Dapat Gawin Kung Hindi Kayang I-Maintain ang Biniling Condo

ni: Francisco J. Colayco

unang lumabas sa Bulgar noong ika-11 ng Mayo, 2013

SA katunayan, huling down payment ko na po ito. Ang kasunduan kasi ay babayaran namin ang down payment nang hulugan sa loob ng isang taon. Makukumpleto na namin ang ika-12 na bayad sa ika-20 ng Mayo. Regular kaming nakakapagbayad. Ayaw ko kasing masira ang pangalan ko sa developer at sa bangko.

Naliwanagan nga po ako sa mga ibinigay ninyong mga tanong. Sa kasalukuyan po kasi wala kaming rentang binabayaran dahil ibinigay lang po sa amin ng aking mga magulang ang apartment unit na tinitirahan namin.  Pangalawa po, libre po ang pag-aaral ng mga bata dahil doon sila mag-aaral sa public school system.  Gagabayan ko po ang mga anak ko sa mga assignment at project nila.  Pangatlo po, hindi ko na kailangan pang gumastos ng malaki sa transpo dahil napakalapit ng bahay namin sa trabaho ko.  Naisip ko na mas maraming benepisyo ang manatili kami sa aming kasalukuyang tirahan kaysa lumipat sa isang lugar kung saan hindi ko naman alam kung anong magiging buhay namin.

Naisip ko rin po na mas malaking sugal kung itutuloy ko ang bahay na hulugan. Mas maigi na mawalan ako ng Php180,000 ngayon, kaysa naman magbayad nang mas malaki sa loob ng ilang taong paghuhulog. Mas malaki ang malulugi sa amin kapag tinuloy ang pagbili niyon. Hindi naman po kami nagsisisihan ng asawa ko dahil naisip namin na maaari pa rin naming kitain ang nawalang Php180,000. Iipunin na lang namin ang aming pera at ilalagak sa mga investment instrument.  Kumbaga po, gagawa kami ng sarili naming “Land Fund” para makabili kami ng lupa na pagtatayuan ng apartment.

Nagpapasalamat po ako ulit sa inyong mga tanong.

Naliwanagan po ako nang husto.  

May gusto rin po akong ibahagi. Sinunod ko po ang payo ninyo na maging maisip sa mga ginagastos. May nahanap po akong magandang app na tinatawag na Expense Manager. Sa tulong nito, madaling bantayan ang pagpasok at paglabas ng pera. Natuklasan ko na hindi talaga ako maluho.  Kaso nga lang, mahilig talaga akong mag-taxi kaya malaki rin ang gastos ko sa transportasyon.

 

Ito ang sagot ko sa ikalawang email:

Salamat sa pagbibigay liwanag sa aming mga tanong. Naiintindihan namin na ayaw mong masira ang reputasyon mo pagdating sa utang. Magandang hangarin ito. At siyempre naman, kikitain niyo uli ang Php 180,000. Pero baka may mga legal na hakbang na puwede ninyong gawin upang hindi masira ang inyong pangalan dahil lamang sa hindi niyo itutuloy ang pagbili ng unit. Tandaan na isa kang ahente.

 

Pinapayo namin na basahin niyong nang maigi ang dokumentong pinirmahan ninyo. Baka puwede ninyong ibenta ang unit sa isang bagong buyer na siyang magbabayad ng natitirang balanse. Posible pa kayong kumita (kung halimbawa tumaas ang halaga ng bahay at lupa) dahil mababawi ninyo ang down payment sa pamamagitan ng isang bigayan (lump sum) o installments sa loob ng panahong mapagkakasunduan ninyo ng bagong buyer.

Maraming salamat sa pagbabahagi ng app na matatagpuan sa: http://download.cnet.com/Expenses-Manager/3000-2066_4-10977372.html

 

Natutuwa kaming nakatutulong sa iyo ang app. Gusto ko lang ipaalala na itinuturing pa ring luho ang pagsakay sa taxi, maliban na lamang kung walang ibang transportasyon na magagamit o kaya ay bumubuhos ang ulan at mababasa ka.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published.