ni: Francisco J. Colayco
*unang lumabas sa Bulgar noong ika-26 ng Enero, 2013
Artikulo ito na ibinahagi ni Armand Bengco, Executive Director ng Colayco Foundation.
“Napakaraming artikulo ang lumabas noong patapos na ang 2012 at marami ang nagsabi na lalo pang aangat ang ekonomiya. Pero ang nakatawag sa aking pansin ay ang artikulong “Filipinos have much to be proud of” (Maraming Pwedeng Ipagmalaki ang Pilipino) na isinulat ni Antonio Lopez, isang kolumnista ng ibang dyaryo.
Mula sa kaniyang artikulo, hindi maiiwasang pumasok sa isip na yumayaman na ang Pilipino? Narito ang ilang interesanteng mga estadistika na naghahambing ng Pilipinas sa 204 na bansa sa mundo.
- Ang per capita na kinikita ng Pilipino noong 2001 ay US$ 1,146 at naging US$3,157 noong 2011
- Lumalago ito ng 16% kada taon sa nagdaang 11 na taon
- Ang US$3,157 na per kapita ay katumbas ng US$8.65 kada araw. Magandang balita na ito dahil ayon sa World Bank, kinokonsiderang “mahirap” ang taong nasa US$2 lang ang kita kada araw
- Ang Pilipinas ang may ika-12 na pinakamalaking populasyon
- Ang Pilipinas ika-34 na pinakamayamang bansa kung titingnan ang GDP na nagkakahalaga ng US$315 Bilyon
Ayon sa Inclusive Wealth Index ng United Nations, kailangan ring bigyang-pansin ang mga kapital na yaman ng bansa
- Kapital sa Tao
- 100 milyon Pilipino; mas malaki ng 20 beses kaysa sa Singapore (kung saan lumiliit ang populasyon)
- 95% ng populasyon ang marunong magbasa
- Marunong magsalita ang mga Pilipino ng Ingles, ang wika ng negosyo at ng internet; kahit hindi laging perpekto ang gramatika ng mga Pilipino, hindi mahihirapan ang mga dayuhan na gumala kahit saan
- Sinasabing mahusay magtrabaho ang mga Pilipino at madaling turuan.
- Natural na Kapital
- Mayaman ang Pilipinas sa likas na yaman gaya ng mineral, mga pambihirang bakal, natural na gas, lupa, at bakal at langis.
- 2/3 ng Pilipinas ay tubig – isang nauubos at mahalagang yaman (ayon sa artikulo)
- Nilikhang Kapital
- Padala ng mga OFW
- Mayroong 10 milyong OFW, o 10% ng populasyon; nagpapadala sila ng US$23 Bilyon sa isang taon bagama’t may pandaigdigang krisis.
- Reserba ng Dolyar
- Oktubre 2012 – ang US$82 Bilyon na reserbang dolyar ng Pilipinas ay sobra-sobra para mabayaran ang inutang na US$62 mula sa mga dayuhan
- Pera sa mga Bangko
- Php5.04 trilyon ang nakadeposito sa mga bangko sa Pilipinas
- Php 3.57 trilyon ang ipinautang ng mga bangko.
- Php1.47 trilyon ang pwedeng ilagay sa mga instrumento na mas mataas ang kita.
Totoong abot-kamay na natin ang Pilipinas na tinutukoy sa artikulong “The Philippines: a Rich Country (in 2050)”. Tatlumpung-walong taon mula ngayon, ang mga anak natin at apo ay mabubuhay sa naiibang Pilipinas. Hindi natin kailangang maghintay ng matagal kung gagawin natin ang mga sumusunod:
-ipagpatuloy na gawin kung ano ang mabuti at tama
-itigil ang mga bagay na makakasama sa atin at sa ating bansa
-magsumikap na paunlarin ang sarili.
Maaabutan natin (lalo na’t humahaba ang buhay ng mga tao ngayon) ang Piliinas na hindi na tinatawag bilang “Ang Maysakit” sa Asya. Masasaksihan nating maging tunay na maunlad at masagana ang Pilipinas.”