Ang Sakripisyo ng Kababaihan

ni: Francisco J. Colayco

unang lumabas sa Bulgar noong Marso 7, 2013

Natural sa mga kababaihan na mag-aruga na gaya ng isang ina sa kaniyang anak, pati na rin sa mga taong sa tingin niya’y nangangailangan ng suporta niya. Natutunan ng mga kababaihan ang ganitong ugali noong maliit pa lang siya, simula nang maglaro siya ng manika, at mag-alaga ng mga hayop.

 

Habang lumalaki siya, natututunan niyang kailangan pala ng pera para makuha ang mga kagustuhan niya sa mundo. Tinuruan siya ng kaniyang magulang tungkol sa kahalagahan ng pagsisikap, pagtitipid at pag-iipon. Pero, ayon sa aming karanasan, hindi ganoon kalalim ang itinuturo ng mga magulang dahil kalimitan, sila mismo ay hindi marunong mag-ipon at magpalago ng pera. Paano ngayon matututo ang bata? Sa kasamaang palad, hindi rin tinuturo sa paaralan kahit ang mga basikong patakaran ng mahusay na paghawak ng personal na pera.

Maraming mga bata ang may ideya tungkol sa pag-iipon, pero karaniwang nag-iipon lang sila para bumili ng isang bagay na gustung-gusto nila. Bilang mga estudyante, marami silang gustong bilhin pero kulang ang allowance at mga regalo na tinatanggap nila. Kaya naman, pagkatapos ng graduation at kumikita na sila, sabik silang gastusin ang kanilang mga ipon para sa mga bagay na matagal na nilang gusto. Ang masama pa niyan, natututo silang gumamit ng credit card at nakakalimutan nila agad na kailangan pa rin nilang bayaran nang buo ang credit card bill.

 

Sino ang tumutulong sa kanila? Karaniwang ang nanay ang tumutulong kung may mahanap siyang paraan. Siya ang “tagapagprotekta”, hindi ba? Kadalasan, siya ang gumagastos para lang makatulong. Nagagamit niya nang wala sa oras ang ipon na para talaga sana sa sarili niya at sa kaniyang pagreretiro.

Ngayong Buwan ng Kababaihan, gusto kong bigyan pansin na nangyayari ang ganoong sitwasyon sa mga kababaihan na sumusubaybay sa amin. Halimbawa, nahihilig kang bumili ng magarang laruan para sa anak o apo kahit na hindi iyon pasok sa budget. Napakarami pang ibang halimbawa. Kadalasan, nagsasakripisyo ka para sa iyong mga mahal sa buhay. Sa maraming beses, wala sa lugar ang pagsasakripisyo, lalo na kung naiisangtabi ang paghahanda mo sa pagreretiro. Baka iniisip mong may mag-aalaga sa iyo kapag tumatanda ka na. Hindi mo ba naisip na baka maunang yumao kaysa sa iyo ang asawa at/o mga anak mo? O baka naman wala silang kakayahang alagaan ka sa iyong pagtanda kahit na gustuhin man nila.

Napakahalagang tandaan at isagawa ang Pinakaunang “Utos” na ipinapayo ko sa mga handang makinig. Ang Unang Utos ay: “Bayaran mo muna ang sarili.” Ibig sabihin nito, susundin mo ang formula na: “Kita – Ipon =  Gastos.” Gumawa ka ng budget, pero ibawas at itabi mo na agad ang 20% bilang Ipon, at gastusin lamang kung ano ang matitira.

Sumali sa aming mga seminar sa www.colaycofoundation.com.  O tumawag sa 6373731 o 41

Leave a Reply

Your email address will not be published.