Paggawa ng Budget Para sa Pamilya (Pangawalang Bahagi)

ni: Francisco J. Colayco

Unang lumabas sa Disyembre 15, 2012

Makakatulong ang sistema ng paggawa ng budget na tinalakay natin sa nakaraang artikulo para mabayaran mo muna ang sarili mo at mamuhay nang pasok sa budget. Siguruhin na angkop ang budget mo sa iyong pamumuhay. Hindi dapat lalampas ang budget sa kita mo dahil mabibigo ka lang.

Marami na ang sumusunod sa patakaran na ‘Kita – Ipon= Gastos (o Income – Savings = Expense). Sa kasamaang palad, nakakalimutan nila na kailangang positive number ang gastos. Dahil kung negatibo ang halaga ng gastos, ibig sabihin noon ay gumagastos ka nang higit sa kakayahan mo.

 

Halimbawa, kung ang kita mo ay 100 at ang iyong ipon ay 10, hanggang 90 lang ang pwede mong gastusin (100 – 10 = 90). Tama ang budget mo.

Kung 85 lang ang nagastos mo mula sa nagastos mong budget (100 – 10 – 85 = 5), ibig sabihin nito’y pwede mo pang itabi bilang Ipon ang natirang 5. Sympre pwede mo ring gastusin ang 5 dahil talagang nakalaan na yan sa gastos pero mas mabuting dagdagan ang ipon kung kaya mo naman.

Kung nasa 110 ang mga Gastos mo, at siyempre may Ipon ka pang 10, magiging negatibo ang kinalabasang halaga. Tingnan mo ito: 100 – 10 – 110 =  -20. May mali sa budget mo. Paghiwalayin ang iyong mga “Pangangailangan” at “Luho” sa iyong budget. Sa ganitong paraan, malalaman mo agad kung aling “Luho” ang pwedeng liitan.

Huwag na huwag uutang para lamang tustusan ang negatibong balanse sa budget. Tuwing ginagamit ang credit card, masasabing wala kang cash na pambayad sa mga gastusin na iyon at nangungutang ka ng pera para tustusan ang mga regular na gastusin. Makakasama ito sa kalaunan dahil ang interes sa credit card ang pinakamataas sa lahat.

May mga nagtanong pa nga sa akin kung mabuti bang umutang at gamitin ang inutang na pera bilang Ipon. Ganito ang nangyayari kapag may nag-alok sa iyo na mag-invest sa isang bagay at naniniwala kang maganda doon ilagay ang ipon mo. Huwag matutuksong umutang para ipuhunan sa isang negosyo na hindi mo naiintindihan at hindi mo rin naman napag-aralan nang husto. Kailangan mong bayaran ang inutang mo, tumubo man o malugi ang negosyong pinasukan. Huwag matutukso sa malalaking kita na ipinapangako. Mag-ingat nang husto.

Ito ang ilan sa mga payo na makakatulong para maging matagumpay ang pagba-budget. Pero siyempre kailangan ng determinasyon at disiplina sa sarili.

–       Bantayan nang regular ang budget para mabago ito kung kinakailangan

–       Tandaan na nagkakaroon ng mga hindi inaasahang gastos gaya ng hindi inaasahang pagpapaayos ng bahay o sasakyan. Maging handa na bawasan ang mga luho para matustusan ang mga hindi inaasahang pangyayari.

–       Maglaan ng budget para bigyang gantimpala ang sarili. Halimbawa, kumain sa labas isa o dalawang beses sa isang buwan kapag matagumpay na nakamit ang budget.

Pasyalan ang www.colaycofoundation.com at maraming inaalok na pan-regalo sa Pasko.

Leave a Reply

Your email address will not be published.