Ang Mga Investments ay Kagamitan

ni: Francisco J. Colayco

*unang lumabas sa Bulgar noong ika-17 ng Enero, 2013

Gusto kong ibahagi sa inyo ang isinulat ni Guita Gopalan, ang Managing Director ng Colayco Foundation. Isinusulong ng aming team ang parehong mga prinsipyo pero mula sa ibang pananaw. Naniniwala akong makakatulong ang mga ito sa inyo.

“Ang mga Investments ay mga KAGAMITAN at gaya ng ibang mga kagamitan, kailangan mong matutunan kung paano ito gamitin.

Halimbawa, kung karpintero ka, kailangan mong matutunan kung paano gumamit ng martilyo at magtanggal ng pako. Dahil kung hindi, baka mapukpok mo ang sarili mo o makasakit ng ibang tao. Alam mo rin kung ano ang limitasyon ng isang martilyo, kaya nga hindi ka gagamit ng martilyo para maglagay ng mga screw dahil alam mong hindi iyon ang angkop na kagamitan.

Ganito rin pagdating sa mga investment instruments. Mga kagamitan ang mga ito na pwedeng pakinabangan depende sa iyong mga layunin. Tandaan na laging gumamit ng angkop na kagamitan!

 

5 Patakaran sa Paggamit ng mga Investment Instruments

#1 Ano ang gusto mong makamit? Espesipikong target? Gaano katagal mo balak mag-invest?Kailangan mo ng mga malinaw na layunin – magkano ang kailangan at kailan mo kailangan.

#2 Hugutin ang iyong mga investments depende sa iyong mga layunin at HINDI depende sa kalagayan ng investments mo.

#3 Pinakamahusay na sitwasyon kung makamit mo ang layunin sa takdang oras. Hugutin na ang mga investment kung kailangan mo na.

#4 Kung maaga mong naabot ang iyong minimitihing halaga, halimbawa sa loob lamang ng 8 taon imbes na 10 taon, mainam na hugutin ang investment. Hanggang sa dumating ang oras ng pangangailangan, ilagay muna sa savings account o time deposit ang pinaghirapang pera na napalago mo nang mahusay. O kaya, pwede rin i-invest muli ang buong halaga o ang ilang bahagi nito, depende na lamang kung kaya mong tanggapin ang panganib na dala ng pag-iinvest nito muli.   

#5 Kung umabot na ang itinakdang 10 taon pero hindi pa rin nakakamit ang halagang minimithi, kailangan mong magpasya kung itutuloy mo pa ang pag-invest o kaya’y huhugutin mo na kahit hindi pa nakakamit ang inaasahang halaga. Pero kung maingat kang investor, 1-2-3-4-5taon pa lang ang nakakaraan, nang makita mo pa lang na mukhang hindi makakamit ang minimithing halaga sa loobng 10 taon, nagawan mo na dapat ng paraan para makamit mo pa rin ang iyong layunin. Halimbawa, gumamit kang ibang investment, tinaasan mo ang iyongipon, at iba pa. (Tandaan na kagamitan ang mga investments! Minsan, kailangan mo ng maliit na martilyo para ilagay sa tamang puwesto ang isang pako. At saka ka na mangagamit ng malaking martilyo para ibaon nang husto ang pako.)

Abot-kamayang yaman kung maayos ang paghawak natin sa personal na pera at napapalago natin ito satulong ng mga kagamitan na pwede nating pakinabangan.”

*Sa ika-23 ng Enero, may webinar tungkol sa One Wealthy Nation, isang samahan ng mga nag-iipon at nag-iinvest na sama-samang natututo upang marating ang kalayaang pinansiyal. Kasama nito ay ang paglabas ng One Wealthy Nation Mutual Fund na pinanghahawakan ng First Metro Asset Management Inc., isa sa mga batikang mutual fund company sa bansa. Para sa karagdagang detalye, bisitahin ang www.onewealthynation.com!

Leave a Reply

Your email address will not be published.