Kahalagahan ng Pera Sa Mayaman at Mahirap

ni: Francisco J. Colayco

Unang lumabas sa Bulgar noong ika-6 ng Hunyo, 2013

KUNG pag-uusapan ang pera, gaano kasaya ang mga tao?

Mapaliligaya ba sila ng kayamanan at katanyagan? Tiyak na may mga taong tanyag at mayaman na maligaya sa buhay. Pero hindi masasabing tanging ang kayamanan na dala ng katanyagan lamang ang nagdadala sa kanila ng kaligayahan. Sa katunayan, sa maraming pagkakataon, ang yaman ang nagdudulot sa kanila ng sakit sa ulo at sama ng loob. Nagtataka sila kung sikat sila dahil sa kanilang angking kahusayan o baka dahil mayaman lang sila. Nagkakaloob sa kanila ng kapangyarihan ang pera dahil hindi gugustuhin ng mga tao na suwayin ang kanilang kagustuhan. Maaaring galante sila sa pagreregalo dahil hindi sa kanila kaso ang pera. Pero sa huling pagsusuri, ginagalang ba nila ang kanilang mga sarili nang sapat? Kung ginagalang nila nang sapat ang kanilang sarili, saka lang nila puwedeng paniwalaan na ginagalang sila ng tao dahil sa kanilang mga angking kahusayan.

 

 

Pero laging mas mainam na may pera kaysa naman sa wala. Totoo ito pati sa mga taong sikat dahil lalo silang gagalangin kung may pera sila. Dahil tanyag sila, marami ang lalapit upang humingi ng tulong. Tiyak na gugustuhin nilang tumulong at ikadidismaya nila kung hindi sila makakatulong. Ang solusyon ay siguruhing may sapat silang pera para makapagbahagi sa mga nangangailangan at makamtan ang ibang mga layunin na siyang magbibigay sa kanila ng kaligayahan.

 

Mas kaunti ba ang pag-aalala kung marami ng pera?

 

Sa kasamaang palad… Hindi! Sa katunayan, sa aking palagay, nag-aalala ang taong mayaman gaya ng taong walang pera. Posible ngang mas matindi pa ang pag-aalala ng taong mayaman. Inaalala ng mga pangkaraniwang tao ang kanilang pang-araw araw na gastos. Gayunman, mas simple naman ang kanilang mga pangangailangan. Kaya naman mas nalulutas agad ang kanilang mga problema. Halimbawa,  tuwang-tuwa na ang manlilimos kapag may pagkain siya at matuuluyan.Inaalala nila kung saan makukuha ang kanilang mga pangangailangan at maaaring pinanalangin din nila na may maawa sa kanila. Nasisiguro kong walang gustong maging manlilimos. Karaniwang mga biktima ng sindikato o kaya ay may kapansanan sa isip ang nagiging manlilimos. May ilang mga tao na talagang tamad at walang galang sa sarili kaya hindi sa kanila problema na gawing hanapbuhay ang paglilimos.

 

Nagdadala ng obligasyon ang pagkakaroon ng maraming pera. Ayon sa Bibliya, Mateo 13:12, “Kung sino ang meron, ay pagkakalooban pa ng mas marami.” Ito ang nais ipaabot ng talinhaga sa Bibliya. Mas malaki ang inaasahan mula sa mga taong maraming pera. Hindi lahat ng tao ay mayroong maraming pera. Hindi maaaring maging makasarili ang mga taong may maraming pera. Kung hindi, pananagutan nila ang kanilang kasakiman.

 

Para sa mga pinagpalang magkaroon ng maraming pera, ang solusyon para mabawasan ang pag-aalala ay gamitin ang kanilang yaman para sa ikabubuti ng nakararami, lalo na para sa mga may matinding pangangailangan. Mawawala ang pag-iisip sa sarili kung uunahin ang kapwa. Kapag hindi na masyadong pinagtutuunan ng pansin ang sarili, mababawasan ang mga personal na pangangailangan at kagustuhan. Dahil ika nga sa isang kasabihan, sa bandang huli, “Ang pinakamayamang tao ay hindi iyong may pinakamaraming pag-aaari, bagkus, pinakamayaman ang taong pinakakaunti ang pangangailangan.”

 

Maging miyembro ng One Wealthy Nation para makatanggap ng marami pang materyal para lumawak ang iyong pinansiyal na kaalaman! Bisitahin ang www.onewealthynation.com para sa karagdagang detalye.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published.