembre 29, 2012

Paano ko dapat i-invest ang aking ipon kung Php 5,000.00 lang ito? Lagi niyong sinasabi na huwag ilagay ang investment sa iisang sisidlan. Sa madaling salita, kailangang maging “diversified” hindi po ba?

Lagi kong pinapayuhan ang may mga ipon ng Php 5,000.00 na ilagay iyon sa isang mahusay na Mutual Fund. Iniisip ko kasing panimulang investment lang ang Php 5,000.00.  Pinapayuhan ko kayong gamitin ang formula na Kita – Ipon=  Gastos (Income – Savings = Expense). Idagdag sa Mutual Fund ang Ipon kapag umabot na ito sa Php 1,000.00. Madali lang itong gawin kung determinado ka at may disiplina ka na gawin ito.

“Diversified” na rin naman ang isang mahusay na Mutual Fund. Nag-iinvest ang Mutual Fund sa magkakaibang kumpanya. Nag-iinvest ang isang Equity Mutual Fund sa mga kumpanya na nakalista sa stock market. Nagpapautang naman ang isang Bond Mutual Fund sa mga kumpanya o kaya naman sa gobyerno ng Pilipinas. Pareho namang nag-iinvest ang Balanced Mutual Fund sa stock market at nagpapautang din sa mga kumpanya at gobyerno.

Karaniwang nag-iinvest ang mga mutual funds sa pare-parehong kumpanya. Ganito ang nangyayari dahil hindi pa ganoon karami ang mga kumpanya sa Pilipinas na nakalista sa ating at stock market at tumatanggap ng kapital mula sa madla. Nasa proseso pa tayo ng pag-iibayo ng ating capital markets, lalo na ang stock market. May mga kumpanya na kailangan ng malaking pera para sa kanilang paglago. Pero kailangan nila ng mahabang panahon para makuha ang tiwala ng madla at ng mga pinansiyal na institusyon. Kung may sapat na tiwala sa kanila, saka lamang nila pwede himukin ang madla, ibang kumpanya at mga pinansiyal na institusyon na mag-invest sa kanila.

Nagkakaiba ang mga mutual fund depende sa husay ng mga fund managers sa pagdedesisyon kung magkano ang ilalagak sa bawat investment at kung kelan isasagawa ang pag-invest at paghugot ng tubo. Makikita kung gaano kahusay napapatakbo ang mga mutual funds sa website na ito: www.pifa.com.ph

Kung Php 5,000.00 lang ang ipon mo at wala ka nang ibang mapagkukunan ng kita, kailangan mong magdalawang isip kung mainam bang ilagay ang buong Php 5,000.00 sa mutual fund. Napakaliit ng posibilidad na mawala ang buong Php 5,000.00 sa isang mahusay na Mutual Fund. Pero kung kailangan mo ng pera, baka mapilitan kang magbenta ng shares kung kailan naman hindi maganda ang halaga nito. Kung gayon, mas maliit ang perang makukuha mo kaysa sa Php 5,000.00 na pinasok mo. Ang unang mong dapat gawin ay magtabi ng pera para sa mga hindi inaasahang pangyayari. Hindi pa angkop sa iyo na  mag-invest nang matagalan kung wala ka pang naitatabi para sa mga hindi inaasahang pangyayari.

Kung may malaki kang ipon, baka gustuhin mong mag-invest sa ibang mga investments bukod sa Mutual Funds. Nakadepende ito kung kailan mo kakailanganin ang pera. Kailangan mo muna ng Statement of Assets and Liabilities and Net Worth (SALN), at ang iyong personal na planong pinansiyal.

Bumisita sa aming website www.colaycofoundation.com para sa aming mga seminar. May mga kaaya-aya kaming handog na pwedeng iregalo sa pamilya at mga kaibigan.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published.