Upang ipagdiwang ang Marso, Buwan ng Kababaihan, tinatalakay natin kung paano matututo ang mga kababaihan tungkol sa tamang pag-iinvest. Kailangang sundin ang patakaran na “Pay Yourself First”. Sinasabi nito na kailangan nating magtabi ng halaga para sa ating kinabukasan. Pero hindi sapat ang mag-ipon. Napakahalagang matutunan kung paano iinvest at palaguin ang ipon.
Maaaring sabihin na masyadong pinasimple ang mga patakarang ito, pero magandang simula mga ito para sa mga gustong matuto:
a.) kung mas mataas ang tubo, mas mataas rin ang panganib
b.) kung mas matagal ang panahon sa pag-iinvest, mas mababa ang panganib
c.) kung mas mahaba ang panahon ng pag-iinvest, mas mataas ang tubo
Pansinin na napakahalagang magsimulang mag-ipon sa lalong madaling panahon. Habang tumatanda, at nauubusan ka na ng oras, mas mapipilitan kang maghanap ng investments na malaki ang tubo. Sa kasamaang palad, “kapag mas mataas ng tubo, mas mapanganib.” Baka patulan ang mga mapapanganib na investment kahit hindi naman kailangan. At kung may mangyaring hindi maganda sa investment, dahil nga mapanganib iyon, wala nang panahon para bumangon mula sa pagkakadapa.
Gaya ng maraming tao, malamang iisipin mo na ang ang pagtatayo ng negosyo ang solusyon sa mga problema mo. Pero kailangan mong tanggapin ang katotohanang 5-15% lang ng mga negosyante ang nagtatagumpay sa loob ng unang limang taon. Hindi maganda ideya na maging gaya-gaya sa negosyo ng iba.
Magtatagumpay ka lang kung taglay ng negosyo mo ang apat na prinsipyo ng isang matagumpay na negosyo: 1.) nag-uumpaw na interes sa negosyong napili, 2.) sapat at tuluy-tuloy na dami ng tumatangkilik sa negosyo mo, 3.) mahusay at angkop na teknolohiya, at 4.) maasahang pagtatala (accounting). Kung may kulang sa apat na ito, o kaya naman ay hindi buo ang pasya mo na magnegosyo, mas mainam na iba na lang ang gawin mo.
Kung may naipon ka nang pera na hihigit pa sa Php6,000 na hindi mo kailangan bilang emergency fund, maraming mga mahuhusay na mutual funds na pwedeng mong pag-isipan na pasukan. May mga mutual funds na tumatanggap ng Php5,000 bilang pang-unang investment. Pagkatapos nito, pwede kang magdagdag ng Php1,000 sa iyong account. Pwede kang sumulat sa info@colaycofoundation.com para sa mga link ng Mutual Funds.
Posibleng nasasabik ka nang makitang lumalago ang pera mo. Pero teka… huwag magmadaling ipamigay ang mga kinita mo. Laging tandaan na, “Hindi mo maibabahagi ang bagay na wala sa iyo.” Kung ipamimigay mo ang lahat ng kinita mo, wala o kaunti ang matitira sa iyo o kaya naman, wala ka nang maitutulong sa susunod na emergency. Laging mag-ingat. Kailangan mong panatilihin ang iyong ipon at kapital para mas marami kang maibahagi sa kinabuksan.
Bumisita sa www.colaycofoundation.com o tumawag sa 6373731 o 41 para sa mga seminars at karagdagang impormasyon.